Tuesday, March 10, 2020

TSINA: ANG PAG-IBIG AY BULAG


Nararanasan na natin ngayon ang resulta ng sobrang lambot ng gobyerno natin pagdating sa Tsina.  Napakabait at mapagbigay natin sa Tsina.  Sa sobrang pagbibigay, napakarami ng mga hindi magagandang nangyayari na kinasasangkutan ng Tsina.  Bakit ganun-ganon na lang ang pagmamalasakit natin sa Tsina?  Bakit sobrang bait natin pagdating sa Tsina?  Bakit parang sobrang pabor na ang ibinibigay sa Tsina?  Bakit kakaiba ang pagtrato ni DU30 sa Tsina?  Bakit sobra ang pagkahumaling niya sa Tsina?  Bakit bulag na bulag sa pag-ibig si DU30 sa Tsina?

Sa simula pa lang ay tinutulan na ng kritiko ang pakikipagmabutihan ng Pilipinas sa Tsina pero ipinagtanggol ito ng mga solid DDS dahil gusto ng Pangulo ang Tsina.  Dahil sa sobrang pagtatanggol na ito ay naging sobrang kampante ng Tsina sa ating bansa at nagsimulang dumami ang mga isyu at gulo na kinasasangkutan nila.  Ang dami ng ibinigay na problema ng Tsina sa atin.  Kung may sisisihin, ang mga solid DDS ang may kasalanan at dapat sisihin sa mga nangyayari sa atin ngayon.

Kung nuon pa ay nakisama kayo sa pagtutol sa Tsina, hindi sana lalakas ang loob ng Pangulo na makipagmabutihan nang todo sa Tsina at tila ipinagsisiksikan dito ang Pilipinas.  Iyung wagas kung ipagtanggol ninyo sa bawat puna ng kritiko tuwing pinapabayaan ng gobyerno ang galaw ng Tsina sa West Philippine Sea, napakaluwag ng Pilipinas sa Tsina kaya nagbunga ito ng pagtaboy sa mangingisda natin sa sarili nating dagat, pagbangga ng barko ng Tsina sa bangka ng mangingisda natin, pagnanakaw sa ating mga taklobo, pagkasira ng kalikasan, paggawa ng mga artipisyal na isla, at pagtatayo ng mas maraming istraktura sa WPS.  Hindi sana aabot sa pagdagsa ng napakaraming Intsik sa atin, ang pagpasok ng mga illegal na Intsik at may mga criminal na record sa Tsina, ang pagwasak sa Island Cove upang gawing Pogo island, hinihinalaang pagpasok ng mga People Liberal Army, pagpasok ng limpak-limpak na salapi, ang pag-agaw ng trabaho, pag-okupa ng mga Intsik sa Boracay, pagpasok ng bilyon-bilyong droga, at paghawa sa atin ng sakit na CoViD-19.

Sa kabila ng lahat ng ito, ang ating Pangulo at ang mga kilalang malalapit sa kanya na sina Senators Bong Go at Bato, at DFA Secretary ay sila pang nagpapaliwanag para sa Tsina.  Ano bang meron sa Tsina?  Anu ba ang naging kasunduan ni DU30 at ng Tsina?  Bakit sobrang pabor ang ibinibigay natin sa Tsina?  Pikit-mata tayong kumapit sa napakalaking tubo sa pautang ng Tsina, ibinibigay natin ang bilyong kontrata sa kanila tulad ng kaliwa dum, telekomunikasyon, at paliparan sa Cavite.  At ang pagdami ng Intsik sa bansa natin na nagresulta sa ibat-ibang gulo ang ibinigay.  Puro problema ang ibinibigay ng POGO island, wala na nga trabahador na Filipino ay hindi pa nagbabayad ng mahigit 10 bilyong pisong buwis.

Kapag pinupuna ang Tsina, “Huwag, gigiyerahin tayo”, “Huwag i-ban baka pauwiin ang mga OFW na nasa bansa nila”.   Kung anong tapang magsalita ang Pangulo sa kanyang kababayan, ay siyang tahimik nito sa Tsina na nagsisilbing malaking banta ngayon sa pambansang seguridad ng Pilipinas.  May kasunduan na ba na ang kapalit ng mga inuutang ng administrasyong Duterte sa Tsina ay ang ating mga teritoryo sa West Philippine Sea?  Gaano kalaki na ba ang inutang ng Duterte administration sa Tsina at bakit tahimik ang ating Pangulo sa militarisasyon ng bansang ito sa ating teritoryo at binabalewala ang banta sa ating pambansang seguridad?  Sa totoo lang, sobrang lambot ng puso ng gobyerno sa Tsina.  Kaya lumalakas ang loob ng mga Intsik na gumawa ng mga illegal ay dahil suportado sila ng gobyerno natin.  Kung hindi masusuheto ito, darating ang araw, harap-harapan na nila tayong sasaktan, babastusin at aapak-apakan sa sarili nating bansa.

1 comment:

Anonymous said...

---------------
Mga pabor sa Tsina
• POGO may utang sa tax na 50B hindi sinisingil pero ibang Pinoy na kumpanya gusto ipasara
• Sa panahon ng walang pagkakitaan ang mga Pinoy dahil sa ECQ, POGO mas naunang magbukas para sa mga Chinese labor.
• Mga nahuhuling instik alaga samantalang mga Pinoy kulong, bugbog o patay.
• Intsik na binuhusan ng taho ang security guard sa MRT.
• Mas pinaboran ang mga dayuhang Chinese kesa mga Pinoy dahil tamad daw.