Naniniwala ako
sa ipinaglaban ng 1986 EDSA People’s Power Revolution, ang tapusin ang
pagmamalabis ng administrasyong Marcos at ng mga kaibigan nito. Naniniwala ako na ang dahilan ng EDSA-1 ay
upang ibalik ang kalayaan at demokrasya – ito ang pinakatampok, pinakakahulugan,
at pinakatagumpay ng EDSA-1. Kaya galit
ang marami-raming tao sa EDSA-1 ay dahil wala naman daw nagbago dahil marami pa
rin ang korapsiyon at mahirap pa rin ang Pinas.
Pero alalahanin nila na hindi iyun ang dahilan kung bakit nag-EDSA. Nang nanawagan na mag-EDSA ang mga tao ay
hindi naman sila hinikayat para yumaman ang Pilipinas kundi para lumaya ang bayan
sa diktadura. Kaya nag-EDSA-1 ay para
paalisin si Marcos at para ibalik ang demokrasya. Nasa mga tao na kung bakit hindi nawala ang korapsiyon
at hindi yumaman ang Pilipinas pero hindi yun ang dahilan para baguhin ang mga
nakasulat sa kasaysayan. Huwag sanang
kalimutan na ang EDSA -1 ay nangyari dahil sawang-sawa, hirap na hirap at
gustong-gusto na ng mga tao ng pagbabago sa sistema na gobyerno. Huwag ding kalimutan na ito ay kusang-loob na
buong-tapang na nilahukan ng milyong-milyong tao sa panahong napakamapanganib, nakakatakot
na sitwasyon ng politika at walang social media. Tinangka ko nuon na sumama sa EDSA-1,
gustong-gusto kong makiisa pero hindi ko nagawa dahil sa pag-aaral. Bilang isang mahirap na estudiyante, naaawa
ako sa mga magulang ko na naghihirap sa pagpapaaral sa akin kaya hindi ako
maka-alis ng eskwela at bahay. Kaya sa
radyo na lang ako nakakapakinig hanggang ibinalita na umalis na ang mga Marcos
sa Malacanan papunta sa Hawaii.
Nuong 1986, bagamat
hindi pa ako nakikibahagi sa mga usaping politika ay alam ko na nag-alsa ang
mga tao dahil sa kalabisan ng administrasyon ni Marcos. Ang alam ko, kontrolado niya ang buong
Pilipinas na kada eleksyon ay sigurado ang panalo ng KBL. Naaala-ala ko pa na naririnig ko ang mga
matatanda nuon na sinasabing “siguradong Marcos pa rin yan” o “nag-eleksiyon pa
ganun din naman” kada may eleksiyon.
Naaalaala ko pa nga na paano kaya nagkakaroon ng napakaimposibleng zero
vote sa kalaban ni Marcos sa eleksiyon.
Natatandaan ko rin na marami at madalas na rin ang welga ng mga
manggagawa at estudiyante. Hindi na rin
bago sa akin ang salitang terorista nuong panahon na yun dahil naririnig kong
nangyayari na rin ito. Alam ko rin na
matagal na ang mga Marcos sa posisyon pero hindi naiaangat ang antas ng buhay
ng mga tao. Ang natatandaan ko ay
nababalitaan ko na umutang na naman daw ang Pilipinas sa World Bank o IMF. Kung nuon pa man ay may biru-biruan ng “bayang
inutang hindi mabayad-bayaran”, ibig sabihin ay talagang lubog na sa utang ang
Pilipinas. Na napatunayan dahil nang napatalsik
ang mga Marcos nuong 1986 ay hindi ba’t nalaman ng mga tao na wala na ngang
pondo ang kaban ng bayan at ang iniwang utang ng Pilipinas ay babayaran ng
hanggang kaapo-apuhan natin? Huwag itong
ika-ila ng mga taong nasa hustong gulang ng mga panahon na iyon dahil
nabalitaan natin ito. Natatandaan ko rin
na nuong mga panahon na yon ay dumadaing ang mga magulang ko pati na rin ang
mga ibang magulang na kilala ko sa mahal ng pagpapaaral at ng mga bilihin. Naririnig ko rin ang sabi nila ay mas mabuti pang
mag-Saudi na lang para umasenso. Maaaring
hindi mo ramdam ito dahil anak ka ng nakakaluwag-luwag sa buhay dahil ang mga
magulang mo ay isang inhinyero, guro, sundalo, duktor o anu pang natapos sa
pag-aaral. O maaaring wala ka lang
pakialam sa paligid. Hindi na bago sa
akin ang iskwater nuon dahil alam kong meron ng iskwater nuon pa kaya paano
sasabihin ng mga magkakamping panatiko sa administrasyon ni Duterte ngayon at
loyalista ng mga Marcos na mas maganda ang buhay nuong panahon ni Marcos
samantalang naramdaman ko at kitang-kita ko nga na mahirap. Mas lalo na siguro yung mga dumanas ng
pang-aabuso sa kapulisan sa panahon ng Martial law? Maaaring sa lugar mo ay walang nangyayaring
patayan pero hindi ibig sabihin nuon ay sa ibang bahagi ng bansa ay payapa
dahil hindi mo lang nababalitan dahil kontrolado ang mga pahayagan at radyo at
telebisyon. Narinig ko rin nuon nang
dumating ang panganay na anak ni Marcos sa bayan namin upang magtalumpati sa
isang graduation ceremony ay todo-ingat ang mga tao – parang nakakatakot, iyun
ang naiisip ko nuon, dahil naririnig ko na rin ang kasabihang “bawat
magustuhan ng mga Marcos ay nakukuha o nasusunod”, patotoo sa sinasabing
makapangyarihan at labis na mapaghari-harian ang administrasyong Marcos.
Walang niloko o
politikahan sa nangyaring EDSA-1 dahil iisa ang dahilan ng mga nag-alsa na walang
iba kundi sabihin sa gobyerno na ayaw na ng mga tao sa kasalukuyang pamumuno ng
mga Marcos. Ito ay pag-aalsa ng mga
tao. Ito ang lakas ng mga tao. Malinaw na ang taong-bayan ay kusang-loob na
nagpunta sa kalye dahil sinong politiko ang magbabayad sa milyon-milyong tao na
nagpunta sa EDSA? Taong-bayan ang
gumawa nito, taong-bayan ang may gusto nito at taong-bayan ang nagsulat ng
kasaysayan. Kung mayroon mang mga
politiko ang may itinatagong motibong politikal, para sa taong-bayan ay hindi
ito ang dahilan ng pagpunta sa EDSA at ipagsigawan ang pagbaba ni Marcos kundi
ang pagbabago ng pamahalaan, pagbabago ng pagpapalakad at pagbabago ng kapalaran. Na ang lahat ng ito ay napagtagumpayang
nagawa nuong 1986 sa EDSA-1, saktong-saktong pagbabago at ang pinakainaasam na
pagbabago nuong mga panahon na iyon. Kaya
hindi tamang ikumpara ngayon ang pagbabago nuong 1986 dahil nasa ibang panahon
tayo ngayon, ibang mga karakter at ibang sitwasyon. Ang alam ko, nuong 1986 ay nakontrol ang
presyo ng mga pangunahing bilihin sa kabila ng bangkaroteng kaban ng
bayan. Ang alam ko nuong 1986 ay tumaas
ang tingin ng ibang bansa sa Pilipinas at naging inspirasyon man din para sa
kanilang bansa. Ang nabalitaan ko ay
marami ang bumalik ang tiwala sa Pilipinas na mamuhunan. Pero hindi nga lang nasustinahan ito dahil sa
mga nangyaring politikahan pagkatapos ng EDSA-1 katulad ng mga coup d’etat, mga
loyalista na ayaw maki-isa at mga hindi karapat-dapat na mga opisyal. Ganun pa man, napakalaki ng dapat ipagpasalamat ng mga tao ngayon sa EDSA-1 dahil sa tinatamasa
at pinakikinabangan nilang kalayaan ngayon na hinding-hindi nagawa ng mga
magulang natin nuong panahon ng diktadurya.
No comments:
Post a Comment