Alas dos ng madaling araw, nasa lansangan pa ang mga batang ito – nagkukuwentuhan, inabot ng ganitong oras? Kung hindi lang ako inabot ng siyam-siyam sa trabaho ko, pero itong mga batang ito, alangan namang gabi-gabi na lang ay inaabot ng siyam-siyam sa lansangan. Pero ito lang kaya ang mga nasa lansangan? Nang maglakad-lakad pa ako, meron pa pala: mga kabataang kagagaling lang sa inuman, mga teenager na galing sa panliligaw, mga kolehiyalang inumaga sa birthday party o sayawan. Teka muna, Martes ngayon ah, may pasok kahapon at dahil madaling araw na ay mamaya lang ay may pasok na sila. Paano na ang pag-aaral ng mga batang ito? Paano nila makakabisa ang mga tula ni Shakespeare, mga formula sa Physics, Algebra at Chemistry? Paano pa nila mauunawaan ang pagbabasa ng Noli Me Tangere kung pagod na sila – ang hirap nu’n hah! Ganito ba sila araw-araw? Nag-isip ako kung ano ang mangyayari sa mga ito? Biglaan ang pangyayari tulad ng pagkakaabot ko ng siyam-siyam sa trabaho kaya ako ginabi ay nakaramdam ako ng biglaang pag-aalala sa nangyayari. Tinanong ko ang sarili ko kung ganito na ba ang nangyayari ngayon? Dinala ko hanggang sa pagtulog ang mga tagpong nakita ko. Walang duda, kaya marami ang hindi nakakatapos ng pag-aaral, nakapag-asawa ng wala sa oras at mga napapahamak. Gusto ko silang kilalanin. Kaya isang araw ng Sabado ay hinanap ko sila. Binaybay ko ang kahabaan ng EDSA mula Cubao papuntang Pasay. Marami pala sila, hindi lang pala noong isang gabi na nakita ko. Kahit sa umaga ay makikita mo sila. Namamasyal na mga estudyante sa soot na uniporme at mga magkasintahan na naglalakad sa ilalim ng sikat ng araw. At hindi lang sila. May mga marurusing at payat na paslit na tumutunghad sa bawat nakakasalubong at kumakatok sa salamin ng mga sasakyan para manglimos. Paano mo matutulungan ang mga ito? Limusan mo ay pinawiwili mo lang sila sa kaunting halagang nagpapalapit sa kanila sa kapamahakan habang pinakikinabangan ng sindikato. Mayroon ditong galing sa DSWD at bahay ampunan na tumakas kaya paano mo sila ibabalik kung pinili na nila ang lugar na ito? Kupkupin? Nangiti ako. Maya-maya’y nakita ko ang mga grupo ng kung tawagin ay solvent boys. Makikilala mo sila sa iisang gawi: may tangan ang isang kamay at tila vaporizing rub na sinisinghot-singhot ang rugby na binalot sa laylayan ng t-shirt na soot. Mahal kasi ang budget meal ng mga fast food stores samantalang ito, halagang limang piso lamang ay kaya mo ng magtanghalian hanggang hapunan. Paanadar kung nalulungkot at nangungulila. Bakit kaya napabayaan ng mga magulang ang mga batang ito? Hindi ko alam kung matutuwa ako o maawa sa mga batang nakita kong naghahanap-buhay. Napakabata pa nila upang magtrabaho. Gusto ba nilang tumulong sa pamilya nila o pinagtrabaho talaga sila nang pamilya nila? Bukal ba sa loob nila o mas gusto nila ang karaniwang batang naglalaro na lang. Child labor: batang magsa-sampaguita, nagtitinda ng plastic bag sa bukana ng palengke, nagtitinda ng diyaryo, kendi at sigarilyo. Mas malakasan kung hahabulin mo ang mga sasakyan. Pero mas nahabag ako sa isang batang lalaki na nakahiga – natutulog sa ilalim ng hagdan ng overpass. Nasisinghot na nito ang alikabok at usok na inililipad ng mga nagdaraang sasakyan at mga lupang tumatalsik mula sa mga sapatos, tsinelas at bakya nag mga naglalakad. Napakarusing na bata, bahid-bahid ng grasa at putik ang leeg, braso, binti at ang tagni-tagning may mga butas na maruming damit. Nangangapal na kalyo sa maruming talampakan at palad, sunog na balat, gusot ang makapal na buhok at maiitim na dulo ng mga kuko. Katabi ang kalawanging lata, sisidlan ng barya. Sa may ulunan ay ang kaing na tapunan ng basura. Sa may paanan na di kalayuan ay mapanghi ang inaagusan ng natuyong ihi sa pader, namamasa ang daanan papunta sa bata. Sa pangingilan-ngilang pagsilid ng barya sa lata ay nililipad ng kalansing ang mga langaw na palipat-lipat at muling dadapo ang isa pa sa iba pang bahagi ng katawan ng bata. Wala akong pakialam kung tauhan ito ng sindikato o pinagtatrabaho ng magulang, madrasta, tiyuhin o ng kaanak. Itinigil ko ang kotse at bumaba upang basta isilid sa lata ang nakabungkos na perang papel. At kusa sinalat ko ang leeg ng bata, tama ang aking hinala – may sinat ang bata. Hindi ko alam kung magkano ang pakikinabangan sa akin ng mga tao sa likod ng batang ito. Sana’y hindi, sana’y huwag. Pagkuway bumalik na ako sa sasakyan at umalis. Malayo na ay dama ko pa rin ang awa sa batang pulubi. Kaya hindi ko namalayang narating ko na ang bahagi ng Avenida Avenue upang tumambad sa akin ang pinakamatandang propesyon sa buong mundo. Ngunit ang mas masakit ay ang mga mas bata na itong nagkakalakal. “Sir, short time lang.” Ngayon, paano sasabihing ang kabataan ang pag-asa ng bayan? Dahil bukod dito ay nakahayag sa aking kaalam ang katotoohan sa kanila. Iresponsable, puro kasiyahan, gumon sa layaw at luho, barkadahan, sex, bisyo, alcohol at droga. Nasaaan na ang pag-asa ng bayan? Wala na yatang susunod sa yapak ni Jose Rizal. Sa karunungan, pananaw, kilos at pagmamahal sa bayan. Wala na yatang lilitaw na heto ang bagong Rizal. Unang-una ay hindi ako. Dahil hindi naman ako matalino pero masipag ako. Nagmamahal sa bayan pero hindi ko maipamalas. Naitanong ko sa sarili ko, ito ba ang papalit kay Rizal? Mga kabataang walang malasakit sa buhay at may mababaw na pananaw. Tingnan mo ang ayos nila: kulay matingkad na dilaw, pula o maliwanag na berde ang pananamit, mag-kaiba ang malaki sa paa na sapatos, buhok na kinulayan, kukong iba-iba ang kulay, katawang may tattoo at hikaw sa ilong, kilay, dila at pusod – lalaki man o babae. Isipin mo na lang ang hitsura ng kung magkakaroon ng bagong bayani sa taong 2050. Tumambad sa akin ang katauhan ng kabataan. Nabuo ang isang replica kung ano ang kalagayan niya. Nasaan ang sinabi ni Rizal na nasa kabataan ang pag-asa ng bayan? Gusto kong umasa, gusto kong maniwala na may pag-asa. Sinulat sa libro at balita ang kalagayan ng child exploitation, nailarawan ng makulay. Sa nakababasa ay tumimo sa puso ang mainit na mensahe. Kung paano isinulat ni Rizal ang kalagayan ng mga Pilipino ay nakukuha ang puso ng bawat nakababasa. Marami na akong nabasang akda. Hindi ko man piliti’y dinidibdib ko ang mensahe dahil sa pagkakalahad. Nagsusulat ng sariling kuwento sa bali-balintong na balarila. Hindi madaling maunawaan ang ginagamit na salita sa napakaimposibleng kalagayan: “Natutulog ng nakadilat sa bahay ng pagong: Maraming magaling na manunulat. Dahil marami ang dapat isulat. Subalit marami pa sa mga kabataan ang hindi kayang mahalin ito. Isang nakababagot na daybersiyon. Sa halip ay nahaling sa ligayang hatid ng layaw at kamunduhan. Ang panghalina ng bawal na gamot, umaakit sa kahinaan ng mapusok na pag-iisip ng mga kabataan. Pakiramdam ko ay binuhay ang katauhan ni Kapitan Santiago na nalulong sa pang-akit ng opiyo. Minana ng kanyang mga anak na ating “Kaibigang namumungay ang mata dahil sa usok na hindi ibinuga. Naglalakad ng mag-isa at nagsasalita, nabangga sa poste sa malawak na daan. Sa tanghaling tapat ay nakakita ng buwan. Ang langaw na dumapo sa harap niya ay kinausap at natulala. Tanungin mo siya at iisa ang sinasabi. Upang ang pangit maging maganda. Kumikislap na ilaw – oh, kay gandang tingnan. Kawawang kaibigan, alas na tinira itinodo ng lahat – tumirik ang mata…” Ang nasobrahan – kitang-kita sa mata. Pusher, maawa ka! Marami pa silang gagawing bata. Na palalakihing hindi tulad mo. Sayang ang bawat isang nasira ang bukas dahil sa iyo. Kahalintulad nila ang isang Kabesang Tales na inagawan ng lupang tanging kanilang yaman. Ang lupain ang kanilang hinaharap. Tatamnam ng halamang pag-asa, aanihin sa kinabukasan. Ang lupa ang yaman, ang yaman ay pangarap, ang lupa ang kinabukasan. Ang pangarap ay kinabukasan. Ang mga buwaya, tumataba sa bawat inihuhulog na buwis. Gusto kong tulungan si Kapitan Santiago dahil siya’y payat na payat na at nanghihina na ngunit siya’y nakadikit sa libro. Siya’y isang kuwento ng isang epecktibong manunulat. Wari ay karugtong lamang ng ngayon ang nangyayari mula sa kuwento. Nabuhay sa akin ang isang Sisa, isang Padre Damaso, ang isang Donya Victorina, Pilosopong Tasyo at Elias. Ang Bapor Tabo ay patuloy na maglalakbay – palalakarin ng mga kabataan. Ang ikauunlad ng bayan ay manggagaling sa mga dinaanan ng bapor. Ang kasaganahan ay pagsasaluhan sa isang piging na handog ni Kapitan Santiago. Sa gabing ito ng pagsasalo-salo ay maraming panauhin. Naroon ang kawalang pag-asa ng nakalatag na kadiliman. Ang madilim na nakaraan na bumabalot sa hininga ng ngayon. Walang pag-unlad. Ang malawak na dilim na tumatalukbong sa atin, ang itim na langit ay nalulungkot sa sinapit ng ating bayan. Subalit may umaga. Ang pangako ng pagsikat ng bukang liwayway. Ang dati kong kalaro, ang sabi’y isang aktibista. Hindi madaling maniwala dahil ang pagkakakilala ko sa kanya ay isang lampa at iyaking kalaro. Pero dito sa salo-salong ito ay pinatunayan niyang buo ang kumpiyansa sa sarili. May kakayahang mamuno. Ako’y isang tagasunod lamang at ang humawak ng isang grupo ay malayo kong magampanan. Ang pukawin ang damdamin ng isang tagapakinig lalo na kung mapaniwala at mahikayat ay isang bagay na hindi ko magawang palawigin sa aking kakayahan. Subalit ang dati kong kalaro, nangunguna sa pagbatikos sa sistemang edukasyon para sa ikauunlad nito. Ang sabi niya, marami pa raw ang tulad niya subalit parang hindi ko makita. Naala-ala ko yung usapin sa magna-carta. Ang alam ko ay marami ang walang pasok noong ito ay talakayin sa kapulungan ngunit hindi ko alam kung marami ang nakialam na mga estudyante dito noong ito ay talakayin. Dahil ang tingin ko sa mga kabataan ngayon ay walang interes sa mga social at economic issue at sa pambansang suliranin. Walang malasakit at pakialam sa paligid, mas pinag-uukulan ng panahon ang kaganapan sa mga artista at pagsubaybay sa mga kasaysayan ni Xerex. Mas naglalaan ng panahon sa mga kasaiyahan at pagtatalik. Mahirap isa-isang tabi ang nararamdamang pag-ibig sa iyong minamahal tulad ng pagmamahal ni Rizal sa Inang Bayan. At nagmahal din si Ibarra kay Maria Clara na inilarawang may malinis na pagmamahalan. Mahal din ng aking kalaro ang Inang Bayan kaya niya nagawa ang pakikipaglaban ng ideya at prinsipyo niyang nalalaman. Alam kong nakuba ang kanyang mga magulang sa pagpapaaral sa kanya kung kaya marahil naihayag niya ang damdaming sumakal sa kanila upang maging isang aktibista daw ang tulad niya. Ako, kailan ko kaya maipapakita ang pagmamahal sa bayan? Takot o hiya, hindi ko maamin. Mabuti na lang at may mga taong katulad ng dati kong kalaro na nagtataguyod ng sariling paniniwala. Isinasalita at isinasagawa ang alab ng puso na sa dibdib ay buhay. Nakikipaglaban ng dahil sa paniniwala at handang mamatay ng dahil sa kanyang bansa. Lumipas man ang kanyang kabataan ay masasabi niyang may nagawa siya para sa ibang tao, para sa nakararami. Ang bayanihan – lumalabas na ugali ng tunay na Pilipino sa mga pagkakataon ng paghihirap. Ang pakikiramay. Nakita ko ito nang pumutok ang bulkan ng Bundok Pinatubo, nang magkaroon ng pag-baha sa Ormoc, nang lumindol ng intensity 6 sa Baguio, nang lumubog ang isang barko. Nakakalungkot dahil mas madalas ay sa trahedya nagaganap ang damayan. Kailangan pa bang maganap ang paghihirap bago makiramay? Bakit hindi natin gawin ang nararapat bago pa man maganap ang hindi inaasahan? Ang Katipunan na itinatag ng mga Katipunero ay paghahanda na rin sa komunikasyon ng himagsikan. Sandaang taon na mula nang makalaya tayo sa kamay ng mga Kastila subalit may laya na ba tayong pumili ng ating gustong buhay? Sandaang taon na mula noon, nakapaglalakad na ba tayo ng taas ang noo? Marahil ay oo, ikaw at ako – pero sila, ano na ang kalagayan ng mga overseas contract workers natin? Nakakahinga pa ba sila bilang tao? Tao pa ba sila kung tratuhin ng kinikilala nating kapwa natin tao? Silang mga itinuring na mga bagong bayani. Masarap kilalaning bayani, subalit may hihigit pa ba ang manirahan sa sariling bayan? Kahit na dito sa sarili mong lupa ay alipin ka pa rin. Hindi ba’t ikaw at ako ay dayuhan dito sa sariling bayan? Ang totoo ay hindi mga Pilipino ang “naghahari” sa Pilipinas. Ang mga Pilipino ay ang mga manggagawa ng mga dayuhan. Bakit nagkaganito? Bakit ang mga magsasaka ang taga banat ng buto at taga taktak ng pawis at dugo para sa may ari ng lupa? Bakit hindi ang mga Pilipino nag nagmamay-ari ng halos lahat ng lupa sa kanyang bayan? At ang masakit ay bakit hindi siya ang nakakariwasa? Dahil likas sa atin ang mag-estima sa bisita ng labis. Dahil likas sa atin ang pakikiharap ng higit sa mabuti sa ating mga bisita. O dahil kaya kinupkop tayo ng ibang tao sa loob ng may tatlong daang taon kung kaya tayo nagkaganito? Takot o hiya o matiisin, pare-parehong hindi nararapat. Hindi ko alam kung minana natin ang ugaling ito sa ating mga ninuno ang pagiging matiisin. Ngunit isang daang taon na mula noon, ano na ang nagawa nito sa akin? O mas dapat siguro na itanong ay kung ano na ang nagawa natin dito? Nalaman ko na ang kahalagahan ng sentinaryo sa buhay ko, sa buhay natin. Nabigyan ako nito ng lakas ng loob na nagagamit ko sa pang-araw-araw na buhay. Kung ang bawat isa ay mayroong ganitong pananaw, siguro’y makapaglalakad ang bawat isa sa atin ng taas ang noo kahit nasa ibang bayan. May lakas ng loob, may tiwala at may kakayahang ipagtanggol ang sarili. Iwawagayway ang watawat, itataas ang malinis na noo. Sana isang araw, magising na lang ako na ang bawat isa ay may pagmamahal sa Diyos, sa bayan, sa kapwa at sa kalikasan upang sa gayon ay magkaroon siya ng diwang maka-Diyos, maka-bayan, maka-tao at maka-kalikasan na siyang ituturo sa mga bagong sibol. Sana’y lingapin ng kabataan mula sa kanyang kasaysayan ng sariling lahi ang diwa ng pagka-Pilipino sa isip, sa salita at sa gawa. Dito sa salu-salo nakakita ako ng paraiso – ang tagapagtaguyod ng kapaligiran, tagapagtaguyod sa kagalingan at kaligtasan ng kapaligiran. Naghihingalo ang ilog na pinamangkaan ng mga kabataan noong unang panahon. Nalalason ang tubig ng dagat at ang mga nilalang dito. Nawawala ang yamang dagat. Sa katotohanan ay natatakot ako tuwing matatanaw ko ang bundok na wala ng mga punong kahoy. Namamatay ang kalikasan at ang kayamanang lupa. Ligtas pa ba ang hanging nilalanghap ng bawat isa? Kailangan ng mangangalaga sa may sakit, kukumutan ang giniginaw na may sinat na katawan, ipaghehele ng dalisay na hangin sa ilalim ng makapal na lilim ng punong-kahoy. Ang sariwang tubig ay sapat upang mabuhay sa katumbas na tatlong araw ng kanin at prutas. Ang may sakit, kailangan ng manggagamot, dinalaw ng mga doctors to the barrio ang kanugnugang kinararatayan ng may sakit. Ang mga bagong manggagamot matapos malathala sa mga pahayagan ang kanilang mga pangalan ay nanumpa. Sinimulan nila ang sinumpaang tungkulin sa paglilingkod sa mga mahihirap. Ang unang pasyente ni Rizal ay ang kanyang ina. Ang totoong paglilingkod ay walang hinahangad na kapalit. Ang mga bagong manggagamot na ipinadala sa mga barrio na sa halip na magbukas ng sariling klinika, maglingkod sa mga malalaking pribadong pagamutan, o magpunta sa ibang bansa na mas malaki ang kabayarang salapi ay naririto sa lugar na kung saan ang mga pambayad sa serbisyo ay pasasalamat, mga gulay at isda. Ang bawat isa ay makakatulong sa kapwa kahit anong oras at paraan. Hindi kailangang nasa posisyong opisyal upang makatulong. Hindi halal na mamamayan si Rizal nang tumulong sa bayan ngunit napakalaki ng nagawa niya. Hindi rin halal na tao ang ating mga ninuno ngunit may nagawa sila. At kayang-kaya itong gawin ng bawat isa sa atin. Dahil buhay sa bawat Pilipino ang isang Rizal na dapat tularan. Ang nais niyang kasaganahan ay para sa lahat. Isang magandang kabuhayan ang mabuhay sa malayang bayan. Iyan si Rizal, hindi lang kasaysayan kundi isang diwa. Maaring wala sa iisang tao ang lahat ng katangian niya subalit ang bawat isa ay nagtataglay ng kahit isa niyang katangian. Ang mga doctors to the bario, ang mga pulis, mga guro, metro aids at basurero, tsuper, sastre at modista, mga katulong, ang mga overseas contract workers, magsasaka, mangingisda, kartero, karpintgero, arkitekto at inhinyero, negosyante, abogado, mangangalakal, piloto, mga manunulat, empleyado, ang mga batang manggagawa, ang mga “puta”, artista at mang-aawit, mula baranggay tanod hanggang pangulo ng republika, lahat sila ay isang dakila katulad ng isang Francisco Dagohoy, ng isang Miguel Malvar, ni Graciano Lopez-Jaena, ni Melchora Aquino, Macario Sakay, Emilio Jacinto, Antonio at Juan Luna, Marcelo at Gregorio del Pilar, Lapu-lapu, Andres Bonifacio, Felipe San Agoncillo, Jose Abad Santos, Apolinario Mabini, ang Gomburza, Emilio Aguinaldo, Ninoy Aquino at Jose’ Rizal. Uulitin lang ng ngayon ang kahapon. Wala mang bagong Rizal ngunit siya’y buhay na buhay sa bawat isa sa atin. Sapagkat si Rizal ang mga batang nagtratrabahong katulad ni Crispin na naglilinis sa simbahan, mga batang sabik maglaro tulad ng pagpapalipad ni Pepe ng saranggola, panghuhuli ng tutubi, at paglalaro ng patintero at tumbang preso. Siya ang kabataang aliw sa paglalaro ng basketball, pagpunta sa mga sayawan at kainan, mga teenagers na nanggaling sa panliligaw ngunit may panahon na ginugugol sa pag-aaral. Siya rin ang mga batang palaboy. Maaring siya rin ang mga natukso sa droga, sa alak at bisyo habang siya’y pinapatay sa Bagumbayan. Si Rizal ay ang manggagawang Pilipino ng mga dayuhang kapitalista na sa kabila ng sitwasyong ito ay may dangal pa rin sa marangal na hanap-buhay. Si Rizal ay ang dati ko ring kalaro na nakipaglaban ng karapatan. Si Rizal ay ang mga nagmamahal sa kalikasan, ang nagtataguyod ng kalinangan at kagalingan ng kultura at sariling sining. Ang mga nagmamahal sa panitikan, mga manunulat at peryodistang naglalahad ng katotohanan at nagtataglay ng prinsipyo ng responsableng manunulat. Si Rizal din ako na isang pangkaraniwang estudyante at mamamayan. Nagsusulat ngunit walang bumabasa. Gumuguhit ng larawan sa pansariling kakayahan. Nagsasalita ng sarili ang tagapakinig. Nagmamahal sa bayan kahit hindi lubusan. Tahimik at mahiyain ngunit puno ng pangarap. Pangarap para sa bayan na idinadaan sa panalangin dahil hindi ko kayang isagawa lahat-lahat. Si Rizal ang kahapon at ngayon ng malayang Luzon, malayang Visaya, malayang Mindanao at ng malayang Pilipino mula noon nang tayo ay makalaya. Si Rizal ay ikaw rin. Dahil ikaw, kaya mo rin na maging bayani. Dahil iisa ang dugong nananalaytay sa atin. At iisa ang ating mithiin. Tulad ni Rizal na ang nais ay mabuhay ng tunay sa makulay na buhay. Gusto ni Rizal ang kalayaan at kapayapaan. Ang kagitingan at karangalan. Ito rin ang gusto ko. Kailangang higitan pa natin ang kahapon. Kailangan nating lasapin ang tamis ng panahon upang magkaroon ng masayang ala-ala at buhay na pag-asa. Kailangang ipagtanggol ang karapatan ng buhay ngayon. Mula sa hinalay ng dayuhan ang buhay ng kahapon. Kasipagan, kabutihan at kalikasan. Kabataan at kaibigan. Kalusugan at kalinisan – ito ang gusto ko. Ito rin ang nais ni Rizal. At ito ang kagustuhan ng lahat. Noon pa man, pinangarap na ito ng ating mga magulang. Sandaang taon na ang nakalilipas. 1898, pinasimulan lamang ng ating mga ninuno ang pagsulong para makalaya sa dayuhang mananakop. Ano ang magagawa natin? Ituloy ang pakikibaka laban sa lumang sistema, pagbabago sa lipunan, at pakikibaka sa kahirapan. Sana’y huwag lang nating panoorin ang pagdiriwang ng ika-isang daang taon ng kalayaan. Kundi isakatuparan, isabuhay at panatilihin. Kung ikaw ang masusunod, kailan mo nais mabuhay? O kalian mo gustong isilang ang una mong anak? Noong 1898 o ngayong pagkalipas ng isang daang taon, at bakit?
RETRO
By Lapelto
Pasig City, Philippines
1998
RETRO
By Lapelto
Pasig City, Philippines
1998
No comments:
Post a Comment