Naupo sa panguluhan si Pang. Rodrigo R. Duterte nuong Hulyo 1,
2016. Isa ako sa labing-anim na milyong
bumoto sa kanya para manalo sa eleksiyon.
Totoo sa sinabi niya sa kanyang kampanya kaya natuwa ako sa inilatag
niyang giyera kontra droga dahil sa wakas ay malilinis na ang talamak na salot
sa lipunan dahil tototohanin ng Pangulo ang paglilinis sa droga. Naging madugo man ang pakikipaglaban sa
droga, hindi man ako sang-ayon sa pagpatay sa mga nahuhuling sugapa sa bawal na
gamut ay pinilit kong intindihin ang pamamaraan ng Pangulo alang-alang sa
pangkalahatang kaayusan at katahimikan.
Maraming mura ang inabot ng mga tumutuligsa sa pamamaraan – ang
Simabahang-Katolika, Komisyon ng Karapang-Pantao, at ang ibang bansa tulad ng
US, taga-Europa at ang mismong UN dahil sa madugong pamamaraan ng paglilinis sa
droga. Kasabay nito, ipinakita ni Pang.
Duterte ang kanyang tapang nang magpakawala siya ng mga maaanghang na salita
laban sa kumokontra sa kanyang laban sa droga kasama na ang Amerika at iba pang
malalakas na bansa. Humanga ako sa
paninindigan niyang kaya ng Pilipinas ang hindi humingi ng tulong sa mga ito
dahil maaaring ito na ang simula na makakayang tumayo na ng Pilipinas sa kanyang
sarili.
Hindi ako sang-ayon sa mga pagmumura ni Pang. Duterte at ang mga
matatalim na salita niya laban sa mga tumutuligsa sa kanya ngunit hinayaan ko
lang siya dahil ang iniisip ko ay panandalian lamang ang mga ito habang maiinit
ang kasalukuyang isyu. Subalit sa
araw-araw na nangyayari ay bumubungad sa akin ang ibang-Duterte na nagustuhan
ko kaya ko ibinoto. Nang aminin niyang
hindi pala niya nakuwenta nang tama na kaya niyang linisin ang bansa sa loob ng
tatlo hanggang anim na buwan sa halip ay humingi ng anim na taon, ako bilang
unang-unang gustong mawala na ang kaguluhan ay sobrang nadismaya. Naging kabi-kabila din ang mga kontrobersiyal
niyang mga pahayag upang banatan ang mga tumutuligsa at kalaban niya sa
politika, paghikayat niya sa patayan, kabi-kabilang pagmumura sa harap ng
telebisyon at ang pagpapahayag niya sa presensiya ng Diyos. Nag-isip ako, parang
tinatabangan na ako sa Pangulo. Tama pa
ba ang mga ito? Ito ba ang gusto
ko? May magandang nagawa ang Pangulo
pero marami ang hindi ko nagugustuhan at nadagdagan pa ang mga polisiya niya
ang lihis na sa prinsipiyo ko tulad ng paglilibing kay F. MArcos sa LNMB, pag-utang sa Tsina sa napakalaking
patubo, pambabastos sa mga kababaihan, atbp.
Kaya nuong huling kwarter ng taong 2016 ay gumawa ako ng salita na
bibigyan ko si Pang. Duterte ng isa hanggang dalawang taon sa Malacanan para
makapagdesisyon ako kung maka-Duterte pa rin ba ako.
Nagkatotoo ang mga salita kong ito dahil sinagot ako ng Diyos. Sa tamang oras, pagkakataon at paraan ay
ipinakita sa akin ng Diyos ang pinakatamang dahilan upang mabuo ko ang aking
pagpapasya. Tamang-tama lang na bago
magdalawang taon, nang tawagin ni Duterte ang Diyos na “istupido”, “torpe” at may
pagmumura pa niyang sinabi ay agad na akong nagpasya na tuluyan ko ng isinuko
ang paghanga, pagsunod at pagkilala ko kay Duterte. Iyung sandaling ininsulto niya ang Diyos na
kinikilala ko, sinabi ko ng tama na at kalabisan na ito. Binabawi ko na ang aking natitirang pagkilala
sa kanya. Nuon ay ang Santo Papa,
Simbahang Katolika at mga kaparian, ngayon ay ang Diyos na. Nakakalungkot at nakakatakot ang nangyayari
dahil pagkatapos nito ay anu pa ba ang kayang gawin ni Duterte? Kung kaya niyang gawin iyon sa Diyos, gasino pa kaya at ano pa kaya ang kaya niyang gawin sa bansa, sa mga Filipino, at sa akin? Nalungkot at nagalit ako dahil iyung
kinikilala, iginagalang at dinadasalan kong Diyos ay binastos, tinuya at ininsulto
at may kahalong mura pa nga. Sa halip na maliwanagan ay nagalit pa ako nang
kinabukasan ay ipinapaliwanag niya ang kanyang dahilan at pinaninindigang
walang mali sa kanyang sinabi. Maliwanag
na ang ininsulto niya ay ang Diyos at hindi ang mga kasulatan at mga gawain ng
Katolisismo. May mali sa ginawa niya,
kung mayroon man siyang kinikalang ibang Diyos ay kahit anu pang idahilan niya
ay mali ang insultuhin ang Diyos ng iba.
Kung
patuloy ko siyang susuportahan, anong
mukha ang ihaharap ko sa Diyos kapag nagdarasal ako kung iyung tao na
bumabastos sa kanya ay kinukunsinte, sinusuportahan at pinapalakas ko sa
kanyang ginagawa? At kung hahayaan ko
lang at hindi ako papalag ay lumalabas na kasabwat ako sa pambabastos sa Diyos.
Kung dahil marami siyang nakikitang kapintasan sa ibang relihiyon,
igalang naman niya ang paniniwala ng ibang tao.
Huwag niyang bastusin ang aking DIYOS. Hindi ako isang matuwid na tao para magsalita
ng pagtuligsa sa ginawa ni Pang. Duterte.
May mga kasalanan ako, baka nga yung mismong pagkatao ko ay ang
aking kasalanan pero kaya kong talikuran ang sinomang mambabastos sa Diyos maging
siya man ay malapit sa buhay ko o kahit isa pa siyang Pangulo. Hindi ako
relihiyoso pero napakalaki ng takot at pag-galang ko sa Diyos. Hindi ko
makakaya ang mamolitika, manglamang, magmura, magdasal ng kapamahakan ng kapwa,
sulsulan ang paglaganap ng patayan at kunsintihin ang pambabalahura sa Diyos.
Duon man lang ay makabawi sana ako sa aking kasalanan. Hindi ko sinasabing walang bahid ng pagkakamali ang mga kaparian
dahil alam naman natin na sa hanay nila ay may mga kontrebersiya sa katuruan at
gawain nila. Ganun din naman sa iba pang
sekta ng relihiyon at sa lahat ng sangay ng lipunan tulad ng politika,
palakasan, sining atbp. Ang sa akin
lang, mayroon mang mga kamalian ang ilang personalidad sa aking kinaaanibang
relihiyon pero mas marami pa rin sa kanila ang nasa tuwid na landas kumpara sa
mga politiko. Maunawain ako at bukas ang
aking kaisipan bilang isang Kristiyano. Bagamat lumaki ako sa isang lugar na
malakas ang impluwensiya ng katolisismo at kristiyanismo ay may mga bagay
na hindi ko sinusunod tulad ng pagdarasal sa mga santo at imahen, pagbigkas ng
mga orasyon at litanya. Nagsisimba ako at nakikipag-diwang ako ng Mahal na
Araw, Pasko, atbp. bilang pagkilala ko sa mga kabanalang ginawa ng mga Santo at
Santa pero hindi ako nagdarasal sa kanila, hindi ako humahalik, pumapasan at
nag-aalay. Oo bukas ang aking isip pero hindi sa punto at sa antas na kapag
binastos ang Diyos ko ay hindi man lang ako papalag.