Marahil
dahil ang tao ay likas na makamundo kung kaya ang mga materyal na bagay ang nagbibigay
sa kanila ng sukatan ng tagumpay, importansiya at panggaganyak upang mabuhay. May likas na pangarap ang maraming tao na
gustong maging malakas, makapangyarihan, nakaangat at nangunguna upang maging
kilalang tao. Dahil ang kilalang tao,
alam naman natin na iba ang ating pagtingin at pagtrato sa kanila. Iyung anumang bagay ay ginagandahan natin
para sa mga taong ito. Pero maaaring ang
pangarap na ito ay hindi mangyari sa lahat ng mga ordinaryong tao. Kaya kung sila ay naging kaibigan o kasamahan
o nakapag-asawa ng isang kilalang nasa magandang kalagayan sa buhay ay nagiging
ang tingin, palagay at pakiramdan nila sa sarili ay mas nakahihigit na sila kaysa
sa karamihan o mga kasama.
Ang
taong walang kakayahan, kapag siya ay nadikit na sa mga kilalang tao ay
nagiging karangalan ito sa kanya dahil nagbibigay ito sa kanya ng karagdagang kompiyansa
na siya rin ay kilala. Kung ang oportunista
ay taong nanggagamit ng pagkakataon sa sino mang tao at anumang bagay, ang
taong mapagdikit sa kilalang tao ay nanggagamit upang siya ay maging kilala. Kung siya ay naging malapit sa mga kilalang malalaki,
makakapangyarihan, mayayaman at malalakas na tao, ang palagay niya sa sarili ay
ganuon din siya dahil sabihin lang niya ang kanyang kaugnayan sa taong ito ay
bibigyan na rin siya ng kakaibang trato na parang sa mga kilalang tao. Mag-iiba ang pagtingin sa kanya ng mga
pangkaraniwang tao sa paligid niya, dahil siya ay kaibigan ng isang kilalang tao
ay malakas at makapangyarihang tao na siya na maaaring pagbigyan kapag mayroon
siyang sinabi, dahil laging ang kasunod niyon ay kasama siya ng taong kilala.
Dahil
sa ugnayan niya sa mga taong ito, ang kilos niya ay astang kompiyansa
mapa-trabaho, komunidad at sa pansarilig buhay man. Inaasahan niyang ang ibang tao ay hahanga,
magpupugay at mangingimi sa kanya. Kung halimbawa sa trabaho ay ang ikinikilos
niya ay susundin siya ng mga kasamahan dahil siya ay malapit sa Punong-Namamalakad. Kung paano maging istrikto, metikuloso at mapag-mando
ang Namamahala ay ganuon din siya.
Maaring ito ang dapat dahil ito ang trabaho nila o ganito ang kailangang
pamamaraan niya sa pagtratrabaho pero tingnan natin ang hangganan. Kung kahit hanggang sa mga materyal na bagay
ay ang gusto niya ay hindi pangkaraniwan tulad ng kanyang punong-namamalakad,
ito na ang hangganan ng palatandaan na ang taong ito ay nanaghili sa kapangyarihan.
Kaya
naman sa ipinapakita niya, mayroon din mga tao na dahil hindi kaya ang lumapit
sa punong-namamalakad ay sa taong dikit sa punong-namamalakad na lang sila
dumidikit naman. Ang pakiramdam nila ay
magaling na sila, nakalalamang at inilalagay nila ang sarili na mas mataas
kaysa sa mga karamahan nila dahil kaibign nila ang malapit sa
punong-namamalakad. Kaya ang mga kilos nila
ay mapag-astang nakakaangat na rin kaysa sa karamihan nilang kasamahan, mapag-gamit
ng mga gamit na may kaugnayan sa kilalang tao at kampante sa buhay dahil
inaasahan nilang anuman ang maging aberya nila sa trabaho ay kompiyansiya sila
na iimpluwensiyahan ng taong malapit sa punong-namamalakad upang maayos ang
aberya o pangangailangan nila. At
ipinakikita nila ito sa mga tao upang ipakitang iba sila, nakakaangat sila, at
respetuhin sila.
Maging sa komunidad at pansariling buhay ay malakas
ang ugali ng tao na mapaggamit sa kanyang pagkakadikit sa taong kilala upang
maging makapangyarihan at mapasailalim niya ang ibang mga tao tulad ng nangyayari
sa gobyerno. Mga taong malalapit sa
makakapangyarihang tao na nagkakaroon ng lugar upang pamunuan ang ahensiya at
magkaroon ng mga nasasakupang tauhan. Upang
magkaroon ng mga pribiliheyo sa mga pinupuntahan upang itrato sila nang hindi
basta-basta, bigyan ng pugay, pakitaan ng mga makakapagpasaya sa kanila at
sundin ang kanilang ipag-uutos. Dahil ang
mga tao ay likas na gustong pagharian ang mundo. Ang lahat ay gustong magkaroon ng kapangyarihan,
maging nagunguna, kilalanin at maangkin ang tuktok ng tagumpay.
No comments:
Post a Comment