Friday, July 20, 2018

PAGIGING PEDERALISMO


Sa pagiging pederalismo ng Pilipinas, kung sa talagang depenisyon lang naman ng pederalismo ay hindi ako tutol dito ngunit iyung intensiyon at tiyempo ay duon ako nag-aalala. Sa pederalismo, ang mamamahala sa bawat estado ay sila rin mismo dahil sila ang mas nakakaalam ng kanilang pangangailangan at solusyon sa kanilang problema, mas mabilis ang mga pag-tugon sa kanilang mga isyu at mas angkop sa kanila ang bawat gagawin nila.  Mas makikinabang ang bawat estado sa bunga ng sarili nilang paghihirap, dahil dito mas magpupunyagi sila para rin sa kanila.  Maganda hindi ba?   Kaya nakaka-akit ito sa mga Pilipino upang matugunan na ang matagal ng hinahangad na kaunlaran, kaayusan at katahimikan ng bansang Pilipinas.  Ngunit ang mga ito ay napaka-pangunahing kahulugan lamang ng pederalismo na kung hihimayin nang mas malalim, masalimuot ito at iyun ang hindi ko mapanghawakan upang magustuhan ko ng buong-buo ang pederalismo ala Pinoy-style.

Maganda at epektibo ang pederalismo sa mga mauunlad na bansa tulad ng USA, Canada, Australia pero sa isang 3rd world country tulad ng Pinas, nababagay ba ang pederalismo tulad ng nangyayari sa India?  Para itatag  ang pederalismo ay mangangailangan ito ng napakalaking pera dahil lilikha ito ng gobernador , bise gobernador at mga senador sa bawat estado.  Para magawa ito ay maraming buwis ang kukuhanin sa taong-bayan.   Dahil din dito, mas malawak ang byurokrasiya dahil mangangailangan ito ng mas maraming posisyon na mas malamang kaysa hindi ay para sa mga loyalista sa politiko.  Kung ganito, palalakasin nito ang dinastiya upang maghari-harian sa kani-kanilang nasasakupan na ngayon pa lang ay nangyayari na.  Banggitin mo lang ang pangalan sa isang probinsya ay alam mo na di ba?  (Tulad ng Davao, anong pangalan ang unang papasok sa isip mo?  Kung Marcos, anong bayan ang una mong maiisip?)  Mapanganib ang gumawa ng kani-kanilang sariling batas dahil mawawala ang ugnayan nito sa ibang bahagi ng bansa.  Mas magkakawatak-watak ang mga Pilipino.  At sa lumabas na draft ng pederalismo ay nakita ang maraming politikahan tulad ng kahihinatnan ng Bise Presidente, ang katayuan ng Pilipinas sa West Philippine Sea, ang pagbibigay ng maraming pabor sa Tsina, etc….  Ito na iyung sinasabi kong liban sa talagang kahulugan ng pederalismo ay ang intensiyon at pagkakataon ang inaalaala ko sa minamadali at pinupursigeng pederalismo na ito.  Sabi nga ay nariyan na ang mga natukoy na pangangailangan ng bawat probinsiya, ibibigay na lang bakit kailangan pang sa pamamag-itan ng pederalismo?

Marami ang tumututol ngayon sa pederalismo dahil unti-unting lumalabas ang mga detalye at marami ng nakikitang kahinaan nito na sa kabila nito ay masigasig at apurahang isinusulong ng mga taong malapit sa pangulo.  Hindi lang oposisyon at ang tulad kong mababaw ang pagkakaalam sa pederalismo kundi mas marami ang umaayaw dito ayon sa survey ngayon at sa mga mas nakakaalam na political experts, economist at mga grupo na ang nagsasabing hindi ito ikagaganda ng ekonomiya at ng buong bansa.  Ganitong-ganito ang nangyari sa TRAIN law.  Ang dami nagbabala nuon na malaki ang epekto nito sa presyo ng produkto at serbisyo.  Economists, law experts, academe, scholars – pero ipinilit pa rin ng mga malalapit sa Pangulo na maisabatas ito.  Wala pang isang taon ay sumirit ang presyo ng mga bilihin at tumaas ang inflation rate.  Ang talo – mga mahihirap.  Nagsipagtahimikan iyung mga pumuputok ang mga litid at nagmumura sa kakadepensa nuon sa TRAIN.  Mura ang mga sasakyan?  Mayayaman pa rin lang ang makikinabang nun at hindi siya maka-masa.  Ganitong-ganito din ang nangyari sa SSS pension hike.  Marami ang umaayaw dito tulad ng pamunuan ng institusyon mismo, mga financial expert at economist expert pero ipinilit pa rin.  Ang mga panatikong taga-sunod ay galit na galit pa nga nuon sa pagdepensa na wala daw puso sa mga matatanda ang kumokontra dito.  Ngayon ay inilagay nila sa panganib hindi lang ang mga pensiyon ng mga nakatatanda kundi pati ang mga kasalukuyang miyembro ng institusyon at ang kinabukasan ng mga panghinaharap na pensiyonado.  Sino ang walang puso ngayon?  Ang talo – mga mahihirap ulit.  Ganitong-ganito din ang nangyari sa quo warranto.  IBP, layers, professionals at ang mga judicial expert na ang nagsabing mali ang quo warranto pero itinuloy pa rin ng mga nag-akusa na sila ang maglilitis at sila ang magpatalsik sa sariling inakusahan nila.  Sadya bang ang gobyernong ito ay kung ano ang magustuhan ay ipipilit kahit hindi tama tulad ngayon sa pederalismo?

Dati ko ng inihayag nuon na sinabi kong kung sa talagang prinsipiyo o depenisyon ng pederalismo at hindi sa pamumulitika ay aakapin ko ito nang buong puso.  Ngayong maiinit ang usapin dito, hindi nagbago ang tingin ko sa Pederalismo kasi maganda ang ibig sabihin, istraktura, gana at bunga nito.  Maganda ang prinsipiyo ng pederalismo kayo iyung tiyempo at intensiyon ng mga nagsusulong ang inaalaala ko.  Huwag na iyung dahilang politikahan at sabihin na lang nating sa praktikal na dahilan na walang kakayahang tustusan ang gastos ng pederalismo.  Maaaring humahanga, nagugustuhan, naiinspirado at naiingit tayo sa Amerika at mga mayayamang bansang may pederalismong pamahalaan.  Hindi masama kung sumubok tayo ng bago dahil baka ito ang sagot sa ating matagal ng pinapangarap na pag-unlad.  Ito ay para sa bayan, para ito sa pangkalahatan kaya dapat ay siguraduhin lang natin na walang bahid ng mga pansariling interes ang pagpapalit ng uri ng pamahalaan. 

No comments: