Saturday, February 29, 2020

ANTI BA AKO?

Anti o oposisyon ba ako kay Pangulong R. Duterte (Du30)?  Hindi.  Kritoko - iyun ang tamang salita. Kapag anti kasi, ito ay puro lang laban at walang pagpapahalaga o pagpapasalamat.  Hindi ako ganun. Ang totoo at alam ito ng mga taong malapit sa akin: IBINOTO ko pa nga si DU30.  Mayroon akong boiler at campaign t-shirt niya nuong panahon ng kampanya.  Hindi pa siya nagsusumite ng kanyang kandidatura ay maka-DU30 na ako.  Kulelat pa siya sa survey nuon ay maka-du30 na ako.  Ang dahilan ko kung bakit siya ang gusto ko siya ay dahil sa kanya ko nakita iyung tapang at totoo sa sinasabi kung kaya pinanghawakan ko iyon upang maniwala akong makakaya niyang linisin ang bansa sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan.  Pero mali pala ako.

Tinanggap ko kahit nakakasakit ang mga patutsada ng mga oposiyon na kasama ako sa 16M na na-uto dahil sa jetski.  Kahit marami siyang nagkakasalungat na sinasabi tulad ng simple at mahirap lang siya. Kahit marami siyang ginagawang hindi ayon sa pinapaniwalaan ko tulad ng pagpapalibing kay Marcos sa Libingan ng Mga Bayani, umento sa SSS, pagpapalaya sa mga kaalyado niya sa politika, mga paghihiganti, at kung anu-ano pa.  Maka-DU30 ako kahit hindi ko gusto ang kanyang pagmumura sa telebisyon, pambabastos sa mga babae, ang paghikayat niya sa patayan, at ang halatang pagpabor niya sa China. Maka-du30 ako pero hindi lahat ng gusto niya ay tinatangkilik ko tulad ng pagsisinungalin niya sa paggawa o pagtahi-tahi ng mga istorya tulad ng inabuso dw siya ng isang Pari, ang pagimbento niya ng bank account ni Antonio Trillanes.  Idagdag pa ang pagiimbento o pagbigay ng ibang depenisyon ng batas upang umayon sa politikal na interes niya.  At hindi lahat ng kontra sa kanya ay inaaway ko sa social media at nagkumumento pa man din ng masasakit na salita (na parang pang-kanto) sa mga oposisyon tulad ni Bise Presidente Leni, Trillanes, sa mga Aquino, Liela Delima, Simbahang Katolika, atbp.

Maka-DU30 ako pero hindi na ngayon.   Mabuti na lang hindi ako ang tipo ng tagasuporta na panatiko.  Mula nang tinawag niyang istupido ang Diyos, nang hinamak at kinutya niya ang Diyos, nang hayagan niyang kinondena ang mga aral ng Diyos para lang himukin ang mga taong mahihina ang pananampalataya na iwanan ang Kristiyanismo o Katolisismo, iyun ang naghudyat sa akin na itigil ko na ang pagiging maka-DU30.   KUNG KAHIT ANG DIYOS AY NAGAWA NIYANG TARANTADUHIN, GAANO NA ANG PILIPINAS? Gaano pa kaya ang mga tao? Gaano pa kaya ako?  Nakakatakot kung ang Diyos na ang hinamak niya, anu pa kaya ang kaya niyang gawin?

Nang inamin niyang "gawa" niya lang ang sinabi niyang kaya niyang linisin ang krimen at droga sa Pilipinas sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan, napahiya ako sa sarili ko at sa mas nakararaming 34 milyong ayaw sa kanya na hindi siya ibinoto.  Ang pakiramdam ko ay literal na na-uto ako pero niloko lang pala niya ako.   Ang naniwala ako sa kanya, ito ang isa sa pinakamalaking pagkakamali na nagawa ko.  Kasi iyun talaga ang dahilan kung bakit ko siya ibinoto.  Hindi ko na tiningnan ang kanyang edukasyon, karunungan, at ibang negatibong balita dahil nanalig ako sa kagustuhan kong maging payapa na ang bansa ngunit maling-mali ako.  May mga pinuri akong ginawa niya dahil kung tama at maganda ay kailangang pasalamatan dahil hindi dahil hindi ka maka-DU30 ay mali na lahat ang paningin mo sa kanya.  May mga nagugustuhan pa naman akong mga ginagawa niya ngunit nagkataon na mas marami na akong hindi gusto sa mga nakikita at kailangan ko itong punahin.

Ikaw, kung duble ang pamantayan mo na kapag ikanenegatibo ng oposisyon ay mabilis inaaksiyonan pero sa kapanalig ay hindi (hal. Nahatulang Imelda Marcos ngunit malaya habang si Delima na hindi pa napapatunayan ay nakakulong, si Bato na hindi nagbiyan ng US visa ay mabilis na iginanti sa pamamag-itan ng pagkansela ng VFA habang ang pagbabawal sa pagpasok ng mga galing ng China dahil sa COVID ay mabagal at huli na), kung lahat ng ayaw kay DU30 ay kaaway mo rin, kung sa kabila nito ay pinapanigan mo pa rin, kung tulad ka rin ng pinagdaanan ko ay maka-DU30 ka pa rin, ano ka na sa palagay mo, ka pa ba PANATIKO niyan?  Tama man mo mali ang iyong interpretasyon, hindi pagiging anti kung ikaw ay pumupuna upang ipaalam mong may nakakakita sa mga nangyayari.  Ang mahalaga ay may mga matang nagmamatiyag sa kanila upang sila ay maging maingat.
16MvsMe

No comments: