Thursday, January 16, 2020

POLITIKA SA PAG-ALBOROTO NG TAAL


Pinilit kong hindi magpakita ng saloobing politikal sa social media nitong nakalipas na ilang araw (na napagtagumpayan ko naman) dahil bilang pagdadalamhati at respeto sa trahedya.  Pero nang patuloy kong nakikita ang mga memes ng mga trolls na mula pa sa mga kakilala at ilang kamag-anak ko, siguro kahit isang beses lang ay pwede muna akong magparamdam ngayong ika-apat na araw ng pag-aaboroto ng Taal.

Kumpara sa mga die-hard keyboard warriors tulad nina Mocha, Sass, Nieto, Even Demata, Mr. Riyoh at mga solid blind-worshiper DDS na tagasunod nila, kahit papaano ay makakaramdam ka pa rin ng pagmamalaki sa sarili mo na mabuting tao ka pa rin kesa sa kanila.  Bakit?

Silang mga nagpapakalat ng mga memes tungkol sa mga photo ops at press release sa mga ginagawa ni VP Leny, tungkol sa 5 pirasong pandesal at tubig daw na paninira kay VP Leny, tungkol sa naghahanap sa raliyista na tumulong daw dahil ang mga pulis at sundalo ay tumutulong.  Silang mga nagpapakalat nito, mapalad kang hindi pumapatol sa mga ganito dahil kahit papaano ay mas mabuting tao ka sa kanila.  Dahil hindi mo ginagamit ang trahedya para makapuntos, mangkutya, manggulo, o pagkakitaan pa – hindi ba’t magagawa lang ito ng isang tao kung siya ay may maitim na puso? Kung ginagamit mo ang trahedya para mamolitika, mistula ka ng dimonyo na natutuwa sa nangyayari. 

Hindi lang nila ginagamit ang trahedya kundi wala pa silang respeto.  Magagawa lang nila ang mga ito kung wala silang respeto sa gitna ng pagdadalamhati ng bansa at ng mga biktima.  Irespeto man lang sana nila ang makakayanan ng mga tumutulong.

Photo ops? Siguro ay mas mabuti na yun kesa sa hindi nagbigay, nagpunta man lang, o huling dumating.
Limang pirasong pandesal at tubig? Eh ano ngayon kung yun lang?  Siguro ay mas mabuti na yun kesa wala dahil sa taong nangangailangan ay napakalaking bagay na niyon.  Ikaw ba ay nakapagbigay na ng anim na tinapay at dalawang tubig?  Sana ay matuto kang mas magpasalamat kesa magreklamo.  Kung hindi mo gusto ang ibinigay sa iyo, kailangan mo pa bang ipagsigawan ito?  Talaga bang ugali mo lang ang kapag ibinigay sa iyo ang kanang kamay ay pati ang kaliwa ay susunggaban mo?

Malay mo naman, tumutulong yung mga nagrarally hindi nga lang pinicturan.  Ikaw ba, nakatulong ka na ba?  Kung tutuusin ay hindi mo sila dapat hanapin at ikumpara sa mga sundalo at pulis dahil hindi nila trabaho yun.  Mas dapat mo sigurong hanapin yung mga hinahangaan at sinusuportahan mong sina Mocha, Sass, Nieto, Demata, at iba pa dahil ang mga blog nila ay mistulang pag-aari ng gobyerno.  Lalong-lalo na si Mocha, pinapasuweldo siya ng gobyerno nang malaki, sana ay magdonate naman siya (siguro ay nagbigay hindi na nga lang niya isinapubliko).  Sila ang mas masahol pa sa malansang isda.

Wala akong reklamo kung maraming litrato si VP Leny sa mga aktibidades niya.  Kung sinasadya man ng kampo niya yun, siguro ay kailangan nilang gawin yun upang ipakita na kahit kakarampot ang budget na ibinibigay sa kanila ay hindi sila titigil sa pagtulong.  Siguro ay kailangan nilang gawin yun upang ipakita na may trabaho sila dahil palagi silang hinahanapan ng mga die-hard DDS ng trabaho.  Kailangan nilang gawin yun para mahikayat ang lahat na gumalaw-galaw.

May media kasi kaya nakukuhanan siya ng mga litrato.  Kung sinasadya man nila na ipakita sa media o kung may ibang agenda man sila, hayaan mo na lang dahil sila naman ang nagkakasala.  Ang mas mahalaga ay may natutulungan sila.  Ang sabi nga, kung galing man kay Satanas ang mga donasyon mo pero kung makakabuti naman sa mga tao – tatanggapin ko.

Siguro, maging sensitibo na lang sa mga panahong ganito.  Isa-isang-tabi ang politika.  Huwag politikahin ang trahedya.  Huwag maging instrumento ng kasamaan.  Kung hindi kayang tumulong physically o financially, ipagdasal mo na lang ang mga biktima o mas mabuting manahimik ka na lang upang huwag makagulo at makasakit.  Ito ang mga aral sa pag-aalboroto ng bulkang Taal.

Ang problema sa mga panatiko ay wala na talagang nakikitang maganda sa mga ginagawa ng hindi nila kapanalig.  Matuto ka na lang tumutok sa isyu at huwag yung kahit lihis sa isyu ay ikinokomento mo basta makapagpakita ka lang ng tapang-tapangan at dunong-dunungan mo dahil nagmumukha ka lang mangmang.

No comments: