Walang pasok nuon, isang ordinaryong tanghali lang nang bigla-bigla
ay nakaramdam ka ng takot. Alam mo naman
na wala kang kinatatakutan pero bigla ay naramdaman mo iyung takot at kaba, na
tila habang dinadama mo iyung takot at kaba ay lalo itong tumataas kaya mas
lalo kang natatakot na baka hindi mo makayanan at bumigay ka. Hindi ka naman nagulat, napagod, o nasasabik pero
bakit takot ka ng wala ka naman dapat katakutan? Wala ka namang dinaramdam nuong mga nakalipas
na araw pero bakit biglang-bigla ay natakot ka at kinakabahan nang walang
dahilan: balisa, mauupo sa kuwarto pero hindi mapalagay at sandali lang ay tatayo
at lalabas ng kuwarto upang maupo sa sala pero hindi rin magtatagal ay muling
tatayo at babalik sa kuwarto. Humiga
upang magpahinga ngunit ang isip ay puno ng nararamdamang takot sa kung saan ay
di alam kaya bumangon na lang.
Sinubukang magbukas ng computer upang gumawa ng kung ano pero talagang
hindi mapalagay sa nararamdamang takot at kaba pero talagang hindi makatutok sa
ginagawa. Ang hirap at nakakatakot,
sisigaw na ba, hihingi na ba ng tulong sa mga natutulog na kasama? Sa nalilitong isip, nakapag-isip pa na
banayad na huminga ng malalim upang kahit papaano ay mabawasan ang kaba. Nakatulong naman kahit hindi ganap na nawala
kaya sa pagkakataong iyon ay isa ang naisip – magdasal: Panginoon, tulungan mo
pong mawala ang nararamdaman. Tulungan mo
po at nuon ay nagkaroon ng luwag sa dinaramdam.
Medyo nabawasan pa ulit ang takot at kaba. Salamat po Panginoon. Nagbukas ulit ng computer upang libangin ang
sarili sa panonood ng mga nakakatawa. Sa
loob ng isang oras ay nawala ang takot pero nang itigil ang panonood upang
magpahinga ay paminsan-minsang bumabalik iyung takot at kaba. Tumawag sa isang kaibigan, pwede bang
magkita? Kaya nuong hapon na iyun ay
sinabi niya sa kaibigan ang nararamdaman.
Malaking kaluwagan sa dibdib ang nailabas mo ang iyong
nararamdaman. Nakauwi nang maayos pero
pagdating sa bahay ay paminsan-minsan nararamdaman ulit ang takot hanggang sa
matulog.
Nalungkot sa nangyaring iyon.
Tuloy sa sobrang lungkot akala’y iyun na ang dinaramdam. Ano ang isang payo para sa isang tao na
sobrang naiinip at lungkot na lungkot, ang sabi ng isang kaibigan, pagurin lang
ang sarili o gumawa ng bagay na kinagigiliwan.
Libangan ang pagsusulat pero hindi magawang magsimula dahil walang
maisip na isusulat. Kailangan ng
mapaglilibangan, iyung makakita ng bagay na hindi na lamang computer, kuwarto
at sala kaya nakiupo sa mga nag-uusap kahit makinig lang. Sa ganun ay nalilibang ang isip upang
malimutan ang takot sa hindi malamang takot sa kung saan. Pero ang masakit ay hindi naman sila mag-uusap
ng buong maghapon kaya nang maghiwa-hiwalay na ay wala ng magagawa kundi
bumalik sa sariling kuwarto. Nagbukas ng
computer at muling nilibang ang sarili sa panonood ng mga nakakatawang
palabas. Nakatulong ito, sa maghapon ay
pabalik balik sa panonood hanggang mag-gabi at matulog na. Hanggang natapos ang mahabang katapusan ng
linggo na iyon, at salamat dahil kinabukasan ay mayroon ng trabaho na
mapaglilibangan. Akala ay nalulungkot o
naiinip lang pero nang maisip na hindi pala dahil duon kundi yung takot nga
pala ang nararamdaman. Pero ano nga ba
ang ikinakatakot, wala naman. Takot sa
sitwasyon sa trabaho – hindi naman.
Hindi naman dahil sa umaalis na mga kaibigan. At hindi rin sa may dinaramdam na karamdaman. Ang
sabi, kapag naramdamang nariyan na naman yung takot ay huwag daw hayaan na
tumuloy ito. Mag-isip daw ng mga
masasayang bagay, o tumayo at maglakadlakad para hindi siya tuluyan
maramdaman. Habang nagtratrabaho, ilang
beses tumayo upang maglakad. O kapag
sumasagi na naman sa isip ang takot ay ibinabaling sa iba ang isip. Nag-iisip ng masasayang pangyayari, mga
magagandang gagawin, o di kaya’y kumakanta sa isip. Nakakapagod man, pagkatapos ng trabaho ay
lumabas at nagpaabot ng gabi sa labas ng bahay.
Habang nasa labas ay ramdam na nuon ang pagod. Ang hirap yung pagod na ang katawan mo ay
pagod pa rin ang isip mo. Pero ano ba
talaga ang dahilan ng takot? Mabuti na
lamang, nakakaramdam ng gutom at kumakain tatlong beses isang araw pero konti
lang ay nabubusog na. Buti na lang at
nakakatulog pero sa pagkakahiga ay konting kibot ay pinapansin ang mga maliliit
na abala tulad ng maliit na pangangati o ngalay.
Nagkaroon ng pagkakataon na maghanap sa computer kung anu nga ba
ang naramdaman. Panic Attack, Anxiety
Disorder o Depression. Sa totoo ay
nakatulong ng malaki ang malaman kung ano ang nararamdaman. Hindi naman pala nakakatakot, ang lahat ng
ito ay may lunas. May mga tao na
nakakaranas ng bigla na lamang kakabahan kahit walang nangyaring
nakakabahala. Sa pagkabahala niya ay
kung anu-ano na ang iniisip niya.
Mayroon namang bigla-bigla na lang at paulit-ulit na nararamdaman ang
pagkabalisa. Kumakabog at sobrang tibok
ng puso, parang nabubulunan, natatakot na mawalan ng kontrol, ang iba ay
nakakaranas ng pagpapawis, panginginig ng kamay o katawan o pamamanhid,
nahihirapang huminga, masakit ang dibdib, nahihilo o nasusuka o nararamdaman na
bigla na lang mahihimatay. Sarili lang
ang makakatulong ng malaki, paglabanan ang nararamdaman. Sa totoo lang, ang daling sabihin pero napakahirap
gawin ng taong kasalukuyang nakakaranas nito.
Napakahirap kapag sarili mo ang kalaban mo na sariling utak at damdamin
mo ang nagtatalo at wala kang magawa dahil natatalo kung ano ang gusto mo.
5 comments:
Ano po ba ang dapat gawin tama mahirap pag sarili mo ang kalaban mo.
Pano attack o anxiety disorder - ito ang pinagdaanan ko. Una may medical na paraan na kung ano at paano ay hindi ako ang tamang awroridad.
Pero may solusyon din na kaya mong gawin sa sarili mo tulad ng mga ginawa ko:
1. Kapag inatake, gawin mo ang mabagal at malalim na pag-inhale at exhale.
2. Makipag-usap, huwag mapag-isa. Maghanap ng mapagsasabihan ng pinagdaraanan.
3. Maglibang. Kung para sa iyo paglalaboy ang makakalibang, gawin mo. Sa akin at proven ito sa akin ay ang pagpanood ng nga nakakatawang video. Napakarami nito sa YouTube.
4. Gawin mong busy ang sarili mo para hindi masingitan ng takot ang iyong isip. Mag-busy ka sa work, maglinis bg bAhay, o magexercise or walking sa labas ng bahay.
5. Magdasal. Epektibo ito sa akin dahil kapag nagdasal ka habang nasa ganitong kalagayan ay nagkakaroon ka ng kahit kaunting peace of mind.
*Panic attack
Ganyan din Ako
Nung nagbuntis Ako tapos Ngayon ulit Bigla na lang ulit bumalik ang takot ko
Kayanh kaya yan. Since na-conquer mo na siya before, kayang-kaya mo na siyang i-conquer ulit 🙏
Post a Comment