Thursday, June 04, 2015

WORDS TO PONDER / MGA KASABIHAN (W2P #1 - W2P #9)

Quote-Unquote

W2P #1
Di mo type.  May mga tao na kahit walang ginagawang mali o masama sa atin o sa iba ay mabigat ang ating loob o mainit ang dugo natin sa kanila.  Kapag ganun, wag mo na lamang siyang pansinin o pakialaman dahil nagkakasala ka lang kapag pinipintasan, binabara, at iniismiran mo sila.

W2P #2
Matalas ang tabas ng dila.  Kung ang lapis ay mas malakas na sandata kaysa sa espada, ang dila naman ay mas mabilis at mas masakit.  Huwag matabil.  Kung ikaw ay lalaki ay huwag kang masakit magsalita at kung ikaw naman ay babae ay huwag magtaray.  Dahil baka ang hindi mo alam ay yung mga taong sinaktan mo ang damdamin ay sila yung mga lihim na nagdadasal ng iyong kapahirapan, kamalasan at kapamahakan sampu ng iyong mga mahal sa buhay.

W2P #3
Huwag daldal.  Mas marami kang sinasabi ay mas marami kang magiging pagkakamali.  Ang totoo, kahit ang isang taong matalino kapag salita ng salita ay lumalabas ang mga kamalian.  Lagi nating isipin na gaano ka man kaingat ay sa mga salita mo ka pa rin makikilala dahil totoo na sa bibig nahuhuli ang isda.

W2P #4
ANG BALIK
Huwag mapagsalita ng tapos dahil baka ikaw ay subukin ng tadhana at ikaw ay makapos.  Kung sinabi mo dati na hinding-hindi mo gagawin ang isang bagay, kapag nagipit ka ay gagawin mo rin ang sinabi mong hindi gagawin.  Parang aso o pusa na kinakain ang sariling isinuka, parang dumura sa langit na ang lagapak ay sa sariling mukha.

W2P #5
Tingin2x sa Salamin kapag may Time.  Lagi nating isipin na baka hindi na natin namamalayan ay tayo na pala ang tao na napakadaling makakita ng kapintasan at kamalian ng iba ngunit hindi ang sarili.  Kapag iba ang gumagawa ay napipintasan at namamalian natin ngunit kapag tayo na ang gumagawa ay nagiging tama o hinahayaan na lamang.
  
W2P #6
Mabait lang sa mga taong nakapalibot sa kanya, mga malalapit sa kanya.  Anong klaseng pagkamabait ang mayron ka kung ang pinagmamabaitan mo lamang ay iyung mga mababait sa iyo?

W2P #7
Magkaiba ang mabait at mangmang.  May mga tao na mabait dahil wala silang alam o malisya kaya kapag niloko, nagmakaawa, at hinimok sila ay laging umiiral ang pagiging pagkamaawain at mapagbigay.  Ngunit mas mabuti na ang kawalang-alam kaysa sa nagkakasala ka ng dahil sa paghihinala at pag-iisip ng masama at paghahanap ng kamalian ng kapwa.

W2P #8
Mag-kaiba ang pagiging masayahing tao sa mabait na tao.  Lagi nating ipinagkakamali na kapag ang isang tao ay masayahin at palabiro ay iniisip natin na mabait siya.  Hindi lahat ng nakangiti sa iyo ay kaibigan ang turing, ang ilan ay may pangangailangan lamang.  At hindi lahat ng nasa tabi mo ay totoo kang gusto, ang ilan ay nakikisama, nahihiya, natatakot at nangangailangan lang sa iyo.

W2P #9
PALAGING TAMA.  Iba ang may tiwala sa sarili at ang mataas ang tingin sa sarili.  Ang may tiwala sa sarili ay buo ang loob na gawin ang mga bagay taman man o hindi sigurado; ang mataas ang tingin sa sarili ay ipipilit ang mga bagay na alam niyang tama at hindi sigurado.  Kung ikaw yung huli, kakambal mo na ang pagiging labis ang tiwala sa sarili, mapagmataas, at dominante.  Kapatid mo na rin ang makasarili, pakialamera at pintasera.

No comments: