Friday, July 06, 2018

KRITIKO SA KATOLIKO


Maraming mga bumabatikos sa Simbahang Katoliko/Katolika tungkol sa ibat-ibang isyu at bumbato sa Katolisismo ng mga pagbibintang at gawa-gawang mapanirang akusasyon.  Ang mga ito ay nag-uugat sa pagganti.  Alam ng marami na ang Simbahang-Katolika lamang ang may lakas ng loob na pumalag at magkritiko sa gobyerno kaya kung politikahan lang ay hindi nakakapagtakang gumana ang byurokrasya upang subukan, hamunin o wasakin ang Simbahang Katolika.  Narito ang mga kadalasang birada sa Simbahan, Katoliko at mga Pari ng mga kritiko at kalaban:

Mga maling katuruan.  Ang sa pagkakaalam ko ay ang mga nakasulat sa banal na aklat ang siyang itinuturo ng mga pari. Ang bibliya ay pawang kabutihan, kapayapaan at katarungan kaya paano magiging mali ito?  Sa mga tumutuligsa sa Iglesa Katolika na mali raw ang mga itinuturo ng mga kaparian sa kanilang kawan tungkol sa pagsamba sa mga nilikhang imahen at rebulto, nagkakamali ang mga tumutuligsang ito.  Sinabi ng Diyos na “Huwag kang magbibintang sa iyong kapwa”, “Huwag mong huhusgahan ang iyong kapwa”, “Huwag kang sasaksi sa hindi katotohanan”.  Nagbintang ka na agad sa iyong kapwa dahil kahit kalian ay hindi itinuro ng mga kaparian ng Simbahang JKatolika na sambahin ang mga imahen.  Walang dokrina ng Simbahan matatagpuan ang ganitong aral.   Pinapahintulutan ng Simbahan ang mga imahen ng mga Santo at Santa sa loob ng simbahan at tahanan ng mga Katoliko upang magsilbing alaala, pagkilala, paggalang at inspirasyon sa kanilang mga ginawang kabanalan.    Magkaiba ang pagsamba at paggalang.  Ang paghalik at pagyuko sa mg aimahen ay paggalang sa kanilang ginawang kabutihan.  Ang ipinagbabawal ay ang pagluhod sa mga ito habang sinasamba nilang Diyos.  Nagiging masama ang paggamit ng rebulto at imahen kapag ito ay hindi na nagiging paalaala kundi sinasamba na mismo bilang Diyos.  At kinokondena ito ng Simbahan Katolika.  Ang pagsamba ay ang pagdakila at nauukol lamang ito sa Diyos.  Nagiging diyos-diyosan lamang ang mga imahe at rebulto kung ito ay dadasalan mo.  Nagiging masama ang paggawa ng mga larawan kung ito ay iyong yuyukuran bilang Diyos, pero kung bilang alala ay walang masama. 

Huwag mo silang husgahan agad lalo’t wala kang nalalaman.  Kung nakikita mo silang nagdarasal sa loob ng Simbahan na sa unahan ay ang maraming imahen ay hindi ito nangangahulugang ang mga imahen mismo ang pinatutungkulan nila ng kanilang mga dasal kundi ang bawat salitang namumutawi sa mga labi at puso ng nananalnagin ay para sa Diyos na nasa langit.  Ang altar ay nilalagyan ng mga alala ng mga tao na naging banal sa mata ng Diyos.  Kung ang lugar na ito ay banal nga, duon nagdadasal ang mga Katoliko pero hind nangangahulugan na yung mga imahen na nakikita nila ang kanilang dinadasalan kundi yung Diyos na nasa puso at isip nila kapag ipinikit nila ang kanilang mga mata habang nasa banal na lugar.  Ang mga rebulto ay pagpapaalala lamang ng mga tao na minsang nabuhay sa mundo.  Walang pinipiling lugar ng pagdadasal pero mas nakasanayan lang ang magdasal sa altar at Simbahan.  Kahit tambakan mo pa ng isang libong rebulto ang isang totoong Katoliko kung kapag nagdasal naman siya ay ang Diyos ang kanyang isinasa-puso ay hindi matatawag na dinasasalan niya ang mga rebulto.  Kaya ang pagsasabing sinasamba ng mga Katoliko ang mga imaheng ito ay isang malaking kamalian at isa lang paraan ng mga kritiko upang iligaw ang mga tao.  Mayroon silang mga sinasabing bersikolo bilang patunay pero pawang mali naman ang mga iyon o mali ang pagkakaunawa kaya huwag kang sasaksi sa hindi katotohanan.  Pati ang mga piyesta at prusisyon ay hindi pagsamba kundi pagdiriwang ang mga ito upang gunitain at alalahanin ang mahahalagang pangyayari.  Sa luma at bagong tipan ay binanggit na ang mga ito kaya hindi ito mali.

Hindi tumutulong sa mahihirap.  Ang Katoliko ang may pinakamalaki at pinakamatagal na kawang-gawa sa panahon natin ngayon.  Dito sa Pilipinas ay may mahigit limang libong scholars ang Caritas Manila.  Ang simbahan ay tumutulong na makapagbigay ng trabaho sa mga catholic hospital at schools, may mga bahay-ampunan para kumukupkop sa mga batang wala ng magulang at mga matatandang wala ng pamilya.  Tumulong ang Simabahan sa mga biktima ng bagyong Yolanda nuong 2013 at tumutulong sa mga malnourished na bata.  Kahit nuong panahon pa ng mga digmaan sa Kastila, Hapon at Amerikano ay tumutulong na ang Simbahan sa mga Pilipino

Mukha-pera ang mga Pari at Madre.  Ipinupunto ng mga kumakalaban sa simbahan kung bakit may bayad daw ang mga serbisyo ng Simbahan sa mga kasal, binyag, kumpil at libing.  Ang totoo ay walang binabayaran sa mga nabanggit na serbisyo dahil kahit kalian ay hindi mababayaran o mabibili ang kaloob ng espiritu santo sa mga seremonyas na ginawa sa kasal, binyag, kumpil at libing. Ang ibinibigay ng mga kumukuha ng serbisyo para sa mga nabanggit ay donasyon. Ang ibinibigay natin sa simbahan at mga pari ay tulong para sa kanilang pangangailangan. Mga tao rin sila na nagugutom, nauuhaw at nangangailangan ng damit.  Hindi na siguro dapat na ibili pa nila tayo ng mga gagamitin sa seremenyas tulad ng bulaklak, kandila, atbp.  Mayroon naman kasalang-bayan na walang ibabayad sa mga bulaklak o kandila na yan, maaari magpunta duon ang may gustong walang bayad sa kasal.  Kung ikaw naman ay nakakaunawa, paano mo pa isusumbat ang donasyon mo?  Kung binyag, gaano ka ba kadalas magpabinyag?  Kada lingo na lang ba ay nagkaka-anak ka?  Ilan ba ang asawa mo para pakasalan?  Lagi bang may namamatay sa inyo para isumbat mo ang ibibigay mong pera?  Isipin na lang ito: sa mga naglipanang ibat-ibang sekta ng relihiyon ay ang Simbahang Katolika lamang ang walang pirmihang binabayaran ang Kanyang mga kawan. Walang sinisingil tuwing magpupunta sa misa, walang binabayaran kapag binigyan ka ng buwanang limbag ng kanilang libro o pahayagan, walang 10% sa kinikita mo bilang kongtribusyon, walang pananakot na kapag hindi ka nakapagbigay ng obligasyon ay masusunog ka sa impyerno. Kundi, ang bawat isa sa Katoliko ay magbibigay ayon sa sariling pasya at maluwag sa kalooban.  Hindi po ninenegosyo ng mga Pari ang serbisyo.  Walang bayad ang kasal, binyag, libing.  Ang pera nilang ginagamit sa pagtulong at para sa pagkain nila upang mabuhay ay mula sa mga donasyon at makapagpatuloy ng kanilang misyon.  Maaaring may ilan sa hanay nila ang mayroong itinayo o kasosyo sa negosyo sa labas ng simbahan pero ang pangunahing pinagkukunan ng kanilang gastusin ay ang mga donasyon rin lang.

Isinasama din sa isyu na ito ang mga paaralang-Katoliko na napakamamahal ng matrikula.  Unang-una, tandaan natin na obligasyon ng pamahalaan na magbigay ng libreng edukasyopn sa mga kabataan.  Kung mayroong mga libreng edukasyon sa mga pampublikong paaralan, bakit may mga nagbubukas pang mga private, exclusive at catholic schools?  Dahil kailangan ng mga bata ang de-kalidad na edukasyon na “hindi naibibigay” ng mga pampublikong paaralan.  At kung may mga libre na ngang edukasyon ay bakit marami pa rin ang huindi nakakapag-aral?  Ang mga paaralang-Katoliko ay walang subisidya ng gobyerno.  Ang pasuweldo sa mga guro, trabahador at mga pangangailangan ng paaralan ay kinukuha lahat sa ibinabayad ng mga nag-aaral.  Kung pag-iisipang mabuti, marami ang mga umaalis na guro sa ganitong paaralan at lumilipat sa pampublikong paaralan dahil sa suweldo na ibig sabihin ay kulang pa kung tutuusin ang ibinabayad ng mga estudyante para tapatan ang suweldo sa kabilang paaralan.  Pero sinisikap pa rin ng mga paaralang ito na mabigyan ng de-kalidad at advance na edukasyon ang mga bata para makasabay sa hamon ng buhay.  May mga scholars ang mga Pari at Madre sa mga paaralang ito kaya huwag sabihing pang-mayaman at pera lang ang gusto ng mga paaralang ito.  Maaaring may mga pinag-aaral pa rin ang mga pari sa ibang mga paaralan.  Hindi lang ang Katoliko ang may mga paaralan, mayroon din ang ibang sekta ng relihiyon ngunit bakit parati ang Katoliko lang ang gustong-gustong puntiryahin ng paninira?

Kinakampihan ang mga kiminal. Ang palaging sinasabi ng simbahan ay pairalin ang nararapat at tamang proseso.  Wala akong nakikitang pagkampi sa kriminal sa pangungusap na iyon.  Kung ang pinagbabatayan ng mga nagbibintang na kinakampihan ng Simbahan ang mga kriminal dahil hindi sang-ayon ang Simbahan sa mga pinapatay na nahuhuli o sinisistensiyahang kriminal, iyun ay dahil sa doktrina na napakatagal ng sinusunod ng Simbahang-Katolika.  Na sa palagay ko ay tama.  Mahigit dalawang libong taon ng ipinagbabawal ang pagpatay samantalang itong mga bumabatikos sa pakikialam ng Simbahan sa patayan ay wala pang anim na taon na termino.

Kinakalaban ang gobyerno. May separation of Church and State. Pero may mga issue na dapat pakiaalaman ng simbahan dahil nadadamay ang kanilang kawan tulad ng same sex marriage, killing, divorce, abortion, etc.   Kapag ang estado ay may mga itinakdang batas at patakaran na rasista, labag sa kasarihan at mapanira sa buhay ng tao, ang Simbahan ay kailangan kumilos, magpahayag ng pagtutol at tumangging makilahok upang mailigtas ang sangkatauhan.  Aminin natin na Simbahang-Katolika lang ang may lakas ng loob na bumatikos sa gobyerno dahil kailangan nilang gampanan ang kanilang misyon.

Tulad nga ng madalas kong sabihin, may mga namamali din sa hanay ng mga kaparian.  Mayroon sa hanay ng kaparian at pinuno sa Simbahan ang naging abusado at palaging mayroong ganito sa bawat panahon ng kasaysayan.  May mga kahinaan o maraming nagawang kamalian, tao lang ang mga ito pero mas marami pa rin ang nabubuhay sa tuwid na landas.   Ganun din naman, totoo na may mga Katoliko na masyadong nagiging panatiko sa mga imahen at rebulto pero hindi ito ang gusto ng mga Kaparian.  Alin man, ang mga taong ito ang naturuan ng kanilang mga magulang na may maling pananaw o ang mga taong ito ang nagkamali ng interpretasyon o may mahinang pananampalataya.  Gayumpaman, ilan sa mga tumutuligsa o kalaban ng simbahan at iyung mga kapanalig ngunit kulang sa sapat na impormasyon tungkol sa Katolisismo ay ang mga naniniwala na ang mga Katoliko nga ay may maling ginagawa at sumasamba sa mga imahen.  Ngunit ayon sa kasabihan nga, huwag kang magsalita kung hindi mo alam ang buong katotohanan. Alinman sa mga panatikong debotong relihiyoso o mga taong may “mahinang pananampalataya” na nagbigay-kahulugan sa aral ng Diyos ay sila ang may mga maling paniniwala.  Itinuturo sa aklat at ng mga pari na huwag kang papatay pero yung mga hindi maka-Simbahan ay tinutulan ito? Itinuturo din na hindi maaaring ikasal ang magkaparehong-kasarian pero ito ang gusto nila na nangyari.

Hindi ako eksperto sa Bibliya pero nagbabasa ako at wala naman akong nakikitang mali sa mga nababasa ko.  Bukas ang aking kaisipan at nilalawakan ko ang aking pang-unawa, hindi ako yung komo nakagisnan na ay sarado na ang isip ko.  Bagamat lumaki ako sa isang lugar na malakas ang impluwensiya ng katolismo at kristianismo ay may mga bagay na hindi ko sinusunod tulad ng pagdarasal sa mga santo at imahen, pag-bigkas ng mga litanya.   Nagsisimba ako at nakikiisa ako sa Mahal na Araw, Pasko, atbp bilang pagkilala ko sa mga kabanalang ginawa ng mga Santo at Santa pero hindi ako nagdarasal sa kanila, hindi ako humahalik, pumapasan at nag-aalay sa kanila. Oo bukas ang aking isip pero hindi sa punto o sa antas na kapag binastos ang Diyos ko ay hindi man lang ako papalag.

No comments: