Tuesday, February 25, 2020

NASAAN AKO NUONG EDSA-1?

Kasalukuyang estudiyante ako nuong mga panahon na iyon at nasa bayan lang namin ako. Gustong-gusto kong magpunta sa EDSA at sumama sa dumaraming tao na naroroon ngunit limitado lang ang pera ko at ayokong maapektuhan ang pag-aaral ko dahil alam kong ang mga magulang ko ay iginagapang sa hirap ang pagpapaaral sa akin. Ngunit nakatutok ako nuon sa mga nangyayari. Interesado kong hinihintay ang mga mangyayari bawat araw, nakikinig sa radyo at nanoood ng balita sa telebisyon mula sa unang-araw hanggang sa ika-apat na araw ng EDSA-I, at ipinagdadasal na mapaalis si Marcos sa puwesto. Habang nagkakagulo ay tuloy ang klase naming nasa karatig-lugar ng Maynila – tuloy ang aral. Naka-sakay ako nuon sa jeep at pinapakinggan ang balita sa radyo na dumadami na nga ang mga taong nagpupunta sa EDSA. Ipinapakita sa telebisyon ang mga madre na nagdadasal, ang mga sundalo na nakabantay, at ang mga tao na said na sa pagtitiis at nagkaisang magrebolusyon. Alam kong laman na rin ng balita sa ibang bansa ang nangyayari sa Pilipinas at gustong-gusto ko na talagang maki-isa ngunit ayokong saktan ang mga magulang ko kung malalaman nilang lumilibn ako sa aking klase.
Hanggang narinig ko sa radyo na pinupwersa na ang pamilya-Marcos na umalis ng Malacanan. Nanindig ang mga balahibo ko nuon dahil ang pakiramdam ko ay nangyayari na ang isang Kasaysayan. Mabilis ang mga pangyayari, maya-maya lang ay ipinakita sila sa TV na nasa balkonahe ng Palasyo, kumakaway at nagpapaalam. Muli ay naninidig ang mga balahibo ko dahil iyung gustong-gusto kong mangyari na mapaalis sa pwesto si Marcos ay natutupad na. Hanggang ibininalita sa tv ang pagpasok ng mga tao sa Malacanan dahil nalaman ng mga tao na palihim na tumakas ang mga Marcos papunta sa Amerika. Sobra akong kinilabutan nuon dahil sa tuwa at saya. Pakiramdam ko sa wakas ay wala na ang mga taong dahilan kung bakit ang mga tulad naming mahihirap ay hirap sa pagpapaaral, hindi makakakain ng masasarap at alipin ng kahirapan sa taas ng presyon ng bilihin at pamasahe. Tuwang-tuwa ako dahil nakawala na sa pamumunong kontrolado kung ano ang gusto o hindi gusto mula sa mga gabinete hanggang sa mga dapat mangyari. Iyung pakiramdam ng naranasan mo yung magkaroon ng bagong Presidente na sa buong buhay mo ay iisang tao lang ang inabutan mong President.
Madalas pinapatugotog sa radyo o telebisyon ang “Magkaisa” ni Virna Liza, “Handog ng Pilipino sa Mundo” at ang “Bayan Ko” na nagpapaalala na kayang gawin ng mga Pilipino ang lahat para sa kanyang bayan. Naninindig ang mga balahibo ko dahil hindi ko akalain na kayang patalsikin ang isang napakalakas na tulad ng mga Marcos. Iyung nakikita mo tuwing umaga ang ulo ng balita sa diyaryo tungkol sa ginawang pag-aaklas ng mga Pilipino, ang larawan ng milyon-milyong tao, ang pagbati sa Pilipinas ng ibat-ibang bansa – ang pakiramdam mo ay napakasarap maging Pilipino, at tunay na maninidig sa tuwa ang iyong balahibo sa ganitong mga balita. Ang taas ng tingin ko nuon sa mga Pilipino dahil sa ipinakang tapang, malasakit, dedikasyon at makabayan.
Mula nuon, kada umaga ay isa-isang laman ng balita ang mga natutuklasang lihim mga Marcos tulad ng napakaraming sapatos ni Imelda, mga mamahaling obra, ang marangyang buhay ng mga Marcos, mga anomalya sa gobyerno at ang katotohanang bangkarote ang kaban ng bayan. Ang natatandaan ko ay nasa mahigit 20 pesos ang isang dolyar bago magkaroon ng People’s Power – palatandaan na mahina ang ekonomiya ng bansa. Bakit ngayon ay sinasabi ng mga loyalista na mayaman ang Pilipinas bago maging Pangulo si Cory Aquino? Ang mga naiwang loyalista ay panay ang parinig na sinasabing magiging komunista na ang Pilipinas na hindi naman nangyari. Kailangang magpatuloy ang buhay, kahit mahirap ang naging simula ng bagong administrasyon dahil naparaming mga balakid ang dapat ayusin at problema na iniwan ng mga Marcos kaya mauunawaan mo kung nagtaas ang presyo ng ilang bilihin.
Kakaunti lang din naman ang nakakaluwag sa buhay nuon kaya sigurado karamihan sa magulang ng mga kabataan ngayon ay pinagdaanan din ang katulad ng aking sentimiyento. Dumaan din sa hirap at pinangarap din ng mga nanay at tatay ninyo ang makakawala sa mga kamay ni Marcos, nuon pa man ay nagalit din sila sa mga nangyayari nuon at minsan din silang ipinaagdasal ang katapusan ng panahon na iyon. Kaya sa mga kabataang sinisisi ang EDSA-1, huwag maging ingrato, mangmang at alamin ang kasaysayan. Kung mahirap at magulo ang bansa ngayon at kung marami pa ring korapsiyon, iyun ay dahil sa mga taong hindi nagbago mula sa mga politiko hanggang sa mga botante. Huwag mong sisihin ang EDSA-1 at si P.Cory dahil sila ang nagbigay sa iyo ng kalayaang tinatamasa mo ngayon na siyang sinasamantala mo. Nakapaglagay man ng mga tiwaling opisyal sa mga inabusong kagawaran ng gobyerno pero kung sa puso nila ay hindi isinabuhay ang diwa at aral ng EDSA, at wala silang pagbabago, hindi na yun kasalanan ng EDSA-1. Nagpalit man ng rehimen ngunit ang mga mamamayan ay wala pa ring paki-alam sa batas-trapiko, pagkakalat ng basura at kamangmangan sa pag-boto, hindi na yun kasalanan ng EDSA. Kung sa loob ng termino ni P.Cory ay nakisama rin ang mga tao na magbago, siguradong ngayon ay nararanasan mo na ang kaginhawahan ng bansa.
Nasaan ako nuong EDSA-1? Nasa aming bayan habang kinakabahang sinusundan ang mga pangyayari at sinusuportahan ang mga ipinaglalaban ng EDSA-1. Hindi man nangyari ang kagustuhan kong maging bahagi ng EDSA-I ay natupad naman ang kagustuhan kong matapos ang pagmamalabis ng mga Marcos. Alam ko na hindi ako papayagan ng aking mga magulang dahil iba ang sitwasyon nuon kapag sumasama sa rally. Hindi tulad ngayon na wala kang katatakukang kamatayan kapag nagpapahayag ka ng saloobing-politikal dahil ito sa  demokrasyang ibinalik at ipinamana ni P.Cory.

No comments: