Thursday, October 20, 2016

ANG ATING PAGKAIN

“Anu pa ang kakainin kung lahat ay bawal”, “Huwag na lang kumain”.  Ito ang nagkakaisang sinasabi ng maraming tao kapag sinabihan na mag-ingat sa pagkain.  Sa panahon ngayon, totoo na halos lahat ng kinakain natin ay hindi masustansiya.  Simulan natin sa tinapay, ibat-ibang luto upang maging masarap tulad ng ensaymada, hopia, tasty, Spanish bread, cheese roll at iba pa.  Akala natin dahil tinapay lang ay pwede na pero tandaan na para maluto ang mga ito ay maraming asukal ang inilalagay dito.  Hanggang sa pagpili ng palaman upang maging malasa ang tinapay tulad ng coco jam, mantikilya, mayonaise, strawberry jam, keso atbp., – lahat ng ito ay punong-puno ng mga preservatives at aritpisyal na panimpla at pangkulay.  Tinapay na nga lang ay hindi pa pwede?  Hindi naman dahil may tinapay naman na ayaw lang kainin ng maraming tao dahil hindi daw masarap – yung purong tinapay lang.

Ang mga pagkaing-karne ng baboy, baka at manok ay katakam-takam ang lasa mula sa mga mamahaling restaurant hanggang sa mga turo-turo, ang mga ito ang kadalasang kinakain natin dahil aminin natin na ito ang mga pagkaing mahirap tangihan dahil masarap ang mga ito lalo na kung sila ay iniluto sa paborito nating ulam.  Mula adobo, afritada, mechado, kaldereta, hanggang sa ultimong sinabawang nilaga, sinigang, tinola at bulalo, isama pati ang bar-b-que, mga laman-loob at lahat ng lutong ipinirito kahit gulay pa man yan – ang mga ito ay namumutiktik sa mga taba at mantika na siyang pinaka sanhi ng ibat-ibang karamdaman.  Totoo na hindi kumpleto ang araw natin kapag hindi tayo nakakain ng kahit isa lang sa mga ito.  Idagdag pa na ang mga restaurant na ito ay naglalagay ng mga pampalasang asin at betsin.

Hindi rin tamang kainin nang madalas ang mga processed foods tulad ng karne-norte, bacon, hotdogs, tocino, longanisa, tapa, instant noodles, meat loaf, luncheon meat at iba pang mga de-latang pagkain dahil ang mga ito ay ginawang maalat upang magtagal sa merkado.  Pati ang mga dairy products tulad ng ice cream, keso at butter.  Kahit ang mga comfort foods tulad ng pizza, hamburger, doughnuts, junk foods, mga street foods tulad isaw, fishballs, chicharon, atbp., pati ang mga inumin tulad ng soft drink, refreshment drinks, kape, at alak, kahit ang maliliit na pagkain tulad candy, chocolate, mga kakanin at panghimagas – mga ordinaryong pagkain ito ngunit may hatid na hindi maganda sa ating katawan.  At kung ang mga ito ay hindi mabuti, ano pa ba ngayon ang natitirang tamang pagkain na dapat kainin?

Bawat isang pagkain naman na nabanggit mula sa simula sa itaas ay may hatid na maganda sa atin ngunit maliit lamang iyon kumpara sa laki ng maidudulot nitong hindi maganda kaya hindi sila dapat kainin nang madalas at marami.  Kung hindi pwede ang mga ito, ano pa nga ba ang maaaring kainin?  Ito pa rin – dahil hindi naman sinabi na bawal kundi huwag lang madalas at marami.  Marami kasi sa mga pagkaing ito ay hindi healthy hindi dahil sa mismong pagkain kundi dahil sa pagkakagawa o pagkakaluto.  Kaya nga sinasabi na huwag silang kainin nang madalas.  Ang kailangan lang malaman ng mga tao ay kung paano at gaano ba dapat ang madalas at bihira.  Dito ngayon nagkakatalo dahil para sa marami, ang minsan sa isang linggo ay tama na ngunit ang tanong ngayon ay iyung bang sinabing minsan sa isang linggo ay para sa isang pagkain o para sa pagkakagawa o pagkakaluto?  Dahil malaki ang pagkakaiba nito na siyang dapat maunawaan ng mga tao.

Sa pangkalahatan, ang tamis, alat at mantika ang siyang pangunahing sangkap na dapat iwasan sa mga pagkain na siyang naroroon sa karamihan ng pagkaing nakahayag sa atin.  Simple lang naman ang pagkain pero iginawa ng mga tao ng ibat-ibang panlasa at pamamaraan ng pagluluto kaya ang resulta ay nagdulot sa atin ng ibat-ibang pinsala.  Wala namang bulalo, sinangag na kanin o minatamis na gulaman nuong panahon nina Adan at Eva pero nabuhay sila nang malusog.  Hindi sinasabing ibalik sa sinauna ang ating buhay kundi ang punto dito ay gawing simple ang buhay dahil sa simpleng buhay, walang maraming komplikasyon.  Malaki na ang pagkakaiba ng buhay nuon at ngayon at malaki na ang ipinagbago ng ating pagkain pero lagi nating tatandaan na kailanang maghinay-hinay lamang tayo sa lahat ng bagay dahil kahit anumang panahon, ang labis ay masama.

No comments: