Saturday, March 07, 2020

DILAWAN BA AKO?


Sa panahon ngayon, kapag hindi ka sang-ayon sa sinabi o ginawa ni PDU30 ay dilawan ang itatawag sa iyo.  Para bang ang tao ngayon ay dalawang klase lamang – Die-hard Duterte Supporters (DDS) o Dilawan.  DDS ka kapag maka-Duterte ka at Dilawan kapag hindi.  Ang tinutukoy na dilawan ay iyung panatiko daw ng mga Aquino at mga taga-Liberal Party dahil ito ang politikal na kulay nila, na kalaban sa politika ni PDU30.  Kaya kung hindi ko sinang-ayunan ang pangulo, dilawan ako  - MALI.

Ang totoo, maling-mali ito.  Kung panatiko ako ng mga Aquino, sana ibinoto ko ang inindorso ni Cory sa Panguluhan na si FVR pero si Miriam Defensor ang ibinoto ko, o yung inindorso ni PNoy na si Mar pero si Duterte ang ibinoto ko.  O masugid na taga-hanga sana ako ni Kris dahil isa siyang Aquino pero hindi.  Kung panatiko ako ng mga Dilawan, sana ay ibinoto ko ang inindorso ni FVR pero ibinoto ko si Erap, sana lahat ng mga opinyon ng dilawan ay sinuportahan ko pero hindi nga, at hindi talaga.  Kung dilawan ako, sana lahat ng ginawa nila ay sinang-ayunan ko pero hindi ko tinanggap ang malamyang pagresponde ni PNoy sa Luneta Siege, pagbili niya ng mamahaling sariling sasakyan, madalas na pagpabor kay PNP chief Allan Purisima at sa kanyang polisiyang KKK (kaklase, kaibigan, kabarilan), at ang aberya sa oplan Mamasapano.  Kahit ang paglalagay ni P.Cory sa mga taong tumulong sa kanya upang maluklok sa Panguluhan bilang kanyang gabinete.

Hindi ako dilawan o maka-Aquino.  Ang nangyayari lang ay sa madalas na nagkakataon na iyung mga isinusulong, panawagan, at paniniwala nila ay iyun din ang mga gusto ko.   Naniniwala akong hindi dapat kitilin ng tao ang buhay ng kanyang kapwa kaya mula aborsiyon hanggang sa kamatayang-hatol ay hindi ko matatanggap.  Hindi dahil ayaw ng partido-Liberal sa patayan kundi sarili ko itong paniniwala.  Bata pa lang ako ay hindi na ako sang-ayon sa pagmumura, pambabastos sa mga babae, at pangloloko.  Ilang beses ng nagsinungalin ang Pangulo tulad ng bank account ni Sen Trillanes, pangmomolestiya sa kanya ng isang pari, pagsakay sa jetski paputna sa WPS, atbp.  Nuon pa ay hindi ko na ito gusto hindi dahil binabatikos ng dilawan ang mga bagay na ito.  Hindi ko gusto ang maraming pagpabor ng gobyerno sa Tsina hindi dahil dilawan ako kundi dahil nniniwala akong mahirap itong pagkatiwalaan sa mga ginawa nila nuon pa.  Pinupuna ko ang mga Marcos hindi dahil dilawan ako kundi dahil umpisa pa lang nang magkroon ako ng pakialam sa kapaligiran ay nakikita ko na ang kanilang pgmamalabis.

Hindi ako panatiko kundi kritiko, pupunahin ang mali at pupurihin ang maganda.  Gusto ko ang diskarte ni PNoy sa pananalapi, tulad din ng paghanga sa kagustuhan ni DU30 na isara ang Boracay para linisin, pagsasabatas ng 10-taong bis ng pasaporte, ng pinalawig na maternity leave at, universal health care act, atbp.  Samantala pinupuna ko ang mga katulad na mabagal niyang responde sa pagputok ng bulkang-Taal, naantalang pagbabawal sa biyaherong galing s Tsina, malamyang pagtugon sa WPS, at ang sobrang pagmamahal sa Tsina – pinuna ko ang mga ito hindi dahil dilawan ako kundi iyun ang dapat.  Gusto ko pa rin ang katapangan ni DU30 pero sana nasa tamang lugar.  Ang punto ko, kung ikaw ay totoong tagasuporta at kritiko, pupunahin mo ang mga mali at pupurihin mo ang maganda maging sino man ang gumawa. Hindi ako panatiko ng kung sinong politiko dahil ako lang sa sarili ko ang masusunod, malaya ako s pag-iisip at pagdesisyon kung sino ang gusto ko o kung ano ang gusto ko.  Hindi ako nagpapailalim sa kung kanginong impluwensiya dahil lahat ng ginagawa ko ay mula sa akin – ganuon kahalaga, kataas at kalinis ko inaalagaan ang aking sarili. 

No comments: