Friday, August 18, 2017

ANG TOTOONG TAGUMPAY

Kung ang batayan ng sinasabing tagumpay ng isang tao ay ang pagkakaroon ng asawa at anak, nagawa ito ng marami.  Ngunit kung masalimuot ang naging buhay may-asawa o kaya’y hindi mabiyayaan ng isang anak, o naligaw ng landas ang mga anak, o di kaya’y hindi maibigay ang pangangailangan ng mga anak – TAGUMPAY ba ito?  Kung hindi siya nag-asawa hindi dahil bigo siya sa pag-ibig kundi mas pinili niya ang desisisyong hindi mag-asawa, natutulungan niya ang kapamilya at masaya siya sa nangyayari buhay niya – mas NAGTAGUMPAY siya.  Katulad din ito ng taong nakapagtapos nga ng pag-aaral, nakapagtrabaho sa magandang kumpanya at nagkaroong ng magandang pamilya ngunit ang mabuting nakikitungo sa kanya ay ang mga taong malapit lamang sa kanya at marami ang galit sa kanya dahil sa uri ng kanyang pakikipag-kapwa tao, kabiguan ito sa kanyang pagiging tao.

Aral:  hindi sa pagiging may asawa o walang asawa at karangyaan ng buhay ang tagumpay ng isang tao kundi nasa kung paano ka kabuting makipagkapwa-tao o kung ano masasabi sa iyo ng iyong kapwa.  Madali ang maging tao ngunit sadyang mahirap ang magpakatao.

May malaking suweldo siya at may iba pang mga pinagkakakitaan, may magandang trabaho, nakakabili ng mga mamahalin at usong gamit at mga kasangkapan, ngunit wala siyang maituturi na sariling ari-arian o walang ipong-pera sa halip ay may utang pa.  O kung malaki nga ang kanyang kita ay napupunta naman ito sa kanyang dinaramdam na karamdaman – hindi siya TAGUMPAY.  Mabuti pa ang di hamak na mas maliit ang sweldo kaysa sa kanya pero walang utang, kung mayroon man ay yung tinatawag na “mabuting pagkakautang” tulad ng hulugang ari-arian, at maliit man ang kanyang kita ay masuwerte siyang walang iniindang karamdaman – mas TAGUMPAY siya.  Mabuti pa ang simpleng buhay na kaydaling makamtan kaysa sa taong walang kasiyahan sa lahat ng mga nakukuha niya dahil sa sarili niya ay malungkot siya sa hindi makuhang kagustuhan at hindi matagpuang katahimikan ng buhay.

Aral: ang tagumpay ay hindi nakikita sa panlabas na kaanyuan ng isang tao, hindi ang kung ano ang mga kaya mong makuha ngunit mayroon namang pagdurusa.  Hindi pera ang sukatan ng tagumpay kundi sa katahimikan ng isipan.  Matutong magplano ng gastusin, alamin ang wastong pag-gasta at ang limitasyon sa pag-gasta.  Magkaroon ng pagpaplano at matutong gumastos sa abot ng makakaya lamang.

Kung nagkaroon nga siya ng katungkulan sa trabaho na may malaking kabayaran ngunit may mga nakakagalit siyang kasamahan, ang pamumuno niya sa trabaho ay hitik sa reklamo, hindi mapaunlad ang pinamumunuan at nahahaluan ng kaanomalyahan, ang kanyang posisyon sa trabaho ay hindi matatawag na TAGUMPAY.   Kung sa kabila ng may malaki na siyang natatanggap na kabayaran sa trabaho ay naghahangad pa siya ng pagkakakitaan kahit sa mali at panloloko, kung nakukuha niya ang kanyang mga pangarap at mga plano sa buhay ngunit galing sa maruming trabaho o sa hindi patas na paraan, hindi ito isang TAGUMPAY.

Aral: ang totoong tagumpay ay iyung galing sa tamang paraan.  Aanhin mo ang tagumpay kung ito ay hindi tanggap at pinagdududahan ng iyong kapwa.  Ang perang nakuha sa mabilis pero maling paraan ay madali ding gastusin at maglaho.  Ang pera, kayamanan o ari-arian na galing sa maruming paraan ay hindi nagtatagal bagkus magdudulot pa ng mga hindi magagandang kaganapan sa buhay. 

Mabuti pa ang taong simple lang ang mga pangangailangan at kasiyahan kaya nakakamit niya ang totoong kasiyahan at kapayapaan ng isip.  Kahit ang trabaho niya ay nasa pinakaibaba ngunit naibibigay niya kung ano ang hinihingi ng kanyang trabaho na hindi kalakihan ang suweldo, kahit wala siyang sariling pamilya ngunit natutulungan niya ang kanyang kapwa, at kahit ordinaryong tao lamang siya ngunit wala naman siyang nakakagalit na kapwa at walang masasabing hindi maganda ang mga nakakakilala sa kanya, ito ang maituturing TAGUMPAY sa pagkatao, trabaho at sa buhay.

Aral: Ang tagumpay ng isang tao ay depende kung gaano siya kasaya.  Maaaring wala siyang kayamanan ngunit napakasaya niya sa buhay dahil yung simpleng mga pangarap niya ay nakamit niya – TAGUMPAY siya.  Maaring sa isang dampa siya naninirahan ngunit masasabi niyang kuntento siya sa kanyang buhay at mayroong siyang katahimikan ng pag-iisip dahil wala siyang kaaway, may mahuhugot sa oras ng kanyang mga simpleng pangangailangan, at wala siyang inaaala-alang karamdaman, ang taong ito ay TAGUMPAY.


Ang tagumpay ng tao ay hindi nasusukat sa laki ng kayaman, dami ng karangalan, lakas ng kapangyarihan, mga narating, at kayang bilhin kundi nakadepende ito sa tunay na kaligayahan.  Ang kaligayahan ay ang kapanatagan ng pag-iisip at ang pagiging kuntento sa buhay.  Kapag nakamit mo ang iyong pangarap, gaano man iyun kalaki o kaliit, kung masaya kang nakuntento ay mas nagtagumpay ka dahil nakamit mo ang pangarap mo.  Kung sino ang mas masaya nang naaayon sa kabutihan, iyun ang mas tagumpay.

No comments: