Maraming mga bumabatikos sa Simbahang
Katoliko/Katolika tungkol sa ibat-ibang isyu at bumbato sa Katolisismo ng mga
pagbibintang at gawa-gawang mapanirang akusasyon. Ang mga ito ay nag-uugat sa pagganti. Alam ng marami na ang Simbahang-Katolika
lamang ang may lakas ng loob na pumalag at magkritiko sa gobyerno kaya kung
politikahan lang ay hindi nakakapagtakang gumana ang byurokrasya upang subukan,
hamunin o wasakin ang Simbahang Katolika.
Narito ang mga kadalasang birada sa Simbahan, Katoliko at mga Pari ng
mga kritiko at kalaban:
Mga maling katuruan. Ang sa pagkakaalam ko ay ang mga nakasulat sa
banal na aklat ang siyang itinuturo ng mga pari. Ang bibliya ay pawang
kabutihan, kapayapaan at katarungan kaya paano magiging mali ito? Sa
mga tumutuligsa sa Iglesa Katolika na mali raw ang mga itinuturo ng mga
kaparian sa kanilang kawan tungkol sa pagsamba sa mga nilikhang imahen at
rebulto, nagkakamali ang mga tumutuligsang ito.
Sinabi ng Diyos na “Huwag kang magbibintang sa iyong kapwa”, “Huwag mong
huhusgahan ang iyong kapwa”, “Huwag kang sasaksi sa hindi katotohanan”. Nagbintang ka na agad sa iyong kapwa dahil kahit kalian ay hindi itinuro ng mga kaparian ng Simbahang JKatolika
na sambahin ang mga imahen. Walang
dokrina ng Simbahan matatagpuan ang ganitong aral. Pinapahintulutan ng Simbahan ang mga imahen ng
mga Santo at Santa sa loob ng simbahan at tahanan ng mga Katoliko upang
magsilbing alaala, pagkilala, paggalang at inspirasyon sa kanilang mga ginawang
kabanalan. Magkaiba ang pagsamba at
paggalang. Ang paghalik at pagyuko sa mg
aimahen ay paggalang sa kanilang ginawang kabutihan. Ang ipinagbabawal ay ang pagluhod sa mga ito
habang sinasamba nilang Diyos. Nagiging
masama ang paggamit ng rebulto at imahen kapag ito ay hindi na nagiging
paalaala kundi sinasamba na mismo bilang Diyos.
At kinokondena ito ng Simbahan Katolika.
Ang pagsamba ay ang pagdakila at nauukol lamang ito sa Diyos. Nagiging diyos-diyosan lamang ang mga imahe
at rebulto kung ito ay dadasalan mo. Nagiging
masama ang paggawa ng mga larawan kung ito ay iyong yuyukuran bilang Diyos,
pero kung bilang alala ay walang masama.
Huwag mo silang husgahan agad lalo’t wala kang nalalaman. Kung nakikita mo silang nagdarasal sa loob ng
Simbahan na sa unahan ay ang maraming imahen ay hindi ito nangangahulugang ang
mga imahen mismo ang pinatutungkulan nila ng kanilang mga dasal kundi ang bawat
salitang namumutawi sa mga labi at puso ng nananalnagin ay para sa Diyos na
nasa langit. Ang altar ay
nilalagyan ng mga alala ng mga tao na naging banal sa mata ng Diyos. Kung ang lugar na ito ay banal nga, duon
nagdadasal ang mga Katoliko pero hind nangangahulugan na yung mga imahen na
nakikita nila ang kanilang dinadasalan kundi yung Diyos na nasa puso at isip
nila kapag ipinikit nila ang kanilang mga mata habang nasa banal na lugar. Ang mga rebulto
ay pagpapaalala lamang ng mga tao na minsang nabuhay sa mundo. Walang pinipiling lugar ng pagdadasal pero mas
nakasanayan lang ang magdasal sa altar at Simbahan. Kahit
tambakan mo pa ng isang libong rebulto ang isang totoong Katoliko kung kapag
nagdasal naman siya ay ang Diyos ang kanyang isinasa-puso ay hindi matatawag na
dinasasalan niya ang mga rebulto. Kaya
ang pagsasabing sinasamba ng mga Katoliko ang mga imaheng ito ay isang
malaking kamalian at isa lang paraan ng mga kritiko upang iligaw ang mga
tao. Mayroon silang mga sinasabing
bersikolo bilang patunay pero pawang mali naman ang mga iyon o mali ang
pagkakaunawa kaya huwag kang sasaksi sa hindi katotohanan. Pati ang mga piyesta at prusisyon ay hindi
pagsamba kundi pagdiriwang ang mga ito upang gunitain at alalahanin ang
mahahalagang pangyayari. Sa luma at
bagong tipan ay binanggit na ang mga ito kaya hindi ito mali.
Hindi tumutulong sa mahihirap. Ang Katoliko ang may pinakamalaki at
pinakamatagal na kawang-gawa sa panahon natin ngayon. Dito sa Pilipinas ay may mahigit limang
libong scholars ang Caritas Manila. Ang
simbahan ay tumutulong na makapagbigay ng trabaho sa mga catholic hospital at
schools, may mga bahay-ampunan para kumukupkop sa mga batang wala ng magulang
at mga matatandang wala ng pamilya.
Tumulong ang Simabahan sa mga biktima ng bagyong Yolanda nuong 2013 at
tumutulong sa mga malnourished na bata.
Kahit nuong panahon pa ng mga digmaan sa Kastila, Hapon at Amerikano ay
tumutulong na ang Simbahan sa mga Pilipino
Mukha-pera ang mga Pari at Madre. Ipinupunto ng mga kumakalaban sa simbahan kung
bakit may bayad daw ang mga serbisyo ng Simbahan sa mga kasal, binyag, kumpil
at libing. Ang totoo ay walang
binabayaran sa mga nabanggit na serbisyo dahil kahit kalian ay hindi mababayaran o mabibili ang kaloob ng espiritu santo
sa mga seremonyas na ginawa sa kasal, binyag, kumpil at libing. Ang ibinibigay
ng mga kumukuha ng serbisyo para sa mga nabanggit ay donasyon. Ang ibinibigay
natin sa simbahan at mga pari ay tulong para sa kanilang
pangangailangan. Mga tao rin sila na nagugutom, nauuhaw at nangangailangan ng
damit. Hindi na siguro dapat na ibili pa
nila tayo ng mga gagamitin sa seremenyas tulad ng bulaklak, kandila, atbp. Mayroon naman kasalang-bayan na walang
ibabayad sa mga bulaklak o kandila na yan, maaari magpunta duon ang may gustong
walang bayad sa kasal. Kung ikaw naman
ay nakakaunawa, paano mo pa isusumbat ang donasyon mo? Kung binyag, gaano ka ba kadalas magpabinyag? Kada lingo na lang ba ay nagkaka-anak
ka? Ilan ba ang asawa mo para
pakasalan? Lagi bang may namamatay sa
inyo para isumbat mo ang ibibigay mong pera?
Isipin na lang ito: sa mga naglipanang ibat-ibang sekta ng relihiyon ay
ang Simbahang Katolika lamang ang walang pirmihang binabayaran ang Kanyang mga kawan.
Walang sinisingil tuwing magpupunta sa misa, walang binabayaran kapag binigyan
ka ng buwanang limbag ng kanilang libro o pahayagan, walang 10% sa kinikita mo
bilang kongtribusyon, walang pananakot na kapag hindi ka nakapagbigay ng
obligasyon ay masusunog ka sa impyerno. Kundi, ang bawat isa sa Katoliko ay
magbibigay ayon sa sariling pasya at maluwag sa kalooban. Hindi po ninenegosyo ng mga Pari ang
serbisyo. Walang bayad ang
kasal, binyag, libing. Ang pera nilang
ginagamit sa pagtulong at para sa pagkain nila upang mabuhay ay mula sa mga
donasyon at makapagpatuloy ng kanilang misyon. Maaaring may ilan sa hanay nila ang mayroong
itinayo o kasosyo sa negosyo sa labas ng simbahan pero ang pangunahing
pinagkukunan ng kanilang gastusin ay ang mga donasyon rin lang.
Isinasama din sa isyu na ito ang mga paaralang-Katoliko
na napakamamahal ng matrikula. Unang-una, tandaan natin na obligasyon ng pamahalaan na
magbigay ng libreng edukasyopn sa mga kabataan.
Kung mayroong mga libreng edukasyon sa mga pampublikong paaralan, bakit
may mga nagbubukas pang mga private, exclusive at catholic schools? Dahil kailangan ng mga bata ang de-kalidad na
edukasyon na “hindi naibibigay” ng mga pampublikong paaralan. At kung may mga libre na ngang edukasyon ay
bakit marami pa rin ang huindi nakakapag-aral?
Ang mga paaralang-Katoliko ay walang subisidya ng gobyerno. Ang pasuweldo sa mga guro, trabahador at mga
pangangailangan ng paaralan ay kinukuha lahat sa ibinabayad ng mga
nag-aaral. Kung pag-iisipang mabuti,
marami ang mga umaalis na guro sa ganitong paaralan at lumilipat sa pampublikong
paaralan dahil sa suweldo na ibig sabihin ay kulang pa kung tutuusin ang
ibinabayad ng mga estudyante para tapatan ang suweldo sa kabilang
paaralan. Pero sinisikap pa rin ng mga
paaralang ito na mabigyan ng de-kalidad at advance na edukasyon ang mga bata
para makasabay sa hamon ng buhay. May
mga scholars ang mga Pari at Madre sa mga paaralang ito kaya huwag sabihing
pang-mayaman at pera lang ang gusto ng mga paaralang ito. Maaaring may mga pinag-aaral pa rin ang mga
pari sa ibang mga paaralan. Hindi lang
ang Katoliko ang may mga paaralan, mayroon din ang ibang sekta ng relihiyon
ngunit bakit parati ang Katoliko lang ang gustong-gustong puntiryahin ng
paninira?
Kinakampihan ang mga kiminal.
Ang palaging sinasabi ng simbahan ay pairalin ang nararapat at tamang
proseso. Wala akong nakikitang pagkampi
sa kriminal sa pangungusap na iyon. Kung
ang pinagbabatayan ng mga nagbibintang na kinakampihan ng Simbahan ang mga
kriminal dahil hindi sang-ayon ang Simbahan sa mga pinapatay na nahuhuli o
sinisistensiyahang kriminal, iyun ay dahil sa doktrina na napakatagal ng
sinusunod ng Simbahang-Katolika. Na sa
palagay ko ay tama. Mahigit dalawang
libong taon ng ipinagbabawal ang pagpatay samantalang itong mga bumabatikos sa pakikialam
ng Simbahan sa patayan ay wala pang anim na taon na termino.
Kinakalaban ang gobyerno. May separation of Church and State.
Pero may mga issue na dapat pakiaalaman ng simbahan dahil
nadadamay ang kanilang kawan tulad ng same sex marriage, killing, divorce,
abortion, etc. Kapag ang estado ay may
mga itinakdang batas at patakaran na rasista, labag sa kasarihan at mapanira sa
buhay ng tao, ang Simbahan ay kailangan kumilos, magpahayag ng pagtutol at
tumangging makilahok upang mailigtas ang sangkatauhan. Aminin natin na Simbahang-Katolika lang ang
may lakas ng loob na bumatikos sa gobyerno dahil kailangan nilang gampanan ang
kanilang misyon.
Tulad nga ng madalas kong sabihin, may mga
namamali din sa hanay ng mga kaparian. Mayroon
sa hanay ng kaparian at pinuno sa Simbahan ang naging abusado at palaging
mayroong ganito sa bawat panahon ng kasaysayan.
May mga kahinaan o maraming nagawang kamalian, tao lang ang mga ito pero
mas marami pa rin ang nabubuhay sa tuwid na landas. Ganun din
naman, totoo na may mga Katoliko na masyadong nagiging panatiko sa mga imahen
at rebulto pero hindi ito ang gusto ng mga Kaparian. Alin man, ang mga taong ito ang naturuan ng
kanilang mga magulang na may maling pananaw o ang mga taong ito ang nagkamali
ng interpretasyon o may mahinang pananampalataya. Gayumpaman,
ilan sa mga tumutuligsa o kalaban ng simbahan at iyung mga kapanalig ngunit kulang
sa sapat na impormasyon tungkol sa Katolisismo ay ang mga naniniwala na ang mga
Katoliko nga ay may maling ginagawa at sumasamba sa mga imahen. Ngunit ayon sa kasabihan nga, huwag kang
magsalita kung hindi mo alam ang buong katotohanan.
Alinman sa mga panatikong debotong relihiyoso o mga taong may “mahinang
pananampalataya” na nagbigay-kahulugan sa aral ng Diyos ay sila ang may mga
maling paniniwala. Itinuturo sa aklat at
ng mga pari na huwag kang papatay pero yung mga hindi maka-Simbahan ay
tinutulan ito? Itinuturo din na hindi maaaring ikasal ang
magkaparehong-kasarian pero ito ang gusto nila na nangyari.
Hindi ako eksperto sa Bibliya pero nagbabasa ako
at wala naman akong nakikitang mali sa mga nababasa ko. Bukas ang aking kaisipan at nilalawakan ko ang
aking pang-unawa, hindi ako yung komo nakagisnan na ay sarado na ang isip ko. Bagamat lumaki ako sa isang lugar na
malakas ang impluwensiya ng katolismo at kristianismo ay may mga bagay na
hindi ko sinusunod tulad ng pagdarasal sa mga santo at imahen, pag-bigkas ng
mga litanya. Nagsisimba ako at nakikiisa
ako sa Mahal na Araw, Pasko, atbp bilang pagkilala ko sa mga kabanalang ginawa
ng mga Santo at Santa pero hindi ako nagdarasal sa kanila, hindi ako humahalik,
pumapasan at nag-aalay sa kanila. Oo bukas ang aking isip pero hindi sa punto o
sa antas na kapag binastos ang Diyos ko ay hindi man lang ako papalag.