Anti o oposisyon ba ako kay Pangulong R. Duterte (Du30)? Hindi. Kritoko
- iyun ang tamang salita. Kapag anti kasi, ito ay puro lang laban at walang
pagpapahalaga o pagpapasalamat. Hindi
ako ganun. Ang totoo at alam ito ng mga taong malapit sa akin: IBINOTO ko pa
nga si DU30. Mayroon akong boiler at
campaign t-shirt niya nuong panahon ng kampanya. Hindi pa siya nagsusumite ng kanyang
kandidatura ay maka-DU30 na ako. Kulelat
pa siya sa survey nuon ay maka-du30 na ako.
Ang dahilan ko kung bakit siya ang gusto ko siya ay dahil sa kanya ko
nakita iyung tapang at totoo sa sinasabi kung kaya pinanghawakan ko iyon upang
maniwala akong makakaya niyang linisin ang bansa sa loob ng tatlo hanggang anim
na buwan. Pero mali pala ako.
Tinanggap ko kahit nakakasakit ang mga patutsada ng mga oposiyon na
kasama ako sa 16M na na-uto dahil sa jetski. Kahit marami siyang nagkakasalungat na
sinasabi tulad ng simple at mahirap lang siya. Kahit marami siyang ginagawang
hindi ayon sa pinapaniwalaan ko tulad ng pagpapalibing kay Marcos sa Libingan
ng Mga Bayani, umento sa SSS, pagpapalaya sa mga kaalyado niya sa politika, mga
paghihiganti, at kung anu-ano pa. Maka-DU30
ako kahit hindi ko gusto ang kanyang pagmumura sa telebisyon, pambabastos sa
mga babae, ang paghikayat niya sa patayan, at ang halatang pagpabor niya sa
China. Maka-du30 ako pero hindi lahat ng gusto niya ay tinatangkilik ko tulad
ng pagsisinungalin niya sa paggawa o pagtahi-tahi ng mga istorya tulad
ng inabuso dw siya ng isang Pari, ang pagimbento niya ng bank account ni
Antonio Trillanes. Idagdag pa ang pagiimbento o pagbigay ng ibang depenisyon ng batas upang umayon sa politikal na interes niya. At hindi lahat ng kontra sa kanya ay inaaway ko sa social
media at nagkumumento pa man din ng masasakit na salita (na parang pang-kanto)
sa mga oposisyon tulad ni Bise Presidente Leni, Trillanes, sa mga Aquino, Liela
Delima, Simbahang Katolika, atbp.
Maka-DU30 ako pero hindi na ngayon. Mabuti na lang hindi ako ang tipo ng tagasuporta
na panatiko. Mula nang tinawag niyang
istupido ang Diyos, nang hinamak at kinutya niya ang Diyos, nang hayagan
niyang kinondena ang mga aral ng Diyos para lang himukin ang mga taong mahihina
ang pananampalataya na iwanan ang Kristiyanismo o Katolisismo, iyun ang
naghudyat sa akin na itigil ko na ang pagiging maka-DU30. KUNG
KAHIT ANG DIYOS AY NAGAWA NIYANG TARANTADUHIN, GAANO NA ANG PILIPINAS? Gaano pa
kaya ang mga tao? Gaano pa kaya ako?
Nakakatakot kung ang Diyos na ang hinamak niya, anu pa kaya ang kaya
niyang gawin?
Nang inamin niyang "gawa" niya lang ang sinabi niyang
kaya niyang linisin ang krimen at droga sa Pilipinas sa loob ng tatlo hanggang
anim na buwan, napahiya ako sa sarili ko at sa mas nakararaming 34 milyong ayaw
sa kanya na hindi siya ibinoto. Ang
pakiramdam ko ay literal na na-uto ako pero niloko lang pala niya ako. Ang naniwala ako sa kanya, ito ang isa sa
pinakamalaking pagkakamali na nagawa ko. Kasi iyun talaga ang dahilan kung bakit ko
siya ibinoto. Hindi ko na tiningnan ang
kanyang edukasyon, karunungan, at ibang negatibong balita dahil nanalig ako sa
kagustuhan kong maging payapa na ang bansa ngunit maling-mali ako. May mga pinuri akong ginawa niya dahil kung
tama at maganda ay kailangang pasalamatan dahil hindi dahil hindi ka maka-DU30
ay mali na lahat ang paningin mo sa kanya.
May mga nagugustuhan pa naman akong mga ginagawa niya ngunit nagkataon
na mas marami na akong hindi gusto sa mga nakikita at kailangan ko itong punahin.
Ikaw, kung duble ang pamantayan mo na kapag ikanenegatibo
ng oposisyon ay mabilis inaaksiyonan pero sa kapanalig ay hindi (hal. Nahatulang
Imelda Marcos ngunit malaya habang si Delima na hindi pa napapatunayan ay
nakakulong, si Bato na hindi nagbiyan ng US visa ay mabilis na iginanti sa
pamamag-itan ng pagkansela ng VFA habang ang pagbabawal sa pagpasok ng mga
galing ng China dahil sa COVID ay mabagal at huli na), kung lahat ng ayaw kay
DU30 ay kaaway mo rin, kung sa kabila nito ay pinapanigan mo pa rin, kung tulad
ka rin ng pinagdaanan ko ay maka-DU30 ka pa rin, ano ka na sa palagay mo, ka pa
ba PANATIKO niyan? Tama man mo mali ang
iyong interpretasyon, hindi pagiging anti kung ikaw ay pumupuna upang ipaalam
mong may nakakakita sa mga nangyayari.
Ang mahalaga ay may mga matang nagmamatiyag sa kanila upang sila ay
maging maingat.
16MvsMe
16MvsMe