Friday, April 29, 2022

NAKAKALUNGKOT, NAKALULUNGKOT

Ewan ko kung ako lang ba iyung nakakaramdam ng lungkot na sana ay lumaki ako sa ibang probinsya.  Yung nananaghili ako na sana ay naging bata ako sa probinsiya sa norte o Mindanao o Visaya.   Napakaimposible pero gusto ko, sana ay naranasan kong maging bata hindi lang sa isang probinsya kundi sa maraming probinsya nang sabay-sabay sa isang panahon.  Kung pwede nga lang na nasa ibat-ibang lugar ako nung bata pa ako.  Bukod kasi sa mga maberdeng puno at halaman, buhay na kalikasan sa kapaligiran, at simpleng buhay sa probinsiya ay gusto ko rin kasing maranasan kung paano ang maging bata at kabataan sa kanilang lugar.

Nararamdaman ko ito kapag napupunta ako sa malalayong lugar ng probinsiya na may mga bukid at bulubundukin. Ito ang nararamdaman ko nang nagpunta ako sa Bicol, Davao, Benguet, Palawan, Cebu, at kung saan-saan pa at panghuli itong Pampanga. Habang daan sa biyahe ay nakikita ko iyung mga may-kalumaang payak na bahay sa malawak na bakuran sa pag-itan ng mga magkakapit-bahay, sa likuran ay natatanaw ko ang isa pang bahay ng kaanak, mga halaman na nagsisilbing bakod, mga halamang nakatanim sa lata, may bahay sa bukid, at mahabang daanan na hindi pa sementado.  Habang lulan ako sa sasakyan na dinaraanan ang mga ito ay bumabalik sa akin ang alaala nuon panahong bata pa ako kung paano ako naglalaro sa bukirin, magsuot sa mga bakuran ng bahay-bahay, at paglalaboy sa paanan ng bundok sa amin sa Rizal.   Ang mga tanawing ito ngayon sa kasalukuyan ang siya ring tanawin na nakita ko nuong ako ay bata pa na gusto kong balikan pero hindi ko na mababalikan pa kaya nakakaramdam ako ng pagkalungkot.  Mga dating lugar na hindi na kayang balikan na nababalikan ko kapag napupunta ako sa probinsiya.

May hatak sa akin ang mga tanawin sa probinsiya dahil naaaala-ala ko ang pagkakahawig nito sa mga nakita ko nuong bata pa ako. Iyung mga dating bukid na nilalakad ko, mga dayaming nilulundagan ko, tabing-ilog na nilalakad ko, at mga patubigan na nilulusungan ko nuong bata pa ako ay nakikita ko sa panahong ngayon sa probinsiya.  Alam naman natin na pagdating sa modernisasyon ay “nahuhuli” ang mga probinsiya na malayo sa sentro ng Maynila.  Kaya ang mga tao sa lugar na tulad ng kinalakihan ko, na sumabay sa makabagong Maynila ay nagkakaroon ng nostalgia kapag nagpupunta sa mga makalumang probinsiya.  Ang sarap at ang saya kasi ng magbalik-tanaw.

At kung saang probinsiya ako naruruon ay naiisip ko pa iyung mga tao na kilala o nakilala na kahit papaano ay naging malapit sa akin kung paano kaya sila nuon.  Naglalaro sa aking isip kung paano kaya sila nu’ng mga bata pa sila?  Inisip kung ano ang kanilang mga pinagdaanan sa kanilang probinsiya.  At sa pagkamalapit ko sa kanila ay iniisip ko na sana ay naging isang probinsiya na lang kami para naging magkababata o makalugar kami.  At ganun din ang pakiramdam kapag may nakilala ulit na taga-ibang probinsiya.  Dumarating kasi yung pagkakataon na maraming tao kang makikilala mo mula sa ibat-ibang lugar at kapag gumagaan na ang loob mo sa kanila at nagiging kaibigan mo na ay nananaghili ka na sana nakilala mo na sila nuon pa.  At naiisip mo na nung panahon na bata ka pa, "nasaan at ano kaya ang ginagawa nila nun mga panahon na iyon?"  Sana ay naranasan ko rin ang mga ginagawa nila nuong mga panahon na bata pa ako.  Nakakalungkot na hindi ko ito mararanasan at nakalulungkot ang hindi ito maranasan.

Friday, April 15, 2022

SA ITAAS NG LAHAR

Alas-cuatro ng madaling-araw ng isang ordinaryong Linggo ng Marso ay lulan na kami ng sasakyan upang magpunta sa Pampanga na inabot ng may dalawang oras na biyahi mula sa Rizal.  Nais namin mag-visita-Iglesia sa bahaging ito ng norte upang masaksihan ang mga daan-taong bahay-sambahan ng isa sa mga unang umunlad na bayan sa Pilipinas.  Bitbit ang maikling panalangin, ay isa-isa naming dinalaw ang pitong simbahan.  Dinalaw namin ang Apong Macalulu Church (ang Santo Entierro) at Sto. Rosario Church (Pisambang Maragul) sa bayan ng Culiat (Angeles), Metropolitan Cathedral of San Fernando (Our Lady of the Assumption) sa San Fernando, San Antonio de Padua Parish Church sa Lubao, San Guillermo Parish Church sa Bacolor, Betis Church (St. James the Apostle Parish Church) at Immaculate Concepcion Parish Churh sa Guagua.  Nagsimula ng alas-siete ng umaga at nang natapos ang aming pagbisita ay halos alas-once na ng umaga.

Sa aming pag-visita-Iglesias sa Pampanga ay may isang simbahan na talagang kumurot sa aking puso na hanggang sa maka-uwi na kami sa bahay ay nararamdaman ko pa: ang San Guillermo Parish Church sa Bacolor, Pampangga.  Naghatid sa akin ito ng lungkot dahil habang binabaybay pa lamang namin ang daan papasok sa bakuran ng simbahan ay ramdam ko na ang kakaiba nitong hatid na kaba.  Habang tinititigan ko ang kanyang malaking kampanaryo sa unang pagkakataon ay parang nararamdaman ko iyung lapit ko sa itaas at tila abot-kamay ko na ito.  Ang kanyang pintuan sa harapan ay maliit at mababa lamang at ang karugtong na tanggapan ng simbahan ay halos bubong ilang dipa na lang.  Dahil ang totoo, ang mga nakikita ko sa paligid ay mga labi’ na lamang ng simbahan dahil natabunan na ito ng makapal at mataas na lahar mula sa pumutok na Bulkang Pinatubo nuong 1991.  At hindi ko maiwasan ang kilabutan. Samakatuwid, nakatungtong na lamang kami sa itaas ng lahar.  Isipin mo kung gaano kataas ang lahar na rumagasa nuon na ang naiwan sa simbahan ay halos kalahati.  Halos malibing ang simbahan mula sa lahar.  Ang totoo, ang pintuan sa unahan ng simbahan ay dating bintana ng orihinal na istraktura ng simbahan.  Hindi ko lubos-maisip ang takot, sigawan at iyakan ng mga tao nuong araw na iyon ng pagputok ng bulkan.  Isang buong baranggay, bata, matanda, ano mang uri ng tao; nagdudumaling nagtatakbuhan dahil sa rumasagasang lahar, na siguro ay may mga inabot at namatay dahil napaso, nalunod at nalibing na lamang sa makapal na lahar.  Tatlumpung taon ang nakalipas, ang lugar na ito ay abandonado.  Kung anuman ang kasalukuyang nakikita ko ngayon ay dahil bumangon at binuhay muli ng mga tao ang bayan nila.  Ilang talampakan na tumaas ang baryo dahil ang baryo ay nasa itaas ng lahar, dito sila tumayo at nagsimula.  Kaya ang mga nadaanan namin habang binabaybay namin ang daan ay bagong baryo na.  Mahahalata iyun sa mga kalsada at mga bahay na hindi pa kalumaan.  Ang mga bakanteng lupa sa maraming lugar ay puno ng makapal at matataas na damo dahil hindi na siguro binalikan pa ng mga may-ari.

Sa puntong ito ay hindi ko maiwasan ang malungkot dahil may mga kakilala ako ngayon na taga-Pampanga at malapit ang loob ko sa kanila.  Nasaan sila nuon?   Naisip ko na ano ang ginawa nila at paano sila nakaligtas nuong pumutok ang bulkan ng Pinatubo?  Anong hirap ang mga naranasan at kuwento nila ng mga oras na yun?  At darating pala ang panahon na makikilala ko sila, ang mga Nakaligtas ng Bulkang-Pinatubo.

   Ang simbahan ng San Guillermo sa Bacolor Pampangga           


Friday, April 01, 2022

HOUSE TOUR



This house tour was made to show the looks of the house during the times it is new.  This is a quick preview of the would-be concept of the house.

 

The house is combination of contemporary and Zen and design will be minimalist style using black, gray and white theme.