Tuesday, January 18, 2011

NANGANGAILANGAN NG KASAMA

Ang bawat isa sa atin ay naghahanap ng kasama, maaaring kaibigan o asawa – lahat tayo gusto natin ng kasama. Dahil gusto natin na magkaroon tayo ng katuwang sa buhay – maaaring sa pangarap, sa kabuhayan, pakikipagkapwa-tao at pakikipaglaban sa buhay. Halos lahat, kung hindi man bawat isa, ay nangangailangan ng kasama dahil walang tao ang makapag-iisa – dahil ang buhay ay mas maganda kapag mayroon kang kasamang tumatawa sa kasiyahan – maging malaki man ito o kababawan lang ng buhay. Sa panahon ng iyong paghihirap, kalungkutan at kabiguan – kasama mo siya na umiiyak, nahihirapan at nasasaktan. Kasama na nagsasabi sa iyo ng mga kamalian, nagpapaala-ala ng iyong mga pangangailangan at nagpupuri sa iyong mga tagumpay. Kailangan mo ng kaibigan upang ikaw ay sumaya. Kailangan mo ng kasama na makakatulong mo sa lahat ng bagay, mula sa pagtugon ng pangangailangang pisikal, damdamin, at pangkaluluwa, hanggang sa makakasama sa iyong pagtanda.

Sa pangkalahatan, ang tao ay naniniwala na nasusukat ang tagumpay sa pamamag-itan ng pagkakaroon ng sariling pamilya na siyang pinakasaysay kung bakit ikaw ay ginawang tao. Subalit bakit may mga tao na hindi makatagpo ng makakasama sa buhay? May mga tao na ang paghahanap ng tama, totoo at karapat-dapat na makakasama ay tila ba napakahirap at napakailap makuha – maging sa pakikipag-kaibigan o sa larangan ng pag-ibig. Naging mabuti naman siya sa kanyang pamilya, kaibigan at kababayan subalit ang balik ng kagandahang kapalaran ay matagal bago makamit. Maaring may mali sa kanya bilang tao tulad ng maaaring siya ay mahinang umintindi, makaluma, mailap sa pakikipagkapwa-tao, ngunit hindi ba’t bilang kabayaran sa kanyang kagandahang-asal ay ang sukli ng pagmamahal na kanyang ibinibigay? Sa kagustuhan niya na huwag mawala ang kasama ay inaalagaan at pinasasaya niya ang ito sa pamamag-itan ng pagbibigay ng magagandang bagay. Pagbibigay ng mga pabor, pagpapaubaya sa kanyang layaw at pagsama sa mga panalangin araw-araw. Ito ay sa kagustuhan mo lang na para hindi siya tuluyang mawala at umalis dahil kailangan mo ng makakasama.


Hindi ba’t napakahirap maghanap ng makakasama kapag ganuon? Anu pa at ginagawa mo ang lahat para lang maprotektahan ang inyong pagsasama na mag-asawa o bilang pagkakaibigan. Nagsasakripisyo ka alang-alang sa kanya, kung kinakailangan mong mag-bigay ng mga material na bagay ay ginagawa mo. Kung minsan ay kailangan mong palawigin ang iyong kabaitan sa pag-ako ng responsibilidad niya sa kanyang mga mahal sa buhay – ganuon kalaki ang pag-mamahal mo sa kanya. Dahil mahal mo ang iyong kasama ay ayaw mong magagalit siya sa iyo dahil maaring hindi ka na niya mahalin kapag nagalit siya sa iyo. Ayaw mong mayroon siyang masabing hindi maganda sa iyo dahil baka maging dahilan iyon upang mawala ang kanyang pagtingin sa iyo. Inuunawa mo ang lahat ng nangyayari hanggat nakakayanan mo. Kung kaya ang iyong pagsusumikap ay sukdulan hanggang langit upang mapangalagaan lamang ang iyong pagtingin sa kanya.


Ang tao ay nangangailangan ng makakasama dahil hindi sa lahat ng pagkakataon ay makakaya niyang gawin ang lahat ng nag-iisa. Kailangan niya ng kasama dahil nabubuhay ang tao sa pag-ibig na siyang bumubuo bilang isang tao, upang magkaroon ng supling na siyang paghuhugutan niya ng lakas at iikutan ng kanyang mundo.



Alex V. Villamayor

January 18, 2011
Dhahran, KSA

No comments: