Monday, August 21, 2017

PATAY KANG BATA KA

May EJK talaga.  Matagal ko na itong sinasabi pero daming bumabanat sa akin at ipinagtatanggol nila ang giyera kontra droga.  Itong nangyari sa isang binatilyo (Kian Delos Santos) ay isang patunay na mayroon EJK, tanim-ebidensiya, pang-aabuso at kalokohan ang mga awtoridad (syempre hindi lahat pero marami).  At sasabihin isolated case?  Laging sinasabi nanlaban – puro na lang nanlaban.  Mabuti’t nagkataon na na-CCTV ang isang ito eh paano yung ibang mga napatay na hindi nahuli ng camera?

Ngayon, nang dumami ang nakikisimpatiya sa bata ay pinapalabas na drug pusher at masamang bata yung pinatay para sirain ang kredibilidad nito.  Nagpapalutang ng kung sino-sinong testigo upang sirain ang pagkatao ng bata – para bawiin ang simpatiya ng mga tao?  Nang dumami ang nakikiramay sa bata, pinapapalabas na drama ang ginagawa ng mga taga-suporta.  Drama na kung drama pero aminin mong may katotohanan ang nangyayaring drama na ito.  Kung gamitin man ng ibang sektor ang kamatayan ng bata para maging dramatiko ang nangyayari, problema na nila iyun pero ang mas mahalaga para sa mga taong kumokondena ng kamalian ay kinakasihan sila ng pagkakataon.  

Nagtatanong nang patuya ang mga tagasuporta ng patayan kung bakit daw itong maraming tao na nakikiramay at humihingi ng katarungan sa pagkamatay ng bata ay galit at pinagdidiskitahan ang mga pulis at ang gobyerno ngunit bakit daw hindi nagsagawa ng mga demonstrasyon nuon nang may mga pinatay at ginahasa.  Para sa mga may ganitong katanungan - kinakalampag ng maraming tao ngayon ang pulisya at gobyerno kasi magkaiba ang pagpatay ng isang pulis sa isang ordinaryong tao kaysa sa mga pinapatay at ginagahasa ng mga kriminal.  Unang-una, mayroon tayong korte na siyang mangangalaga upang magbigay ng hustisya para sa mga biktima at sa kanilang pamilya kaya hindi na kailangan pa para dalhin sa kalsada at hingin ang hustisya.

Pero iba na kapag ang sangkot sa pagpatay ay mga pulis, mga halal at mga taong-politiko dahil may legal at moral na pananagutan sila sa atin.  Una, nanumpa sila sa kanilang tungkulin na poproteksiyonan nila tayo.  Paano kung sila mismo ang nananakit sa atin?  Ikalawa, sila ay lingkod-bayan na pinapasuweldo mula sa ating binabayarang buwis kaya mayroon tayong karapatan na kastiguhin sila kapag may ginagawang mali.  At ikatlo, sila ang dapat tatakbuhan natin sa oras ng panganib pero paano kung unang-una ay sila mismo ang nagpahintulot, nagpatibay, humikayat at sumuporta sa patayan - saan na tayo tatakbo?  Sino ang magpupulis sa pulis?  Dito nagmumula ang galit at ingay ng mga tao ngayon kaya huwag silang magtanong kung bakit pinagkakaguluhan ng maraming tao ngayon ang nangyayari dahil dapat lang tayong kumilos.

May mga susulpot at susulpot pang mga testigo na magdidiin sa bata, may kung sino-sinong alyas ang lalabas na ikukuwento ang mga kasalanan ng pinatay, may ikinakalat na kwento ng isang batang babae na ginahasa nuon pero hindi pinansin ng mga tao, magpapakalat pa ng maraming kwento ang mga blog ng taga-suporta ng Patayan – ang mga ito ay para basagin ang lumalakas na ingay ng mga nagdedepensa sa pinatay na binatilyo.

Anong puso mayroon ang mga taong ito na parumihin ang malinis para lang maidepensa ang kinakampihan nilang mga tao?  Kasehodang nagdroga at may kasalanan yung bata, sabihin na nating hindi ulirang bata yung napatay, sabihin na nating may ginagawa ding masama pero hindi na ito ang punto.  Ang punto ay pinatay ang bata nang hindi naman nanlaban, ang punto ay kitang-kita naman sa CCTV kung paano inabuso’t nilabag ng mga nasa kapangyarihan ang karapatang-pantao nung bata.  Hindi na makakapagsalita ang patay kaya mas kapanipaniwala ang CCTV kaysa sa mga susulpot na umano’y testigo na hindi na kapani-paniwala dahil nababahiran na ng kulay ang mga nangyayari.  Maaaring mapalabas na masama nga yung bata, pero yung katotohanang nang inabuso ang kanyang karapatang pantao ay iyun ang hinding-hindi nila mapapasinungalinan.

Nuon ko pa sinasabi na hindi ako pabor sa pagpatay sa mga adik na nahuhuli at ang papilosopo at patuyang sagot sa akin na natatanggap ko ay edi beybihin daw, pulbusan at dahan-dahang posasan ang mga nahuhuling drug adik.  Ang gusto ko lang ipunto, hanggang hindi nahahatulan ng bitay (kung iyun ang umiiral na batas) ay walang karapatan ang mga awtoridad na patayin ang suspek. 

Nakakalungkot dahil parang nagiging katanggap-tanggap na ngayon ang pagpatay.  Nakakapangilabot ang mentalidad ng mga tao dahil nagiging tama na ang pumatay.  Kapag may pinatay sasabihin nila ay tama lang yun, nasaan ang moralidad ng mga taong ito para sabihing tama ang patayan?  Saang pananampalataya ang pinagkukunan ng mga taong ito para magustuhan ang patayan?  Nasaan ang kunsensiya at moralidad ng mga ito para ayunan ang pagpatay?    Anung klaseng tao ba ang mga panatiko upang maging sakdal bulag sa pagsamba na kayang ipagpalit ang pananalig sa Diyos kaysa sa politika? 

Isang tanong na lang  bago ko tapusin ang saloobing ito.  Isang tanong na ora-mismo ay sagutin mo ng agad-agad, diretsahan, at taos-puso.  Kung sakaling mamaya ay dumating ang katapusan ng mundo, ang paghuhukom, ang rapture na tinatawag at haharap ka na sa Diyos at tatanungin ka at hahatulan ka – kapag tinananong ka ng Diyos kung ikaw ba ay sumunod, naniwala, ipinangaral o binaluktot mo ang utos Niyang huwag kang papatay, ano ang isasagot mo? 

Bakit ang hindi giyerahin nang todo ay ang mga gumagawa ng droga?  Kung iisipin, kahit anong gusto ng isang durugista na bumili ng droga pero kung wala namang mabibili ay ano pa ang magagawa niya?  Sa giyera kontra droga ay hindi nagtatagumpay ang prinsipiyong “kung walang bumibili ng droga ay walang gagawa ng droga” kaya ang mga pinupuntirya ng awtoridad ay ang mga nasa ibaba.  Bakit hindi gawing “kung walang gumagawa ng droga, walang mabibiling droga”?  Dahil kung walang drugs, walang magiging adik.

Bakit ang mga bunga ng masamang puno ang pinagdidiskitahang tigpasin?  Bakit ang mga mamimili ang pinapatay?  Sa halip na itong mga bunga, bakit hindi ang ugat ng masamang puno ang tigpasin?  Kung ang mga manufacturer ang itotokhang, kung ang ugat ng drugs industry ang siyang bubunutin ay hindi na ito mamumunga at wala ng mga bungang titigpasin.

Kilala na daw nila ang mga nasa likod ng drugs syndicate na ito bakit hindi nila hulihin at itong mga pobreng maliliit, mahihina at mahihirap ang kanilang pinagdidiskitahan?   May nahuhuling mga big time pero kaduda-duda naman ang agenda nila dahil nahahaluan ng katanungang away-politika o kumpetisyon sa negosyo ba?


Ang sabi nga ng isang kaibigan: Bunga lang ang dapat tirahin hindi ang ugat para tuloy tuloy ang pagbunga ng mga problema at tuloy tuloy rin ang pamamaraan ng pagtakbo ng kanilang trabaho na siyang puhunan nila sa politika dahil dito gumaganda ang kanilang karera sa polikita na dapat samantalahin ang pagkakataon hanggang mainit na tinatanggap.

2 comments:

Anonymous said...

tama po.

Anonymous said...

........:) sa mga nangyayaring pagpatay ng mga pulis sa mga inosenteng tao (Kian and Carl are the most recent) heto ang puntos from Eric Cabahug, he said "Ang libong mga namatay ay hindi bunga ng aksidente. May intensyon, may nagdikta, may sistema at polisiya sa likod ng mga patayan. How could the number of dead reach such catastrophic levels if there is no guiding principle and policy behind it?
And the truth is, the President has a well-documented record of encouraging violence against drug dependents and suspected drug pushers. "Shoot suspects if they fight back, make them fight if they don't", "kill all criminals", and "makapatay lang tayo ng another 32 every day, then maybe we can reduce what ails this country.” When they come from a President, these are not just words.
The President cannot wash his hands of these killings. Through his words and endless provocation, President Duterte set into motion the killing of thousands. He has smeared the image of the police force. He inspired this culture of killing and impunity."
https://www.facebook.com/hontiverosrisa/photos/a.10153527894430657.1073741828.128801740656/10159572207605657/?type=3&theater