Monday, January 31, 2011

MGA MAKASALANAN AT MGA BANAL



Sa usaping Pananampalataya, may mga tao na kabisado ang buong Banal na Aklat mula sa simula hanggang sa katapusan na kahit saan man daanin ay kaagad na masasabi ang bawat versikulo at kung saan ito makikita.  Humahanga ako at naiinggit sa mga tao na ganuon dahil nasa kanilang puso at isip ang pagbabasa ng kanilang Banal na Aklat.  Humahanga din ako kapag nakakakita ako ng mga taong relihiyoso.  Madalas silang magtungo sa sambahan nila upang magdasal o makinig ng Banal na Misa.  Masipag silang makilahok sa mga pagtitipon upang magpuri sa Diyos at pag-aralan ang mga Salita ng Diyos.  Matiyaga silang nagpupunta sa ibat-ibang lugar upang magpalaganap ng Aral at mga Salita ng Diyos.  At masaya silang naglilingkod ng kawang-gawa sa simbahan upang mag-alay ng mga gawaing-simbahan tulad ng paglilinis at pagbabantay sa sambahan.  Sila yung sa araw-araw na ginawa ng Diyos ay panay pang-relihiyon na bagay ang kanilang pinagkakaabalahan.

Marami na akong nakita, nakilala at nakasama na mga relihiyosong tao – mapa Kristiyano, Muslim, Budista, Hindu at iba pang relihiyon.  Sila yung mga tao na sa mahabang panahon ay walang patid sa pagtitipon-tipon upang pag-aralan ang mga Salita ng Diyos.  Sila yung sa araw-araw na buhay ay namumutawi sa kanilang mga labi ang mga aral sa Banal na Aklat, na ang bawat ginagawa nila ay sa ngalan ng Diyos, at anumang pangyayari ay kalakip ang pagpuri at pasasalamat sa Diyos.  Nuon ay nagkaroon ako ng pagkabagabag sa sarili na hindi ko magawa ang magpaka-relihiyoso.  Nakakaramdam pa nga ako ng panliliit at hiya sa sarili kapag may nakikilala akong taong relihiyoso.  Ngunit nuon iyon, dahil ngayon ay nagkaroon ako ng paniniwala na wala sa sinasabi at ginagawa ang pagiging relihiyoso.


Hindi sa lahat ng pagkakataon ngunit mas madalas kaysa sa hindi ay karamihan sa mga taong nakilala natin na relihiyoso ay sila pang may mga itinatagong kamalian na patuloy na ginagawa.  Bakit kung sino pa yung mga nakikita nating relihiyoso ay sila pa yung nabubuhay ng hindi ayon sa kanilang sinasabi?  Ang kanilang prinsipyo sa buhay ay Banal na Aklat ang pinanghahawakan ngunit ang taong ito ay namumulitika, ginagamit ang lakas at kapangyarihan masunod lamang ang gusto, nakikipag laban sa maruming kalakaran ng buhay, nanggagamit ng kapwa tao para sa sariling interest.  Mga taong madalas magpuri sa Diyos ngunit sa kapwa nila ay sila yung masakit magsalita, mapag-duda sa kapwa, at mapagsalita at mapag-isip ng negatibong komento sa mga bagay-bagay.  Kilala silang madasalin, magaling mangaral, at masigasig sa pag-aaral ng mga Kautusan ngunit mayroon silang masamang ugali tulad ng karamutan, oportunista, mapanghusga, at mapang-lamang sa kapwa.


Marami rin akong nakikita sa mga relihiyosong tao na nabubuhay sa pakiki-apid sa hindi nila asawa, o di kaya’y mayroong dalawang asawa na hindi pinahihintulutan sa kinaaanibang relihiyon.  Mayroong limang beses magdasal sa kanilang sambahan ngunit mapagbintang, malupit sa kapwa, at mataas ang tingin sa sarili.  May mga samahang pangrelihiyon na nagagamit upang makapangalakal,upang maging dakila o di kaya ay makapaghatid sa kanila sa katanyagan, at kapangyarihan sa bayan.  Mayroon ding mga kapatiran ng ilang samahang pangrelihiyon na nakaka-ipon mula sa mga nalilikom na salapi bilang donasyon sa bawat pagtitipon na nagiging pondo upang maging puhunan para sa pagpapahiram kapalit ng maliit na pataw sa hiniram.  Ang ibang sekta ng relihiyon ay nagiging daan na lamang papunta sa ibayong kapakinabangan at kaginhawahan. 


Marami ang lalabas at magpapanggap na propeta – ngunit mga bulaang propeta.  Maganda kung magsalita, matatamis at mabulaklak ang mga dila upang makapagpamalakaya ng maraming taga-sunod ngunit hindi totoo sa kanilang mga sarili o di kaya ay mayroong mga itinatagong pangsariling-interes.  Banal siyang pagmasdan ngunit makasalanan sa totoong anyo ng kanyang mukha.  Dahil marami sa atin na kung sino pa ang sinasabing banal ay siya pang makasalanan.


Alex V. Villamayor
January 31, 2011

No comments: