Friday, October 18, 2019

BIYAHE

Katulad ninyo
Gumigising din ako nang maaga
upang ang unang biyahe sa umaga ay makuha
At sa paroroona’y di maaantala

Malamig na hanging tumatama sa mukha
Sariwang hangin sa umaga sa pang-amoy ay nakakahalina
Pusikit ng balaba, madawag na daan sa tumana
Inuulat na balita at tunog ng makina
ang bumubulong sa’king mga tainga

Nababalot pa ng dilim ang natutulog na madaling-araw
ay tinatahak ko na ang mahabang biyahe ng aking araw
Kapag pumutok na ang Haring-araw
Tatambad ang ating ibat-ibang kwento araw-araw

Sa daan ay maraming pangyayaring lumilitaw
Sa daan ay maraming natatanaw
Sa daan ay maraming ala-alang naliligaw
Sa daan,,,
may isang daan ng padaan-daan
Ngunit kung minsan ay hindi ko matandaan at maintindihan
Idinadaan na lang sa awa ng Panginoon ang palatandaan.

Ang sabi sa akin, hindi ka dapat maging duwag
ang sabi sa akin, huwag kang iiyak
Pero iyak pa rin ako ng iyak
Nasasaktan yung batang ako pero itinatago ko ang pag-iyak, ikinukubli dahil kapag may nakakita ay tiyak
Huhusgahan ako o kaya’y maririnig kanilang paghamak
…masakit pero walang dapat makakita
Ang unan, ang mga haligi, at bintana
Ang mga tulog na kasama
Saksi sila sa aking pagtangis at pagluha

Koro:
Malambot na puso
O  isip na hindi matuto
Kung ano ako siguro ay pareho
Pareho nga siguro ako
Ipit, kibit, o maghalukipkip
Mahabang biyahe na masikip
Sa pag-asa ang kalakip

Mula sa aking pagkabata ay natutunang mapag-isa.
Sa paglaki’y natutunang kaibiganin ang mga letra
Gamit ko ang sandata ng mga paham, papel lamang ang hasaan
Sa liwanag ng gaserang maitim, sumasayaw na anino sa dingding
Habang mga munting hayop na pangahas, aaligid-aligid sa ningas

Pero marami  pa sana dapat akong makita
makita ang mga gabi at araw
mga araw na dapat ay nagpakasaya ako
pero takot ako sa iisipin ng ibang tao
Lalakad, babalik, urong-sulong
Meron na sana akong naipon
Pagkakaibigang subok sa panahon

Minsan ay naghanap
Lumimot at naghanap
Naghanap ng naghanap
Hanggang tila walang maapuhap
At hindi ko iyun matanggap
Marami ang mga dumating at lumisan
Pero mailap ang paghahanap

Minsan na akong nagkamali
Pero bakit paulit-uling akong nagkakamali

Koro:
Malambot na puso
O  isip na hindi matuto
Kung ano ako siguro ay pareho
Pareho nga siguro ako
Ipit, kibit, o maghalukipkip
Mahabang biyahe na nakapikit
Sa pag-asa ay kakapit

Ninais kong maging simple
lumayo sa materyalismo ay hindi imposible
gusto kong magpasalamat kahit hindi galante
mula sa itaas tugon sa Kanyang mensahe
kung ano ako ay hindi na bale

Ito ang aking biyahe
Sa aking biyahe na malayo, malawak, paitaas o paibaba.
Minsan ay lubak-lubak at paliko-liko
Liliko, hihinto. Hihinto, liliko
Ako na ay nalilito
Mula sa tahimik na kabataang pinagmulan ko
Hanggang sa kalagitnaan ng buhay ko.
Parang hindi ako makuntento
Ako ay pumara diyan sa kanto

Huminto sa himpilan bilang-limampu
Upang hintayin ang susunod na yugto
Sa paghihintay ay unti-unting namumuo
Ang mga takot, lungkot, at inip sa pagkatao
Ano pa kaya sa pagtanda ang hinihintay ko?

Ito ang biyahe ng aking buhay.
Ako ang kutsero at pasahero sa biyahe ay sanay
Sa himpapawid, sa tubig, sa lupa at sa tulay
Magagandang lugar o pasakit na tunay
Dinaanan na ng aking paglalakbay
Naglaro, nagloko, nag-aral, nangarap, naghintay
Nagsulat, nagkasala, nagmahal, nasaktan, nasanay
Sanay ng masaktan
Maraming beses ng nasaktan
Kahit nasasaktan, mulit-muling magmamahal
Masaktan man, pipiliin pa rin muling masaktan
Dahil malinis ang puso ng nagmamahal

Mainit, matagal, malayo, maaraw
Ito ang lakbay ko araw-araw

Koro:
Malambot na puso
O  isip na hindi matuto
Kung ano ako siguro ay pareho
Pareho nga siguro ako
Ipit, kibit, o maghalukipkip
Mahabang biyahe ng matuwid
Sa pag-asa ay aawit

Malambot na puso
O  isip na hindi matuto
Kung ano ako siguro ay pareho
Pareho nga siguro ako

Ito ang Biyahe ko.

No comments: