Kakambal ng
demokrasya ay ang kalayaan sa pagpapahayag pero marami ang hindi nakakaunawa
kung ano ba ang kahulugan ng kalayaan na ito? Sa madalas na pagkakataon ay naaabuso
ang kahulugan ng kalayaan. Iilan
lang ang totoong nakakaalam na kaakibat ng kalayaan sa pagsasalita ay ang
responsibilidad. Mas nakararami ang hindi alam ang kung ano ang
resposibilidad o ang mga walang pakialam kung
ano ang kanilang ipinapahayag. Dahil kung mas marami ang responsableng
tao ay
hindi magkakagulo ang ating daigdig. Kaya
makikita, mababasa at madidinig natin ang mga tao kung gaano kadiretsahan,
kasakit, kabastos kung bumatikos, pumuna at magpahayag. Pero ang
nakalulungkot dito, kung gaano sila ka brutal sa pagpuna sa ibang tao ay siyang
todo-daing naman kapag sila ang binabalikan ng puna.
Walang mali kung punahin, ipahayag o pintasan mo ang iyong
nakikita, naririnig, nararamdaman at nalalaman.
Walang masama kung ikaw ay manuri sa mga nangyayari sa iyong paligid. Ang
tanong ay kung anung uri ka ng kritiko. Ang mali at masama ay kung ikaw
ay nakakagawa ng kaguluhan at paninira sa paraan ng pagpapahayag ng iyong
pagkritiko. Kaya nga mayroong pamantayan ng tama
at mali, moral o immoral, dapat at hindi dapat ay upang mapangalagaan ang tamang kalayaan
sa pagpapahayag. Magandang
halimbawa ay ang politika at gobyerno dahil ito ang madalas na
pinag-uusapan. Hindi dahil ang sinasaloob mo ay puno ng galit sa gobyerno ay
maaari mo na itong sabihin nang buong galit.
Hindi dahil ang pakiramdam mo ay kailangan mong sabihin ang nalalaman
mong katotohanan ay magagawa mo itong nang walang pasintabi kahit makasira
ka. Hindi na
kalayaan ang tawag dito kundi kasuwapangan na dahil ang sarili mo
na lamang ang iyong tinitingnan, iniintindi at pinapahalagahan.
Naging oposisyon at kritiko din ako pero
hindi naman ako katulad ng ibang kritiko ngayon na naging masakit, brutal at matalim sa pagpuna
sa mga nangyayari sa gobyerno at politika. Naging
kritiko ako ng administrasyon ni PGMA pero
hinding-hindi ko siya tinawag na “pandak”, “swapang” o
inakusahang “magnanakaw”. Inaamin ko na marami akong
ikinalungkot at ikinagalit na pangyayari nuong panahon ng pamumuno ni PGMA dahil kabi-kabila ang mga
kontrobersiya at iskandalo nuon pero wala akong masasakit, mapanlait na mga
salita at katawagan na isinulat at ipinahayag ko. Hindi ako brutal
magkritisismo dahil hindi ganuon ang uri ng aking pananalita, kaugalian,
pagsusulat at ng pagkatao. Kung
may mga puna ako sa administrasyon ni PGMA, kuntento na naipahayag ko ang
saloobin at ang gusto kong sabihin na sa abot
ng aking makakaya ay nahanapan
ko ng mas diplomatiko, disente at makatao na salita.
Samantalang karamihan sa mga batikos ng
ordinaryong mamamayan na nababasa ko sa social
media na sa kasamaang-palad ang ilan ay mga kaibigan, kakilala o kamag-anak ko pa man din ay
kayang-kayang tawagin si PNoy ng “panot”, “abnoy/abno” o “bading”. Kapag kaminsan naman o kaya ay ang ilan sa mga gabinete niya ay tinatawag na
“dimonyo”, “tang ina”, ‘hayop”, “mamatay na sana kayo”
at iba pa. Hindi ba’t napakasagwang mabasa ang mga ito? Sa etiketa
ng pagsusulat, at sa pagka-tao na rin, nakakababa ng uri ang mga ganitong
panulat. Nakakalungkot na nawawala na ang tunay na diwa ng tamang pagsusulat at pagbibigay ng
saloobin. Hanggang
ngayong si DU30 na ang pangulo, nakakalungkot na nagkalat pa rin ang ganitong
uri ng pagbatikos. Sila-sila pa ring mga tao ang maingay sa social
media. Wala pa rin yung sinasabing pagbabago dahil ganuon pa rin ang mga
tao, wala pa ring pinagbago ang dating maruming politika dahil sila-sila pa rin
ang panay na panay sa pagsambulat ng galit, pananakit ng damdamin ng ibang tao,
pagyurak sa pagkato ng kanilang kapwa at paglalantad ng madilim na sikreto ng
kapwa upang mapabagsak ang mga kalaban.
Kung minumura, isinusumpa o kinukutya mo ang sariling Presidente
mo, sa palagay mo ba ay kalinisang-budhi pa rin ito, naayon pa ba ito sa
tamang-asal o katuruan pa ito sa relihiyon mo ito? Upang gamiting dahilan
ang nararamdamang galit para makapagmura at makapanglait sa pagpapahayag ng
saloobin ay nangangailangan ng pusong-bato. At kung nagawa mo ito sa
Presidente mo, ano pa kaya ang kaya mong gawin sa sarili mong asawa, anak,
magulang, kaibigan at ibang tao sa ngalan ng iyon nagpupuyos na galit?
Anong klaseng tao ka para magawa mo iyon. Paano ka pinalaki at tinuruan
ng mga magulang mo, at ano pa kaya ang ituturo mong kabutihan sa sarili mong
anak?
Magkaiba ang paghahayag
sa diyaryo, telebisyon, kalsada at social media. Marami sa mga matatapang sa internet ay malakas
lang ang loob dahil sa harapan nila ay may nakaharang na salamin na proteksiyon. Ang iba ay nagtatago pa sa ibang katauhan
upang hindi matunton ang kanyang mapagkakakilanlan. Madaling magtago sa likod ng screen ng ating computer
kaya maraming tao ang napakadahas sa pagtuligsa ngunit hatakin mo siya palabas
ng kalye at iharap sa kanyang tinutuligsa ay hindi niya magagawa ng
harap-harapan ang angas. Hindi masama
ang magkritiko basta ito ay nasa tama at mapapanindigan mo.
Ni Alex V. Villamayor
August 31, 2016