Friday, February 14, 2020

SALOOBIN SA SITWASYON NG ABS-CBN


Saan ba talaga nagmumula ang galit ng mga Die-hard Duterte Supporters (DDS) sa ABS-CBN? (Or sa mga Aquino, Simbahang Katolika, CHR, America, etc.). Mga loyalista ng mga Marcos - galit, kapatiran ng isang sekta ng relihiyon – galit, mga taga-Davao/Mindanao – galit.  Ang mga DDS ay pagsasanib ng mga maka-Marcos, maka-Gloria, maka-Erap at galit ang mga ito sa ABS-CBN.  Ang mga sinasabi nila: hindi daw nagbabayad ng tax ang ABS-CBN.  Sinagot sila ng pamunuan ng kumpnya na wla silang utang sa buwis at katunayan pa nga ay binigyan sila ng clearance ng BIR nung 2019.

Bias daw. Di ko alam kung paanong bias. Kung anu naman ang lumabas sa bibig ng Pangulo, kung ano ang mga ginawa ng mga nasa paligid ng Pangulo ay iyun din lang naman ibinabalita. Dokumentado naman. At kung ano ang ibinabalita ng ibang channel, diyaryo at radio ay yun din ang ibinabalita niila, pero bakit sine-single out nila ang ABS?  Yun daw paraan ng pagbabalita, kung paano ipakita, paano ibalita – bias daw.   Hindi kaya sila na ang bias dahil ang utak nila ay nakahulma na’ng anuman ang sabihin ng mga hindi nila gusto ay para sa kanila masama.  Kapag masama kasi ang nasa isip mo, masama ang mga papasok na enerhiya sa mga nakikita o naririnig mo at masama talaga ang lalabas sa iyo.

Dahil oligarko daw ang mga Lopez na may-ari ng ABS-CBN.  Pero hindi naman sila tutol sa mga kapanalig na oligarko ng Pangulo.

Utang?  Bagamat wala akong alam sa akusasyon na ito at hindi ko ito sasagutin.  Ngunit habang lahat ng malalaking kumpanya ay may utang, at sa teyorya ng accounting ito ay walang mali. Hindi naman pipitsugin ang mga CPA ng malalaking kumpanya kumpara sa mentalidad ng mga panatiko.  Habang may mga kumpanyang may mga utang ay narerenew ang prangkisa, bakit hindi ang ABS?  Kailangan kong hintayin ang paliwanag.

Habang may ibang kumpanya at indibidwal ang hindi nagbabayad ng buwis (o ng tamang buwis) tulad ng Pogo, si Manny Pacquiao, ito pa bang ABS na kasama sa top-200 na tax payer ng bansa?

Magpakatotoo tayo: galit sila sa ABS-CBN (sa mga Aquino, Simbahang Katolika, etc.) kasi galit si DU30 dito. Kung ito na lang sana ang sinasabi nila ay mas maniniwala at maiintindihan ko pa sila. “Eh kasi galit si DU30 sa ABS-CBN kaya galit na rin kami” – yun!.  Huwag ng sabihin bias daw, may utang, may minanamaltratong trabahador, at kung anu-ano pa – nagkakasala pa sila niyan dahil nangbibintang sila. Sabihin na lang nila na galit sila kasi galit din si DU30 - tapos. At ganito ang tinatawag na panatiko. Hindi na sila tumitingin sa isyu kundi sa personalidad na. At ganito ang totoong hindi makabayan at traydor sa bayan.

Napakasimple: Anumang bagay tungkol sa mga hindi nila kasama ay hindi nila gusto. Kaya kahit anong ganda,kahit anung tama ay hindi nila ito magugustuhan at tatanggapin kundi pasasamain pa nila ito.
Kung ano ang gusto ni DU30 yun ang gusto nila, kung ano ang sabihin ni DU30 yun ang sasabihin nila, kung ano ang iutos ni DU30 yun ang susundin nila. Salamat, hindi ako ganun.

Kaya kahit anung mali sa pagpatay ay ginusto na nila ito dahil yun ang gusto ng idolo nila. Kahit anong galit nila nung araw sa mga pinaggagagawa ng China ay ipinagtatanggol na nila ito ngayon dahil kapanalig ito ni DU30. Kahit mismong Diyos na ang hinamak, kinutya at minamali ay wala silang pakialam dahil sabi nga nila “Duterte pa rin”. Salamat, hindi ako ganun.

Kung tutuusin ay wala namang malaking epekto sa akin kung magsasara ang ABS-CBN. Hindi naman nila ako solid na kapamilya, hindi ako masugid na tagapanood, wala akong hilig sa showbiz, kaya wala naman talaga sa akin ang mga networks na ito tulad ng GMA, TV5, etc. Kaya hindi lumalabas na maka-ABS-CBN ako.  Pero hindi lang naman ako ang tao at hindi lang naman ito dapat tungkol sa akin.  Nagbibigay ako ng saloobin dahil may mga taong naaapektuhan, mawawalan ng pagkakataong makapanood ng mga programa na libre, o malayang makapili ng mga mapapanood.  Mawawalan ng serbisyo-publiko sa mga nangangailangan.  Oo nga’t galing sa mga donasyon ng taong-bayan ang marami sa mga ito, pero hindi ba kitang-kita dito yung tiwala ng mga tao sa ABS-CBN na gamitin sila upang makatulong?  Dahil malawak ang kanilang nasasaklawan, kaya nilang maghikayat, maraming mga tauhan at mayroon silang mga pasibilidad upang miparating ang mga tulong na ito, duon pa lang napakalaking bahagi na sila sa serbisyo-publiko.

Nagbibigay ako ngayon ng saloobin para sa mga tao na nilamon na ng sistema dahil nakikita ko ang kanilang pagmamalabis. Pagmamalabis sa kapangyarihan ng mga politiko at pagmamalabis ng mga taong-tagasunod na nawawala na sa katwiran. Ayokong ugali ng isang tao na kung ano ang gusto niya ay siya ang masusunod kahit hindi na patas, na nakikita ko ngayon sa mga nasa posisyon.  Umuulit ang kasaysayan at naniniwala akong matatapos din ang mga ito, ngunit huwag sanang umabot pa ng dalawang dekada.  Nawa’y makamtan na ng bayan ang gantimpala mula sa ilang taon ng pagtitiis.

#StandWithABSCBN
#ABSCBNFranchise
#NoToABSCBNShutdown

1 comment:

Anonymous said...

.!@#$%^&*()_+........... after marinig sa Senado ang panig ng ABS-CBN, heto ang summary: NTC – walang Violation. BIR – walang violation. SEC – walang violation, Bong Go – Nasaktan ang Presidente. Bong Go – Hindi makikialam ang Pangulo sa ABS-CBN franchise renewal. Bong Go – Ia-appeal ko sa Pangulo ang franchise renewal ng ABS-CBN. Bong Go – Hindi vindictive ang Pangulo.
So personal vendetta lang pala ang gusto ni Duterte.
Kung ang PDR ay unconstitutional, bakit pinirmahan ni Duterte ang renewal ng GMA-7's franchise kahit meron itong PDRs patterned tulad ng ABS-CBN’s?
“Wala naman palang penalty (sa NTC). Bakit natin isasara kung wala naman palang penalty sa inyo? Commensurate ba? Assuming merong penalty, e di pag multahin na lang. Bakit kailangang isara?”
“Narinig natin mula sa NTC [National Telecommunications Commission] na ang ilang violations ay hindi naman awtomatikong nauuwi sa kanselasyon,” “Hindi naman kaagad capital punishment. Hindi naman kaagad bitay ang hatol dito.”