Para sa Buwan ng Wika
LAKANDIWA
Mga minamahal kong tagapakinig
Mula dito at saang sulok ng daigdig
Halina kayo, ating pag-isipan at suriin
Ang Batas-Militar ba’y dapat tanggapin
O ‘di na ito dapat pang bigyan-pansin
At sa ating pakikinig nang taimtim
Ang katanungan ito ay sasagutin
Sa aking kanang bahagi ay ang kapanalig
Sa batas-militar siya ay may pahiwatig
Habang sa ‘king kaliwa’y ang kabilang panig
Ang lubhang pagdisgusto ay nananaig
Kayo’y aking binabalaan, puso sa pagpintig
Mga makabagbag-damdamin inyong maririnig
Alin sa dalawa ba ang sa inyo’y kaibig-ibig
Heto na’t simulan pagtatalo nila’y busisiin
Ang tagisan ng pag-bigkas ng kanilang bibig
PANIG
Ako ay lubos na nagpapasalamat
Nang isang umaga sa aking pagmulat
Magandang araw ang siyang sumikat
Ang sagot sa mga tanong kong umuurirat
Sa aking bayan ano ba ang nararapat
Katahimikan ay makamtan nang ganap
Akong natatakot sa sagot ay nag-aapuhap
Mandi’y ang pag-asa’y tila aandap-andap
Kaya ako ay tuwang-tuwa at nagkabuhay
Sa pag-deklara ng Batas-Militar ay patunay
Dahil sa panahon ngayon ito’y nababagay
Mga abusadong taong mahilig magpasaway
Ang pagkilala sa batas sa kanila’y ipapanday
Ito ang mariing ituturo na dapat isabuhay
Hanggang makamit natin tahimik na buhay
Dahil disiplina na ang siyang mananalaytay
KONTRA
O aking katungali tila ako ay iyong sinampal
Sa papuri mo sa batas militar ako’y nagimbal
Hindi mo ba alam, ito’y magiging kakambal
Ng mga kalabisang bawal na bawal
Anong katahimikan ang tinuran mong ganap
‘Di dahil payapa sa ‘yong lugar at hinagap
Ay walang batas militar na sa iba’y nagpahirap
Dahil balita’y sinasala kaya’t wala kang nasagap
At di dahil di ka sinaktan kaya’t di ka maka-usap
Paano naman ang iba na bugbog sa pahirap
Pigilan mo ako, dahil ako ay nauumay
Mula sa walang katapusang pakikiramay
Sa mga desaparacidos na nangyaring tunay
At sa mga maraming taong nakahandusay
Dahil sa mga buhay at karapatang pinatay
Hindi pa ba tayo natuto sa ating nakaraan
Sa batas-militar nuon anu ba’ng kinahinatnan
Hindi ba’t kabi-kabila ang mga kalabisan
Mga hinubaran ng makataong karapatan
Nitong mga sundalo pati na ang kapulisan
Eh sino nga ba ang naiwan nang talunan
Hindi ba yaong mga mamamayan
PANIG
Sa iyong tinuran aking magiting na kalaban
Ang iyong kaalaman ba ay hanggang saan
Iba nuon, iba ngayon, ito’y iyong pag-isipan
Kung nuon ang batas militar ay kamalian
Ang sa pang-ngayon ay kailangang-kailangan
Kitang-kita natin na may rebelyon naman
Sa marahas na pananakop sa isang bayan
Kaya nararapat lamang na proteksiyonan
Ang higit na kapakanan ng mga taong-bayan
Puksain ang terorismo sa anu mang paraan
Dahil sa mundo natin sila ay walang puwang
Sadyang malagim ang paghasik ng kasamaan
Kaya ang kamay na bakal ay nararapat lamang
Upang ang mas masahol pa ay maagapan
KONTRA
Ang batas militar wari ko’y hindi nararapat
Dahil napakarami ng batas na totoong sapat
Ipairal lamang ang mga ito nang buong tapat
Tingnan ko lang kung hindi sumunod ang lahat
Kahit kailan ang tamang proseso ang dapat
Dahil ito ang sinasabi ng batas para sa lahat
PANIG
Ang batas militar ay nasa tumpak na paraan
Na nasulat sa Saligang Batas ang katotohanan
Ngunit tandaan, higit sa pamuksa sa kaguluhan
Batas Militar ang maghahatid ng kasaganahan
Magbalik-tanaw nga tayo sa ating nakaraan
Lundagin ang may apat na dekadang nagdaan
Di ba’t kay-ganda’t kay-linis ng ating kapaligiran
At ang pag-usbong ng yaman nitong ating bayan
Dahil sa pag-unlad ay disiplina ang kailangan
KONTRA
Hindi disiplina bagkus takot ang siyang umiiral
Sa mga mamamayang tila sunud-sunurang sakdal
Marinig pa lamang ang batas-militar ay nauutal
Sa hapdi at bagsik na hatol ng kamay na bakal
Nasaan nga ba’ng totoong kasaganaha’t yaman
Mayron man ito’y minana sa gobyernong nagdaan
Hind ba’t dekadaka sitenta nagsimula’ng kahirapan
Kawalan ng hanap-buhay kayat nangibang-bayan
Sa pagtatapos ng batas militar anong natuklasan
Hindi ba’t bangkarote ang kaban ng bayan
LAKANDIWA
Hayan mga giliw na taga-pakinig
Ating narinig ang magkabilang panig
Ating narinig ang magkabilang panig
Nabatid ang dalawang magkatungali
Ang pagtatalo nila ay huwag ng patagalin
Sa pakiwari ninyo saan ba kayo papanig
At alin nga ba ang inyong mas pipiliin
Ang may batas militar na nararapat sa atin
O ang sa kontra dito sa kanilang tingin
Ang pagpapasya sa inyo’y iiwan namin
Kaming tatlong naririto inyong nakapiling
Sa matiyagang pakikinig ninyo sa amin
Ay isang pasasalamat ang iiwan namin
Ang Balagtasan ay isang uri ng pagtatalo ng dalawang magkabilang panig ukol sa isang paksa sa pamamag-itan ng pagsasagutan. Ito ay isang panitikan kung saan ang saloobin at pangangatwiran ay bibigkasin nang patula, ipapahayag sa pamamag-itan ng mga pananalitang may tugma sa huling pantig, makabuluhan at matalinghagang salita. ang balagtasan ay binubuo ng tatong personalidad. Ang Lakandiwa (Lakambini kung babae), panig at ang kontra.
1 comment:
Pwede po bang malan Ang summary Ng panig at kontra?
Post a Comment