Para sa aking isang
minahal, gusto ko siyang bigyang-halaga ngayon araw na ito para sa kanyang
kaarawan. Isa sa bumuo sa aking buhay ay ang isang babae na minahal ko ng
totoo at labis ngunit hindi nagkaroon ng katuparan na maging kami. Siya
ang nagbigay-kulay at saya ng aking kabataan at buhay-pag-ibig. Nasa
unang yugto ako nuon ng aking edad sa 20’s nang maramdaman ko ang kakaibang
pagtingin ko sa kanya. Walang duda na maganda siya, iyun naman ang unang
kumukuha ng aking pansin sa isang babae. Pero hindi lang siya maganda
kundi napakaganda niya. Maputi, maganda ang kutis, matangkad, balingkinitan
ang pangangatawan at gustong gusto ko ang kanyang napakagandang ilong.
Nangingiti nga ako dahil kung ang pagbabasehan ay ang ating panglabas na anyo
ay hinding-hindi kami nababagay. At isa ito sa naging insecurities
kahinaan ko na nagpapahina ng tiwala ko sa aking sarili.
Masasabi kong huwaran
siya bilang isang hinahanap sa isang makakasama dahil bukod sa kanyang
kagandahan ay matalino siya, tahimik, pino kung kumilos, hindi ginagabi sa
lansangan, parating nasa bahay at nagsisimba linggo-linggo. Natatandaan
ko, nasa high school ako nuon ay nagagandahan na ako sa kanya na nasa
elementarya pa lamang. Hindi ko lang siya napag-uukulan ng pansin dahil
alam ko nuong mga panahon na iyon ay hulog na hulog naman ang aking puso at
isip sa isang babaeng halos kaedaran ko na naging inspirasyon ko sa matagal
ding panahon. Natuon na lang ulit ang pagtingin ko sa kanya nang may
lalim na nang ikinasal na ang babaeng gustong-gusto ko nuon.
Nagtratrabaho na ako sa aking unang kumpanya nung mga araw na iyon nang makita
ko siya ay lalo akong humanga sa kanyang kagandahan. Sa halos araw-araw
ay nakikita ko siya na may pagkakataon pa na nakakasabay ko siya tricycle
papasok sa trabaho – at minsan pa nga’y nakakatabi ko siya. Nakakasabay
ko rin siya sa pagsisimba. Iyun ang mga panahon na napapatunayan ko iyung
sinasabi nila na kapag nagmamahal ka ay parang kulay rosas ang paligid mo, yung
parang sumasayaw ang puso mo tuwing makikita mo siya. Hindi ko
malilimutan ang naramdaman kong saya nang hindi sinasadyang magdanti ang aming mga
kamay – para akong nasa langit – ganun kung paano ilalarawan ang naramdaman ko.
Sa kabila ng mga
magagandang nangyaring ito na naibibigay niya sa akin ay naranasan ko rin ang
sobrang sakit. Alam kong ramdam niya ang nararamdaman ko sa kanya pero
hanggang duon lang iyon at hindi kami nagkaroon ng pagkakataon na magkasabihan
ng nararamdaman dahil mayroon na siyang ibang minamahal. Napakasakit pala
talaga na nakikita mo ang iyong pinakamamahal na tao kasama ang kanyang
minamahal. Alam ko na naman iyun bago pa ang pangyayaring iyon pero kapag
iyung nakita mismo ng iyong mga mata ay masakit pala. Iyun yung ang
pakiramdam na gusto kong tumigil ang mundo sa pag-ikot, iyung tumigil ang lahat
sa pag-galaw upang malapitan ko siya at sabihin sa kanya ang sakit na nararamdaman
ko. Maluha-luha ako nuon habang tinitingnan sila, parang sa pelikula na
itinatago o pinipigil ang pag-iyak habang papalayo na naglalakad. At
ibinuhos ang lahat nang map[agisa na sa sariling kuwarto. Wala akong
laban sa kanyang minamahal. Pakiramdam ko ay talo ako dahil bukod sa may
magandang hitsura ay naroon ang kabuuan ng kanyang loob. Sinusumbatan ko
ang sarili ko sa pagiging duwag. Napakaduwag ko na hindi ko ipinaglaban
ang totoong ako at ang nararamdaman ko.
Walang may kasalanan
at wala akong ibang sinisi kundi ang sarili ko. Pero nasasaktan ako dahil
alam ko na mas higit akong nagmamahal kaysa sa minamahal niya. Huli na
nang iparating ko ang aking nararamdaman at ipaalam iyun sa kanya pero alam ko
na wala iyong kapupuntahan. Totoo iyung kasabihan na kapag nagmahal ka ng
totoo ay handa kang maging hangal. Iyung sa kabila ng lahat ay mahal mo
pa rin siya, kahit hindi ka pinapansin o kahit hindi siya magiging sa iyo ay
tuloy ka pa rin sa pagmamahal sa kanya. Na kahit hindi ka niya mamahalin
ay ayaw mo pa rin na ipagkait niya na mahalin mo pa rin siya, na kahit
minamahal mo siya ay hindi ka naghihintay ng sagot, na kung sakali man na siya
ay iwanan siya ng taong minamahal niya ngayon ay wala siyang dapat ipag-alala
dahil mayroong nariyan lang na naghihintay at nagmamahal pa rin sa kanya na
maaaring lapitan o siyang mahalin naman – naruon lang ako. Iyung kahit
ganuon ang nangyari ay siya pa rin ang isinisigaw ng damdamin. Pampalubag
loob ko na lamang ay naniniwala akong mas higit akong mapag-mahal o kaya ay
dahil mayroon siyang ibang minamahal kung kaya hindi ako napapansin.
Masarap ang magmahal. Mabigo man tayo ay hindi pa rin tayo dapat sumuko
dahil masarap ang magmahal at mahalin.
Para sa aking isang
minahal, maligayang kaarawan.
No comments:
Post a Comment