Tuesday, July 24, 2018

NAAALAALA



Di kaagad nakatulog nuong isang gabi
bigla kong naisip ang nanay kasi.
Nakakalungkot isiping ‘di na mangyayari
makita, makasama at makausap siya muli.

Nakikini-kinita ko iyung kapag siya’y natutulog.
Dahil paralisado’y hirap siyang kumilos
kung mawala sa kumot kailangan kong iayos
o kaya’y binabantayan sa lamok.
Hindi na niya ramdam yun,
magigising na lang kapag pinatay yung lamok.
At kapag walang kuryente
ako’ng taga-paypay abutin man ng hating-gabi.
Ganuon kami palagi.

Naaalaala ko iyung kapag sa bahay.
Gustuhin man mga kwento sa buong araw
o kaya’y iyung sa kalsada’y natatanaw
pero di tatagal sa pag-upo’y mangangalay
Ngayon ko naiisip
may mga gusto pa pala akong sabihin.
Mga kwentong nakakatawa
para malibang naman siya.
O mga balak at plano pa
para magkaroon pa siya ng pag-asa.
Tanungin kung ano gusto niyang iluto ko pa

May mga dapat pa pala akong gawin
tulad ng pranela siya ay ibibili
pagawan ng bagong salamin
o pares ng bagong unan at sapin
maglaga pa ng mga kamote at saging.    

Gusto ko sanang makita niya
iyung bagong bahay na nakuha.
Tatanungin ko siya kung anung kulay
ang bibilhing upuan na babagay.
Ito ang aking magiging buhay.

Sayang, nanghihinayang  na lang ako
dahil di na mangyayari ang mga ito.
Nakikita ko na lang
yung huling oras ng pagkakakita ko
iyung unti-unti  isinasara ng mga bato
unti-unti kaming nagkakalayo
dahil magkaiba na ang aming mundo.
Duon siya at dito ako.
Kung ako man ay natatanaw niya ngayon
sana’y maipaalam niya sa akin ang tugon.

No comments: