Tuesday, November 28, 2017

ANG MATATANDA

Kadalasan, hindi maganda o kaaya-aya ang pagtanggap ng mga tao sa pagtanda, pagiging nakatatatanda o sa buhay ng matatanda.  Hindi sa pinupulaan, ibinababa o tinatanggihan ito pero parang negatibo ang tingin natin sa edad na sisenta, sitenta, otsenta o higit pa.  Nakakainip, malungkot, walang kulay, walang halaga, parang tigil na ang pangarap, galawan at buhay kapag sumapit na tayo sa dapit-hapon ng ating buhay.  Wala na iyung pakikipaghalakhakan, maingay na kapaligiran, mabilis na galawan, makukulay na pangyayari, paglalaboy at pagkain ng kung anu-ano sa kung saan-saan, wala ng pag-aala-ala o pangangalaga sa katawan at hitsura.  Iyung tanggap na ang pagkulubot at pagkatuyot ng mga balat, pagputi o pagkalagas ng mga buhok at ngipin, ang mga mata ay nagluluha, ang bibig ay hirap itikom at ang katawan ay nahuhukot na tila pagod.

Kapag iyung tayo ay nag-iisip kung ano ang magiging lagay ng ating sarili pagdating ng araw na matanda na tayo, nalulungkot tayo dahil ang laging nakikini-kinita natin sa buhay ng mga nakatatanda ay iyung tagpong nasa isang tahimik at madlim na silid, nakatayo sa likod ng bintana upang mamintana, ang mapanglaw na mga mata ay nakamasid na lamang sa nakikita mula sa labas ng bahay. Madalas din nating makita sa ating isip ang tagpong nasa silyang tumba-tumba, nakaharap sa pinto na tila ba naghinhintay ng darating, ang maririnig ay ang tunog ng nakasabit na relo sa dingding, maaaring nagbabasa o nakikinig ng radiyo.  Mabagal ang buhay dahil wala na iyung maramng kilos ng katawan.  Maaaring ang ginagawa na lamang natin ay ang magsaing, magwalis at magbantay ng bahay.

Ngunit marami pa ring kwentong tungkol sa matatanda ang nangyayari sa paligid natin.  Maaaring makita natin ang isang nakatatanda na mag-isang naglalakad na sa likod ng paglalakad na ito ay isa siya sa mga matatanda na sa dapit--hapon ng kanilang buhay ay nag-iisa, walang pamilya o naulila ng mga mahal sa buhay.  Maaaring mayroon siyang sakit na hindi maipagamot sa ospital, maaring walang kumukupkop sa kanya, walang tirahan na kailangang madala sa tahanan para sa mga matatanda upang maalagan at maibigay ang pangangailangan.  Maaaring nakikita natin silang nagkakatuwaan ngunit sa likod ng mga ngiti ng mga lolo at lola sa loob ng bahay ampunan ay naroroon ang kasabikan at pangarap na mas gusto pa rin nila ang nasa kanilang mga mahal sa buhay ngunit paano kung wala na o pinabayaan na sila?  Masdan natin ang isang ordinaryong matatanda na tahimik na nakaupo sa isang lugar sa tabing-kalsada.  Sa kanilang mga mata ay may kwento ng kapaguran ng buhay.  Mayroong hanggang sa takip-silim ay nagpapakapagod pa rin upang mabuhay, patuloy na tumatayong haligi ng tahanan na nagbabanat ng buto, may mga responsibilidad na naka-atang sa balikat at nakikipaglaban pa rin sa hamon ng buhay.  Nakakaawa  ang mga matatanda dahil wala na silang lakas upang makipaglaban pa sa buhay.  Pagod na sila sa matagal na pakikipag-laban sa buhay pero mayroon pa rin sa kanila ang patuloy na kumakayod para sa kanilang pamilya.


Para sa mga nasa lalabing-tanunin, mga kabataan, mga nasa kalagitnaan ng buhay at iyung mga nasa ginintuang edad, ang buhay ay makulay, napakasaya at punong-puno ng pag-asa, kulay at ibat-ibang mga kaganapan.  Ang sarap ng buhay sa gitna ng tawanan ng mga kaibigan, pakikipagdiskusyon sa mga pangunahing balita, nakikisabay sa mga nangyayari sa kapaligiran, nakikiuso sa kasalukuyang panahon, humahabol sa trabaho, naglilibang sa pagbisita sa mga kaibigan, pagpunta sa ibat-ibang lugar, at pakikipag-pambuno sa hamon ng buhay.  Punong-puno ng buhay ang mga panahong namamayagpag ka sa iyong kalagayan ngunit sa pagtanda natin, anu nga ba ang buhay ng mga matatanda?  Masaya ba sila?  Mayroong sa pagsapit ng kanilang dapit-hapon ay masasabi nilang nabuhay sila sa kahulugan ng isang buong ikot ng buhay.  Mayroong matatanda na hanggang sa huling bahagi ng buhay ay tila nang-uungot pa rin ng saya, ng ginhawa at ng biyaya.  Sa tugatog ng ating panahon, sa tamang paraan ay mahalagang gawin natin ang mga nais nating makamit sa buhay at ang makapagpapasaya sa atin.  Kung sa pagsapit ng mga huling sandali ng ating buhay, mayroon man tayong mga hindi nakamit ay masasabi nating sinubukan nating tuparin ang ating mga pangarap.

Friday, November 10, 2017

TRABAHO

Kapag iyung sunod-sunod na ang trabaho mo, iyung nakakapagpahinga ka lang kapag napagod ka at kapag nakabawi na ay tuloy ulit ang trabaho, kapag iyung napakarami talaga ng trabaho mo na talagang kulang ang walong oras para matapos lahat, na kahit ginagawa mo na ng paraan na mapabilis ang trabaho mo ay nag-aabot pa rin ang mga bagong trabaho at ang tinatapos na mga naunang trabaho ay duon ka na nakakaisip na piliting akuin pa rin ang tabaho kahit kalabisan na para sa iyo o iwanan na lang ito.
Naisip ko ang mga ito nang isang naka-bakasyong kasamahan ang dumalaw sa opisina ang aking nakausap.  Nagpapagaling siya dahil sa naging karamdaman niya sa puso na nakuha niya sa kahapuan sa sobrang dami ng trabaho.  At sa aming sandaling pag-uusap, nararamdaman ko kung ano ang kalagayan niya at nakikisimpatiya ako sa kanya dahil alam ko kung ano iyung pinagdadaanan niya.  Ramdam ko kung ano iyung nararamdaman niyang presyon at pagod sa trabaho.  Sa loob ng matagal na taon ay nakikipaggpambuno siya sa tambak na trabaho at nakikipagdiskusiyon sa mga nakatataas sa kanya.  Sa dami ng kanyang mga alalahanin at responsibilidad sa trabaho, naiintidihan ko kung bakit naging maiinitin ang kanyang ulo.  Ito, ang tensiyon, presyon at pagod ang nagdulot ng problema sa kanyang puso.

Sa palagay ko, kapag ang isang tao ay tutok sa trabaho na ibinigay sa kanya, na sinisigurado niyang ang mga nalalaman, kagustuhan at pamamaraan niya ay mailalapat sa trabaho, at kung mahal mo ang iyong trabaho ay hindi mo maisasakripisyo na hayaan o magdusa ang kalidad nito.  Kung responsable kang manggagawa o tao, hindi mo magagawa na hindi ibigay ang magagawa mo sa trabaho, o iyung maipakita mo ang pakialam mo kahit hindi na sakop ng oras ng trabaho mo.  Nararanasan o nararamdaman mo ba iyung habang ginagawa mo ang trabaho mo ay ramdam mo iyung bigat ng loob mo dahil napapagod ka na, na pakiramdam mo ay galit ka na at nakikita ito sa iyong mukha, at ramdam mo yung kabog ng dibdib mo dahil minamadali mong matapos na ang ginagawa mo?   O iyung mabilis mong ginagawa ang trabaho mo dahil may mga nakahanay pang trabaho na gagawin ka pa pero may tatawag sa iyo para sa panibagong dagdag-trabaho pa?  O iyung pakiramdam na hindi mo makuhang umihi agad-agad dahil mabibitin ang ginagawa mong trabaho?  Ang mga ito ay danas na danas ko na siyang ikinakatakot kong maging sanhi ng aking karamdaman kahit na kampante akong nag-iingat sa aking mga kinakain para sa kalusugan ko.

Napakadali ang magpayo na hayaan mo lang ang trabaho.  Madaling sabihin ito dahil wala sa kaparehas na sitwasyon ang nagsasabi, o maaaring hindi niya narabasan kaylan man ang maging totoong abala, o baka hindi siya ma-hands on sa kanyang trabaho.  Madaling sabihing huwag mag-uwi ng trabaho o huwag magtrabaho pagkalampas ng walong oras pero kung alam na alam mong walang ibang gagawa ng iuuwi mo sa bahay o kailangan mong gawin pagkatapos ng maghapong trabaho ay mapipilitan ka talagang gawin ang mga ito.  Dahil ang pinakaintensiyon mo ay yung mabawasan ang mga gagawin mo kinabukasan kapag nagsimula ka na ng maghapon mong trabaho.  Iyung sabihing matutong tumanggi o sumagot ng hindi kapag mayroong mga ipinapasa sa iyong trabaho, siguro ay dapat matuto muna ang mga tao na huwag manlamang na iutos ang kanyang trabaho sa iba.  Huwag magsamantala na dahil alam nilang mapagbigay ang isang kasamahan nila sa trabaho ay ibinibigay nila dito ang kanilang mga trabaho.  Tama na tumanggi kapag alam mong marami ka ng ginagawa o sabihin na nating hindi sa iyo ang trabaho na ibinibigay.  Pero may mga tao talaga na mababa ang loob, malawak ang pang-unawa at matulungin kaya kung minsan ay hindi sila makatanggi.


Magkakaiba tayo ng pamamaraan kung paano hawakan ang ating trabaho.  Maaaring may mali sa mga taong natatambakan ng trabaho pero bago sila husgahan ay pag-aralan muna ang kanilang mga sitwasyon.  Kung nagagawa nilang makaagapay sa pamantayan ng trabaho at makipagsabayan sa tawag ng pangangailangan, matambakan man sila ng trabaho ay hindi nangangahulugang mabagal o mahina sila sa pagbibgay ng trabaho.  May mga bagay lang na talagang dumadating sa lahat upang hamunin ka at maipakita mo ang iyong tibay at kakayahan.  Masakit  lang makita na habang ganito nagdurusa ka sa kalagayan mo ay marami ang wala na nga sa kalikingan mo ang dami ng mga ginagawa ay hindi pa makapagtabaho nang mag-isa, tama at sila pa ang nakukuhang magrreklamo sa kanilang kalagayan.