Tuesday, December 29, 2009

KABANATA 5 "MGA KATANGIAN"

(The following is an excerpt from my biography book titled “Sariling Kuwento” (Self Story). Due to confidentiality of the book, an edited version is posted)
==========

PAKIKIPAGKAIBIGAN AT PAKIKIPAGKAPWA-TAO
Tahimik lang akong tao – hindi masalita at mapagpuna sa kapwa at bagay. Hindi ako mareklamo sa mga ibinibigay sa akin. Hindi ako malisyoso at wala akong malisya sa pakikipag kapwa-tao – hindi ako mapag-isip sa kapwa at sa mga nangyayari. Hindi ako mapagduda, mapanghusga, mapanuri at pala-pintas sa mga nakikita at naririnig ko. Para akong bata na walang malisya. Kung nakita ko man ang isang tao sa isang lugar, hindi ko siya pag-iisipan na mayroon siyang ginawang mali at hindi maganda sa lugar na iyon. Kung ikaw ay nagsalita, hindi ako nag-iisip na mayroon ka palang sinadyang pinatutungkulan, tinutuligsa o pinaparatangan sa halip ay itinuturi ko iyon na isang normal na pagsasalita lamang. Hindi ko iyon malalaman kung hindi mo sasabihin. Hindi ko alam kung ano ang malisyoso at may laman na pananalita. Kapag naririnig ko ang nag-uusap, hindi ko iniisip na kapag sinabi ng isa ang isang bagay ay maaaring masama iyon sa isa na maaaring gumanti ng salita. Hindi ko rin pinag-iisipan ng kapintasan, kakulangan at kapangitan ang kapwa ko kaya hindi ko alam na ang salita niya sa akin ay may kahalong ibang ibig sabihin. Kasi buo ang tiwala ko na dahil wala akong gagawin sa kanya ay inaasahan kong wala din siyang gagawin sa akin. Madali akong magtiwala sa kapwa. Madalas akong mapahamak dahil sa labis na pagtitiwala ko sa kapwa. Hindi ko alam na ang mga ginagawa at sinasabi ko ay gagawin niyang kapahamakan ko. Ang madaling magbigay ng tiwala at mabilis na makapagpalagayang-loob ang madalas magbigay sa akin ng kabiguan. Noon ay ipinakita ko sa naging kaibigan ko ang totoong sarili ko pero ginamit iyon upang ipahiya ako. Nagsisi ako kung bakit naging tapat pa ako kung ikasasama at ikasasakit ko lang pala. Dahil sa ugali kong matapat ay naloloko ako.


Lumaki ako na tapat at naging ugali ko na ito hanggang sa pagtanda ko. Totoo akong tao, hindi mapag-kunwari. Hirap ako kapag nagsisinungalin dahil madali akong mahalata at umamin. Kung mayroon man akong mga inililihim ay maliliit na pansariling kasiyahan ko na lamang ang mga iyon. Bahagi ng pagiging totoong tao ko ay ang katotohanan sa aking mga sinasaloob at sinasabi. Ayokong makapanakit ng kapwa sa salita at sa kilos kaya nagpapakahinahon ako sa mga sinasabi at ginagawa. Maaaring masakit sabihin ang katotohanan ngunit ano mang sinabi ko ay walang halong panglilibak, panghuhusga, pagmamaliit, panghihiya, pananakit, at pagtatawa kundi isang walang malisyang pananalita ng sinasaloob ko lamang dahil nga wala akong malisya. May mga kaibigan ako na gusto nilang kuhanin ang aking opinyon sa isang bagay dahil kapag ako daw ang nagsalita ay totoo, walang kinikilingan, at hindi masakit kahit hindi panig sa gusto nila ang nakuha nilang opinyon mula sa akin.


Ugali ko ang pagiging mapag-bigay at mapagparaya. “Hayaan na lang”, “Sige sa yo na lang”. Todo-pasa ang ibig sabihin, tinatanggap na lang ang mga bagay na maganda at masama. Kapag mayroong inaangkin ang isang tao, kaibigan at kapit-bahay ay ipinauubaya ko na lang upang matapos na agad ang pag-uusap o kaya ay upang tumigil na ang taong iyon. Mahirap para sa akin ang sumagot ng “hindi” at “ayoko”. Marami na ang nanloko sa akin na ginamit ang "pagtulong" ko. Kahit ang minahal kong tao noon ay sinamantala ang pagiging bukas-palad ko ngunit ni hindi ko naman naramdaman ang pagpapahalaga sa ginawa ko. Hindi nababayaran ang utang ng loob – ngunit magpakita man lang sana ng kabaitan sa akin at suklian ng kagandahang asal ang kagandahanng loob na ibinigay ko ay masaya na ako. Ako naman, kapag tumulong ay bukal sa loob, hindi ako naghihintay at naghahangad ng kapalit at kabayaran. Anomang ibinibigay ko ay hindi na ako umaasa ng pagbalik liban na lamang kung may pinag-usapan. At hindi ko ugali ang manumbat sa mga ibinibigay at itinutulong ko. Mapagbigay ako sa kaibigan - gusto kong natutuwa at nababaitan sila sa akin. Dahil gusto kong maging mahalaga ako sa kanila.


Madali akong masaktan, madali akong magdamdam ngunit mabilis man akong nagpapaubaya, nagpapasensiya, at nagpapatawad ay matagal naman akong makalimot. Malambot ang puso ko, madali akong mahabag, madali akong lumuha, madali akong makisimpatiya at mahawa ng kalungkutan ng ibang tao. Maawain kasi ako, inuunawa ko at tinatanggap ang bawat pagkakamali ng iba sa akin. Kapag nakakakita ako ng ibon na binabato, o hayop na nasagasaan o sinasaktan ay nasasaktan ang loob ko. Kapag nakakita ako ng malungkot na tao sa pelikula man o sa totoong buhay at nalaman ko ang mabigat na problema ng ibang tao ay apektado agad ang aking damdamin. Malapit ang puso ko sa maliliit, mahihina, at kaawa-awang mga tao kasi tulad din nila ay maliit at ordinaryong tao lang ako. Hindi sa iniaangat ko ang sarili ko ngunit masasabi kong mababa ang loob ko at ayoko ng kayabangan, posisyon, popularidad, at kapangyarihan. Ayokong maging isang pinuno dahil alam kong wala akong kakayahan at katangian ng isang pinuno. Ayoko ng responsibilidad, masaya akong taga-sunod lamang sa isang magaling at mabait na pinuno. Simple lang akong tao, hindi ako magarbo, maimpluwensiya, at mapolitika. Hindi ako makamundong tao. Hindi ako sanay sa gamitan, hindi ako sanay makipaglaro sa laro ng buhay. Hindi ako marunong makipaglaro sa takbo ng mundo. Hindi ako oportunista at sa buong buhay ko ay bihirang-bihira akong manggamit ng taong makapangyarihan, kung nangyari man ay kinakailangan lamang at wala sa aking pagpapasya. Ngunit gusto ko na ang ganito na walang muwang sa mundo dahil ligtas ako sa pagkakasala. Napakaingay, napakagulo, at napakarumi na kasi ng mundo.


KALAKASAN AT KAHINAAN
Isa sa aking mga kalakasan*(*strength) ay ang pagkakaroon ng isang salita. Kapag sinabi ko ang isang bagay ay paninindigan ko iyon hanggang sa huli. Hindi ako nagpapapalit-palit at paiba-iba ng desisyon. Kung magkaroon man ng pagbabago ay sanhi iyon ng nakikita kong nagiging banta sa isang tao na maaapektuhan ng aking unang desisyon. Ngunit ako pa rin ang tao na hindi nagpapa-apekto ng desisyon. Lahat ng desisyon ko ay mula sa akin na aking inako, may nangaling man sa ibang tao ngunit kapag tinanggap ko na iyon ay iyon na ang aking saloobin.


Paninindigan. Ano man ang mabuo kong desisyon – paninindigan ko iyon. Dahil masarap ipaglaban ang sariling paniniwala. Nagkamali man ang aking naging desisyon ay hindi ako mahihiya. Maiwan man akong isang bigo ay naroroon naman ang aking paninindigan. Ang gagawin ko ay kukuhanin ko ang aral na napulot mula sa aking maling desisyon.


Masasabi ko na isa kong kalakasan ang pagkakaroon ng masidhing paniniwala. Kung ako ay naniniwala sa isang bagay ay pinangangatawanan ko ito ng buong puso, mapa-relihon at personal man. Malakas ang pananalig ko sa Diyos kahit hindi ako isang relihiyosong tao.


Matiisin akong tao. Matiisin ako kahit nahihirapan na. Kung sa sukatan sa tagal ng kayang tiisin ay matibay ang aking dibdib sa pagtitiis sa paghihintay, pagtitiis sa kainipan, at pagtitiis sa pagtitimpi. Maraming beses na akong nagtiis at gusto kong sumuko ngunit dahil sa masidhi kong kagustuhan ay tinitiis ko ang pagkainip. Iniiiyak ko ang nararamdaman kong kainipan ngunit ang pagsuko ay malayo kong ginagawa.


Ngunit ang una kong masasabing kahinaan*(*weakness) ay ang pagkamaawain. Kapag ang isang tao ay nagmakaawa ay nahihirapan kong magawa na hindi siya kaawaan. Madali rin akong lokohin. Madaling maapektuhan ang emosyonal na damdamin ko. Madali akong maapektuhan kung ano ang mga nangyayari sa paligid dala ng aking pagiging sensitibo. Ngunit, kapag nagbuo na ako ng isang desisyon ay ganap na iyon, magbago man ay sanhi na iyon ng malaking usapan at masinsinang kunsiderasyon.


Isa sa aking mga kahinaan ay ang hindi ko magawang maging magaling sa ano mang napili kong bagay na pasukin. Marami na akong pinuntahan ngunit wala akong masasabi na naging magaling ako kahit ginagawa ko ang lahat upang maging magaling ako. Wala pa akong napapatunayan. Unang-una na sa pag-aaral, hindi ko kaylan man nagawa ang maging unang-una sa katalinuhan. Mula sa elementarya hanggang sa magkolehiyo ay hindi ako nakakaranas na umakyat sa entablado upang sabitan ng medalya dahil sa pagiging matalino. Masasabi kong naging masipag akong mag-aaral at nakitaan ako ng katalinuhan simula subalit hindi sapat para makasama ako sa nangungunang sampung matatalinong mag-aaral.


Sinubukan ko ang mag-aral ng pagtugtog ng gitara ngunit hindi ko iyon natutunan. Isa ako sa mabilis tumakbo nung ako ay isang bata pa ngunit hindi ako ang pinakamabilis. Kahit sa paglangoy ay hindi ako isang magaling sa tubig. Naging libangan ko noong bata ako ang pag-guhit subalit hindi ko nagawang palawigin pa ang aking kaalaman tulad ng pag-guhit ng parang totoo, pagpapaganda ng mga detalye, at pag-gamit ng mga linya at kulay. Nagtrabaho ako sa ilang bangko subalit hindi ko masasabi na nakamit ko ang tugatog ng aking karera dahil wala akong natanggap man lamang ng kahit isang parangal sa aking pagtratrabaho. Masipag at matiyaga naman ako, pero di ko masasabi na may napatunayan akong kagalingan at tagumpay sa aking pagtratrabaho. Nagsubok din ako ng Sining ng Pakikipaglaban*(*martial arts) pero hindi ko narating ang pinakamataas na kulay at hindi ako naging magaling sa larangang ito.


Ang lahat ng ito ay natututunan ko, mabilis man o matagal. Umaabot ako sa potensiyal na may mararating subalit hanggang doon lamang ako. Hindi ako humihigit upang mapabilang at mailuklok sa pedestal bilang isang magaling sa ano mang bagay na aking ginawa, bagay na ikinalulungkot ko. Kahit sa pagsusulat na siyang pinakagusto kong ginagawa – minsan na akong sumali sa isang prestihiyosong patimpalak sa pagsusulat ngunit hindi ko nakuha ang titulo. Subalit magkaganon man, masasabi kong ang pagsali ko sa Gintong Carlos Palanca ay isa sa mga magagandang pangyayari sa aking buhay-pagsusulat.


Isa pa sa aking kahinaan ay ang kawalan ko ng kakayahan na makipag-usap ng may lubos na pang-unawa, walang pag-aalinlangan, at katanungan. Sa aking pakikipag-usap, madalas na ako ay taga-pakinig at kinukuha ko lamang ang mga naririnig ko. Hindi ako makapag-salita bilang tugon sa aking narinig kung may puna o may suhestiyon. Ang nangyayari ay kapag mayroon akong nalaman na kailangan kong linawin ay tapos na ang nagsasalita subalit sa oras ng pagsasalita niya ay hindi ko nakikita ang mga tanong na dapat linawin o kamalian na dapat baguhin. Marahil, ito ay dahil sa kawalan ko ng malisya sa mga bagay-bagay.


PAGKATAO
Tahimik lang talaga ang pagkatao ko pero masayahin at madali akong matawa. Pala-biro ako sa mga taong malalapit sa akin. Prangka ako pero itinataon ko sa mga oras at lugar. Sa kabila ng kaprangkahan na iyon ay wala naman akong hangad na makasakit at ito rin ang dahilan kung bakit hindi ako mapagtanim ng galit. Kung may nagalit man sa akin ay iilan lang at malamang na hindi personal ang dahilan. Kahit sensitibo akong tao ay hindi naman ako madalas masaktan sa mga biruan. Dala ng aking pagiging sensitibo, madali man akong masaktan sa mga personal na biro ay matagal naman ako bago magalit. Madali rin naman akong magpatawad pero mahirap lumimot.


Tahimik lang kapag galit ako dahil takot akong makapagsalita o makagawa ng makakasakit sa tao. Napipigilan ko ang sarili ko kapag nasa ganoong sitwasyon. Naiisip ko ang anomang sakit na maidudulot niyon.


Masasabi kong marunong akong makisama. Sa tagal kong namasukan sa sariling bayan at sa ibang bansa at sa pag-tigil sa isang bahay na maraming nanunuluyan na ibat-iba ang ugali ay wala akong naka-away. Mayroon mangilan-ngilang naka-samaaan ng loob pero naayos ko iyon bago lumaki. Kahit sa aking mga kapit-bahay na nakasama ko noon sa aking araw-araw na buhay noong nasa sariling bayan ko ako ay wala ni isa ang aking nakasalungat bagkus ay nakakatanggap ako ng kanilang mga personal na papuri.


Likas sa akin ang kasipagan. Noong nasa elementarya ako ay napili akong Ulirang Bata sa Kasipagan. Maayos ako sa gamit at sa bahay. Ayoko ng marumi at magulo sa mga gamit at sa bahay. Lalong-lao na ang palikuran at silid-tulugan. Gusto ko ng tahimik, mataas, maluwag, at maaliwalas na bahay. Ayoko ng maraming kulay na nakikita sa loob ng bahay dahil naiinitan, nasisikipan, at nadidiliman ako. Gusto ko ng malalamig na kulay tulad ng azul, puti at mga katulad nito.


Hanggat makakaya ko ay pinananatili ko ang pagiging organisado sa aking mga gamit. Ayoko ng lukot na papeles, hindi ako nagtutupi ng papeles na ipapasa sa isang tanggapan. Hanggang maaari ay pinipilit kong i-ayos ang aking mga gamit – sunod-sunod at naaayon sa uri. Nasa numero ang maraming bagay na alam kong hindi iyon maganda pero kahit papaano ay ginagawa ko para maayos at maganda ang kabuuan.


MGA GUSTO AT DISGUSTO
Hindi ako interesado na pag-usapan ang politika, sasakyan, teknolohiya, baril at mga larong pangpalakasan. Ayokong sumunod sa mga pamahiin dahil hindi ako naniniwala dito. Ngunit may mga sitwasyon na nagpapatianod ako dahil hinihingi ng pagkakataon, pakikisama, maaaring iniuutos sa akin ng mas nakatataas sa akin o kaya ay ng mas nakararami. Ngunit sa pangsarili kong desisyon ay hindi ako sumusunod doon dahil karamihan sa mga pamahiin ay nakakasagabal sa tuloy-tuloy na pamumuhay, bukod pa sa ang mga karamihan nito ay hindi na praktikal.


Ayoko rin ng anomang anyo ng pag-susugal. Ayokong magpahiram ng pera nang may kasamang tubo*(*interest) kapag ibinalik ng nanghiram. Kasi naniniwala ako na kaya siya nanghiram ay nagipit siya – ayokong samantalahin ang kanyang kagipitan. Kahit ang kapalit ay sa pamamag-itan ng mga gamit. Ayoko ng alak, sigarilyo, at pagmumura. Ayoko ng pabango, alahas, electronics gadgets at iba pang luho.


Ayoko ng madaliang-kita*(*easy money). Kahit kailan ay hindi ako nasilaw sa mga naglilipanang panawagan ng paglalagak ng pera na lalaki ng doble o kaya ay triple kapag ipinasok sa tinatawag na “networking”. At hindi ako mapalad na mag-wagi na makakuha ng pa-premyo sa mga palaro o sapalaran*(*contest). Siguro ay kailangan ko talagang paghirapan at pagpaguran ang aking magiging kayamanan.


Ang mga okasyon na Bagong Taon, Pasko at Kaarawan ko ay ayaw ko. Dahil sa mga panahon na iyon ay ramdam na ramdam ko ang aking kabiguan at kasiraan. Ang Pasko ay para sa pamilya na kabiguan kong magkaroon. Habang nararamdaman ko ang kasiyahan ng mga kaibigan ko sa Saudi Arabia na maka-usap at makita ang kanilang asawa at mga anak, nararamdaman ko ang kanilang kasabikan at nararamdamang tuwa kapag nakausap ang kanyang pamilya – ako nama’y ramdam na ramdam ko ang katayuan ng nag-iisa at bigo. Taon-taon ko itong paulit-ulit na nararamdaman - masakit. May Pasko na umiiyak ako dahil habang ang mga kaibigan, kakilala at kasama ko ay kausap ang kanilang minanahal, ako ay nasa isang sulok ng madilim na kuwarto ko – nasasaktan, ramdam ko ang isang bigo dahil wala akong asawa at mga anak na minamahal at nagmamahal.


Kapag sumasasapit ang aking kaarawan ay nararamdaman ko lang ang isa na namang taon ng kabiguan ang nadagdag sa akin. Kasi ay hindi ko pa nakakamit ang aking mga pangarap, kasiyahan at ang Katotohanan. Ang gusto ko ay ang kaarawan ng aking mga mahal sa buhay at kaibigan. Dahil kapag kaarawan nila ay naipapadama ko sa kanila kung gaano sila kahalaga at kailangan ko. Doon ko naipapakita na isa akong mabuting kasama, kakilala at kaibigan.


Ang gusto kong okasyon ay ang Mahal na Araw dahil sa mga panahon na iyon ay nakakapagnilay-nilay ako. Sa panahon na iyon ako nakakapag-isip ng aking mga kasalanan, kabiguan, at mga dapat kong gawin. Kapag Mahal na Araw kasi ay napaka-banal at tahimik ng paligid – bagay sa aking pagmumuni-muni. Ayaw na ayaw ko ng Araw ng mga Puso dahil ang araw na ito ay para sa may mga kasama na magpaparamdam ng init ng pagmamahal.


Ayoko sa isang tao ang mayabang, maarte at walang isang salita, natatanggap ko pa ang isang suplado, madaldal at pakialamero. Malilimutan ko ang pangloloko sa akin, pero ang gawin akong kahiya-hiya, ginagawa akong parang tanga, pinaglalaruan, at pinagsasamantalahan ay mahihirapan kong ipagwalang-bahala. Isa sa pinaka-ayaw ko ay ang pabago-bago ng desisyon at hindi tumutupad sa pinag-usapan – yung walang isang salita. Gusto ko ang dagat, ilog at lawa dahil napapalapit ako sa Kalikasan. Gusto ko rin ang maging isang ibon dahil gusto kong makalipad. Gusto kong makalapit sa langit upang mapalapit sa tahanan ng Diyos.


Mahilig ako sa mga programa sa telebisyon na tungkol sa unahan sa pagsagot sa mga katanungan na sumusukat kung gaano katalino ang isang kalahok. Mga katanungan tungkol sa natutuhan sa paaralan, tungkol sa pangkalahatang impormasyon*(*general information), at praktikal na kaalaman. Samantala, kung mayroong tinatawag na makina upang makabalik sa nakaraan, gusto kong magpunta sa taon nang pag-uusig kay Hesus Kristo. Gusto kong makita ang uri ng pamumuhay ng mga tao nang panahon na iyon, masaksihan ang bagay na itinuturi na mahalagang bagay ngayon. Gusto kong masaksihan ang mga bahay na gawa sa putik, ang mga pang-araw-araw na pangangailangan nila sa mga pamilihan at ang hisura ng bundok, dagat at siyudad. Gusto ko ring makita ang panahon nung may mga hari at reyna na nakasuot ng magagarang damit at alahas, mga palasyong naglalakihan at nagtataasan, at ang mga tauhan nilang nakasuot ng makukulay at pare-parehong damit na ang paraan ng transportasyon ay ang mga kabayo at karwahe. Pati ang hitsura ng mga ordinaryong mamamayan at ng kanilang hanap-buhay. Gusto ko ring makita ang panahon nang ang Pilipinas ay nasa ilalalim ng pamamahala ng mga Kastila at ang lumang Maynila. Gusto kong balikan ang panahon nang ang aking bayang Angono ay tatatlo pa lamang ang baryo.


Ngunit kahit sumasagi sa isip ko ang magbalik sa nakaraan, ayokong mabuhay sa panahon ng mga barbaro na ang sukatan ng pagkalalaki at ang karangalan ay ang pagtatagisan ng lakas ng mga kalalakihan para siyang maging pinakamalakas at pinakamagaling na lalaki. Yung panahon ng mga Hari at Reyna, Prinsipe at Prinsesa na ang kalalakihan ay nagpapaligsahan upang siyang mapili at tanghaling pinakamagiting na mandirigma o ang pinakamalakas na lalaki.


SARILING KUWENTO
By Alex V. Villamayor
November 30, 2009
Thoqbah, KSA

No comments: