Friday, October 11, 2019

HANGGANG MARANASAN MO MISMO


May mga pangyayari na ipinapakita o ipinaparamdam sa akin ang mga tila gustong sabihin sa akin ng aking namayapang nanay upang ipaunawa niya sa akin ang kanyang mga saloobin.  Nang sandaling mapadaan ako sa isang matinding pagkainip ay nagdulot ito sa akin ng malaking lungkot at takot.  Lungkot na dinala ko buong araw at takot na nararamdaman ko mayat-maya.  Makakayanan ko ba ito? Masisiraan ba ako ng bait?  Ano ang aking gagawin at sino-sino ang mga lalapitan ko?  Ilang araw ko lang ito naranasan at hirap na hirap ako.  Pero ang aking nanay, hindi ba’t pinagdaanan niya ang lungkot, inip at takot sa loob ng mahigit sampung taon habang siya ay paralisado?  Sa kanyang kalagayan, hindi ba’t kalbaryo ang tiniis niya sa araw-araw na inip dahil buong maghapon at magdamag siyang nasa bahay na hindi malayang nakaka-kilos?  Sa loob ng mga taon na iyun ay paano niya nilabanan ang lungkot ng mag-isang nararamdaman ang hirap ng paralisado?

Sa pagkakahiga natin habang nag-iisa, ang hirap ng wala kang ibang maiisip kundi iyung takot at lungkot.  Ganun ang pinagdaanan ng aking ina sa loob ng mahigit sampung taon.  Ngayon, sinasabi niya sa akin kung gaano kahirap niya tiniis ang araw-araw na buhay niya sa banig ng karamdaman.  Nauunawaan ko na nuon ang kanyang sakit at hirap pero kulang pa pala ako ng pagkakaalam.  At nararamdaman ko ang pagsisisi dahil pinagkakaitan ko siya nuon ng mga mapaglilibangan na para sa akin ay hindi mahalaga tulad ng panonood ng mga programa sa telebisyon mula umaga hanggang gabi.  Naiingayan, nasasayangan ako sa konsumo ng kuryente at naging makasarili ako dahil yung sa aking palagay na walang kuwentang mga palabas sa telebisyon tulad ng mga tele-nobela ng mga Koryano at Mexikano sa umaga, pangtanghaling-palabas, at mga drama na tagalog sa gabi ay napakalaking tulong pala sa isang tao na maghapong nasa bahay at walang magawa dahil sa kanyang kalagayan.  Dahil nang mangyari sa akin ang isang matinding pagka-inip at lungkot, iyun din ang aking naisip na gawin at walang nagbawal sa akin.  Kaya naawa ako sa aking nanay at lubos ko ng naunawaan ang naramdaman niyang pagkainip sa bahay.  At naawa ako sa kanya.

Sa aking pagbangon mula sa magdamag na pagtulog, nararamdaman ko ang unti-unting ngalay sa aking braso papunta sa aking mga kamay.  At ilang araw ang lumipas ay napansin ko na kapag idinakot ko ang aking kaliwang kamay ay may isang darili ang hindi umuunat kapag ibinukas ko na ang aking kamay.  Walang sakit na nararamdaman ngunit kapag akin  itong iunat ay may kaunting pitik akong nararamdaman.  Hinanap ko sa internet ang ibig sabihin nito.  Sanhi ito ng paulit-ulit at madiin na pagdakot tulad ng ehersisyong pagpisil ng malambot na bola upang lumakas ang kamay.  Naalala ko ang aking nanay.  Minsan ay ipinakita niya sa akin ang kanyang kamay na kapag idinakot ay mayroong naiiwang mga daliri na hindi bumubukas kapag kanya ng ibinukas.  Hindi ko alam kung bakit ganun.  Nakaramdam ako ng konting alala nuon pero inisip kong kasama iyun ng kanyang kalagayan at hindi ko  siya naipasuri sa duktor tungkol duon.  Ngayon ay alam ko na ang kanyang gustong sabihin sa akin. 

Pero may isang pangyayari nuon ang nagturo na sa akin kung ano ang tunay na kalagayan ng mga taong tulad ng aking ina na paralisado.  Nuon ay dumaan ako sa isang malaking operasyon kaya kinailangang turukan ako ng anastisya sa aking gulugod.  Ilang sandali lang ay naramdaman ko ang pamamanhid ng aking katawan hanggang mawalan na ito ng pakiramdam at hindi ko na maigalaw.  Nang matapos ang operasyon hanggang sa dinala na ako sa aking silid ay matagal pa ang oras na lumipas bago mawala ng tuluyan ang bisa ng anastisya.  Ngunit habang wala pang pakiramdam ang ibabang bahagi ng aking katawan ay duon ko nalaman ang nararamdaman pinagdaraanan at kalagayan ng mga taong paralisado tulad ng aking ina.  Ang hirap.  Iyung gusto mong igalaw kahit ang isang daliri ng mga paa mo ay hindi mo magawa, iyung hindi mo mapasunod ang katawan mo sa sinasabi ng isip mo – ang hirap.  Paano at gaano pa kaya ang pakikibaka ng mga taong paralisado na habang buhay?  Mahirap ang pinagdaanan ng nanay ko sa pagabot ng mga bagay kahit malapit lang sa kanya kahit ang pagkamot sa mga hindi maaabot ng kanyang kamay ng parang buhay na patay.

Ito ang ilang mga natutunang aral na ngayon ay iniuugnay ko sa aking ina.  Kaya nararamdaman ko na narito pa rin siya na kasama ko, kinakausap ako at patuloy na pinagsasabihan.  Totoong kapag wala na ang isang bagay ay saka mo malalaman ang halaga.  Kung mayroon lang sanang pangawalang pagkakataon para sa isang nawala na upang maitama o magawa natin ang mga dapat nating gawin sa ating kapwa, gagawin ko na ang mga naudlot kong gagawin sana.

No comments: