(The following is an excerpt from my biography book titled “Sariling Kuwento” (Self Story). Due to confidentiality of the book, an edited version is posted.)
==========
ANG PAGBABALIK-TANAW
Napakabilis ng panahon, tuloy ay parang napaka-igsi ng buhay. Parang kaylan lang, nakikipagsabayan pa ako sa galaw ng mundo at takbo ng buhay. Gustong-gusto kong malaman at makuha ang mga bagay-bagay. Nakikipagtawanan, nakikigulo sa mga kalokohan at sinusubukan ang ano mang maisipan. Punong-puno ng kulay at pag-asa ang bawat araw. At malalaman ko na lang na nawawala na ang mga tulad ng dati. Ngayon, parang wala na akong pakialam kung ano ang nangyayari. Nararamdaman kong ayaw ko na at napapagod na rin ako. At sasabihin ko, dalawampung taon (o tatlumpu, apatnapu) na pala ang nakalipas?
Mabilis talaga ang panahon. Halos tatlong taon lamang ako na hindi naka-uwi sa amin ay matanda ng tingnan si Tia Doray, payat at marami ng puting buhok. Nang makita ko siya muli, naala-ala ko tuloy noon kapag bumibili ako sa kanyang tindahan na palagi niya akong pinupuri dahil sa aking mga po at opo. Maraming nababago sa loob ng sampung taon at higit pa. Nababago ang mga kapit-bahay mo at mga kababata, nagbabago ang bayan mo, nagbabago ang lahat. At kapag minasdan mo ang sarili mo sa salamin ay makikita mo ang malaking pagbabago sa mismong sarili mo. Hindi ka na bata, ang mukha mo ay may mga palatandaan na tumatanda ka na. Nasa mga mata mo ang hirap na pinagdaaanan, bakas sa mukha ang pagod at hirap sa buhay. May nababanaag na gitla sa ibaba ng mga mata na parang lumalaylay. Maaaring laglag ang balikat at ang balat sa dibdib ay bumabagsak - hindi ka na “kaaya-ayang” tingnan tulad noon.
Mabilis ang panahon, kaylan lang ay isa pa akong lalabing-taunin at ilang taon na lang mula ngayon ay matanda na ako, Nakatatanda na ang tawag. Kapag ganoon ang naiiisip ko ay bigla akong nalulungkot. Nasa kalagitnaan na ako ng buhay at tatanda rin ako. Kapag ako kaya’y animnapu’t apat na taong gulang na, maaala-ala ko pa kaya ang ginagawa kong ito? Maala-ala ko pa kaya ang mga masasayang araw ko noon at ngayon? Ang mga dati kong kaibigan at kasamahan? Ang mga kalokohan namin, ang aming mga tawanan sa gitna ng kwentuhan, kantahan, lutuan, kainan at paglalakad kung saan-saan? Sana kapag matanda na ako, maala-ala ko sana ito at ang mga masasayang nagdaan noong aking kabataan.
MGA ALA-ALA
Bata pa lang ako ay naging interesado na ako sa sining. Ang pag-guhit ang una kong ginawang libangan noong nasa ikalawang taon ako ng elementarya. Madalas kong iguhit ang imahe ng Sto. Nino na hawak sa kanyang kamay ang mundo at ang Imahe ng Mahal na Birheng Maria na nakatapak sa ibabaw ng mundo.
Malungkot ang una kong pagpasok sa paaralan dahil pakiramdam ko ay biglang nagbago ang lugar ko. Bakit parang ang gulo dito sa lugar na ito? Ang dami kong nakikitang tao na noon ko lamang nakita. Nasaan ang mga kapatid ko na nakakalaro ko? Nasaan ang nanay at tatay ko na nasanay na akong naghihintay sa bahay sa kanilang pagdating sa hapon mula sa pinapasukan nilang trabaho?
Ang natatandaan kong una na nagkaroon kami ng aso ay noong nasa ika-lawang taon ko sa elementarya. Ayaw ko sanang pumasok noon dahil ang gusto ko ay lagi kong kasama at nakikita ang aming tuta. Ang mga naunang pusa naman ay madalas iuwi ng aking ate na nasa malaking kahon na buhat-buhat sa kanyang ulo mula sa Hangganan (Angono-Binangonan).
Ang mga bakanteng lupa na aming pinag-lalaruan noong kami ay mga bata pa na ngayon ay may mga bahay na ring nakatayo para sa mga anak ng may-ari ng bakanteng lote noon. Naaala-ala ko pa rin ang paglalaro namin ng taguan kapag gabi na ang madalas naming pagtaguan ay ang mga nakataob na bangka sa gilid ng bakanteng bakuran ng aming mga kapitbahay. Kapag narinig ko na nakarating sa patyo ng simbahan ang aking mga kalaro ay ang pakiramdam ko ay ang layo na ng narating nila samantalang ang distansiya ng simbahan sa aming bahay ay nasa isang daang metro lamang. Masaya kami at patakbo naming sinasalubong kapag dumadating na ang Baka na may hila-hilang caravan ng mga panindang gawa sa kawayan at ilang katutubong paninda na gamit sa bahay. Tulad ng karaniwang bata, masaya kami kapag may dadaan na helicopter, malayo pa lang ay naririnig na namin ang pagdating dahil sa tunog ng makina – at naglalabasan kami ng bahay upang tingalain ito sa himpapawid, humahanga sa galing nito lalo na kung mababa lamang ang lipad. Naala-ala ko rin ang paliligo namin sa ilog, panghuhuli ng tutubi at salaguinto. Natuto akong lumangoy noong edad walo – siyam nang muntik na akong malunod sa pagpaligo sa ilog. Natuto naman akong magbisikleta sa sariling pag-aaral sa edad na siyam.
Naala-ala ko rin ang tanim na Camia ng aking lola sa aking ama na nasa tabi ng kahoy na bakod sa unahan ng aming bahay, mayroong kahoy na liputan at ang lapag ay puro lupa. Ang tatay ko ang gumagawa ng aming bakod na kawayan na kapag bagong gawa ay kay-gandang tingan dahil pantay-pantay ang kulay at sukat. Natatandaan ko pa rin ang mga nauna naming bakod na halaman. Kapag tumigil ang ulan ay nagsusulputan ang mga bulate, pagkaraan ng ilang araw ay mayroong mga kabute sa mga naka-salansang kahoy na nasa aming likod-bahay. Kasunod lamang ng pag-lilinis ng puntod sa pantiyon ay naalaala ko pa rin ang pag-iisis namin ng aming hagdan at bintana upang magmukhang malinis lalo na kapag nalalapit na ang Pista ng Bayan, ang mga taga-amin ay nag-iisis ng bahay dahil ang mga bahay noon ay gawa sa kahoy at walang pinta. May tinatawag na Cedera noon na kung saan ay maraming mabibiling mga gamit sa bahay at laruan ng mga bata. At kapag malapit naman ang Bagong Taon ay gumagawa ang kuya ko at ang kanyang mga kalaro ng kanyon na yari sa kawayan na pinapaputok sa pamamag-itan ng kalburo at gas. Ako nama’y nagkakaladkad ng mga piraso ng yero o kaya ay mga lata ng gatas at sardinas bilang pangpa-ingay sa hating-gabi ng bisperas ng Bagong Taon. Ang mga ito, minsan pa ay gusto kong makita muli kahit minsan man lamang.
Dumadaan ang mga araw at taon, nagiging mapag-isa ako. Malungkot ako kapag sumapit na ang Linggo dahil ang iniisip ko ay mayroon na namang pasok sa paaralan kinabukasan. Malungkot ako sa paaralan dahil wala akong kaibigan. Tahimik lang kasi ako, pwedeng away-awayin, tuksuhin at pagtawanan – hindi ako nagsusumbong sa aming guro dahil mas gusto kong sarilinin na lang ang lahat. Kasi, ayokong lumaki at lumala pa ang anomang nangyayari. At kahit ganoon ang nangyayari ay naging masipag naman akong pumasok. Siguro’y dahil nabuo na sa isip ko na kailangan ang pumasok nang pumasok kahit wala kang natututunan. Para bang ang kailangan ay makita lang ako ng aming guro sa eskwela kahit ang ginagawa ko lang noong nasa unang baitang pa lang ako ay kainin ang pambura sa dulo ng lapis, amuyin ang pandikit, paglaruan ang kulay pula na nagdidikit-dikit sa mga papel at sumabay sa kanta kapag umaawit, kumain sa masikip na kantina at sumunod sa utos ng guro kapag pinatayo, pinaupo at pinalabas.
Nasa anim hanggang pitong taong gulang ako noon nang may kung ano ang nararamdaman kong nangyayari sa akin na hindi ko man pansinin at tanggapin ay kaakibat ko na sa aking sarili. May lungkot kong dinadala iyon sa aking sarili. Marahil ay doon na nagsimula ang aking pagiging likas na matiisin at tahimik na tao. At sa araw-araw na pagpapati-anod sa agos ng buhay ay may nabubuo sa aking mga katanungan: Makakatapos kaya ako ng pag-aaral? Ano kaya ang magiging hitsura ko paglaki ko? Makakapag-asawa kaya ako? Hanggang sa lumaki ako at nagkaisip. Hindi ko lang basta nakikita ang mga nangyayari kundi pinag-uukulan ko ng mga katanungan. Wala mang kasagutan ang iba ngunit ang ilan ay nauunawaan ko.
NU’NG AKING KABATAAN
Naala-ala ko noong ako ay labing pitong taon pa lamang – larawan pa ako ng isang kabataan, ang patpating estudyante na walang muwang sa paligid. Walang angking kaakit-akit. Ang panahong ang bukas ay inilalaan at inihahanda para sa amin ng mga nakatatatanda. Panahong pinapaganda ng gobyerno ang bayan para sa amin, pinag-aaral at pinag-iipunan ng pera ng mga magulang para sa aming kinabukasan. Lahat ay para sa amin dahil ang buhay ay para talaga sa kabataan. Ang buhay ay amin, kaya nagsasawa kami hanggat bata pa. Lahat ng bago at uso ginagaya namin. Kami ang nagpapatakbo ng pagbabago, nagpapasikat ng mga kanta, pelikula at mga kasuotan.
Noong nasa edad 17 – 28 ako, ito ang mga taon na gustong gusto ko. Ang kasagsagan at kasaganahan ng aking kabataan. Iyon ang mga taon na maraming nangyayari sa aking buhay, panahon na nakukuha ko ang mga maliliit na bagay na nagustuhan ko at mga ilang pangarap na nangyayari. Panahong abala ako sa paghahanap ng mga nagugustuhan. Panahon ng mga unang pangyayari sa akin. Sa mga panahon na iyon naroroon ang makukulay na bahagi ng aking buhay. Naroon ang tamis at pait, ang tuwa at lungkot, tagumpay at kabiguan. Napakarami kong gustong balikan. Kung kaya ko lang balikan ang lahat, kung may kapangyarihan lamang ako, gusto kong balikan ang mga taon na iyon.
MGA NAIS BALIKAN
Gusto kong maramdaman muli kung paano ang umibig sa unang pagkakataon at ang saya na dulot niyon kapag nakikita mo na ang taong gustong-gusto mo. Gusto kong balikan ang pagtuklas at pagsubok sa ibat-ibang bagay tungkol sa katotohanan ng buhay. Gusto kong maramdaman muli ang pakiramdan ng kapag nakamit mo ang mga bagay sa unang pagkakataon sa buhay mo tulad nang unang matuto akong magbisikleta, lumangoy at noong unang makabili ako ng laruan sa inipon kong pera mula sa aking baon sa eskwela. Gusto kong muling makita ang mga tao na inilapit sa akin ng pagkakataon upang makipag-kaibigan sa akin na hindi ko pinag-ukulan ng pansin sa takot kong masasaktan ako dahil iniisip kong sila ay oportunista o kaya ay masamang impluwensiya na ngayon ay pinagsisisihan at pinanghihinayangan ko dahil baka isa sa kanila sana ang naging kaibigang kong matalik. Gusto kong muling makita ang hitsura ng mga dati kong kalaro, ka-klase at kakilala upang makita ang aming masasayang araw at gabi, mga ginawang kainosentihan ng aming pagiging bata at mga tagpo kung paano kami nagkakila-kilala.
Gusto ko rin magpunta sa EDSA nang mag-martsa ang maraming uri ng tao at manawagan sa pagpapatalsik ng diktadurya. Gusto kong lumabas sa kalsada at sumama sa panawagan ng mga maka-kalikasan na sagipin ang Inang Kalikasan sa kanyang lumalalang sakit at sa pang-aabuso sa mga yamang dagat at yamang lupa. Gusto kong mag-volunteer sa Red Cross upang maranasan ang pakikipag-ugnayan sa ibat-ibang tao, pakikipagtulungan at pagpapalaganap ng aking pakikipag-kapwa tao. Gusto kong mahipo ang mga puso ng bawat tao.
ANG DATING BAYAN
(Angono, aking Angono)
Gusto ko ulit makita ang dating larawan ng aming lugar na aking kinalakihan. Ang dating aspaltong kalsada na kapantay sa lupa ng aming bahay na ngayon ay konkretong kalsada at mas mataas na sa aming lupa. Ang dating simbahan na ang yari ay gawa sa sinementong bato na tinutubuan ng mga lumot sa labas at sa loob naman ay pinintahan ng puti na dumidikit ang apog sa balat at damit kapag nadikit kami tuwing nagsisimba kami ng aming mga magulang at kapatid. Ang dating ilog na may malawak na pangpang na pinaghuhulihan namin ng mga tutubi at salaguinto. Ang dating tulay na yari sa makapal at malaking kahoy na lakaran, bakod at bubong na tatsulok.
Gusto ko ulit makita ang mga puno ng Niyog at Kaymito sa bakuran ng maraming bahay at Sagingan sa duluhan ng bahay. Gusto kong makita ulit ang dulong kalsada (Wawa kung tawagin) na tinutumbok ang pampang ng dagat-tabang ng Lawa ng Laguna. Gusto ko muling makita ang nilalakarang dike ng ilog, ang resthouse na inaakyat namin ang bubong at tumatalon sa pinagtambakan ng dayaming pinaggapasan ng inaning palay, ang parola, ang pamumulot namin ng tulya sa tabing dagat, ang malawak na bukid at paglusong sa daanan ng patubig nito papunta sa palayan. Masarap balikan ang mga ala-ala ng aking kamusmusan. Hanggang sa ala-ala na lamang dahil hindi na maibabalik ang mga iyon. Ang lahat ay naglaho na. Nagbago na ang lugar na kinalakihan ko. Nang minsan nagawi ako sa dating lugar makalipas ang ilang taong hindi ko pagkakapunta doon ay hindi ko na nakilala ang dating lugar na madalas kong puntahan noon. Sa mismong kinatatayuan ko na noo’y kinatatayuan ko rin ay hindi ko na makita o masilip man lang ang mga bakas ng dati kong nakikita noon. Nasaan ang bukid, ang resthouse, ang parola at ang bunganga ng ilog? Puro bahay ang nakikita ko. Ang dating tabing-dagat na nilulusungan namin upang mamulot ng mga tulya ay kabahayanan na rin. Tila naligaw ako sa sarili kong bayan na ngayo’y hindi ko na makilala ang ibat-ibang taong nakikipamayan.
SARILING KUWENTO
By Alex Villamayor
November 30, 2009
Thoqbah,KSA

No comments:
Post a Comment