Tuesday, April 28, 2020

KUWARENTENAS SA PAMAMAHAY


Kung ang lahat lang sana ay makikiisa.
Kalimutan muna ang pansariling saya.
Magsipasok sa loob ng tahanan sana.
Huwag munang mamalagi sa kalsada,
magtsismisan, maglaro at maglamiyerda
upang mapigilan sakit na nakahahawa.

Kung mayroon kang puna sa pulitika,
maaari ka bang pakiusapan muna?
Hindi naman sinabing kalimutan mo na
kundi ating ipagpaliban lamang muna.
Tutal ito’y ilang araw lamang at sa una
kung kapalit ay mas maraming araw pa.

Isipin mo, kung hindi magtagu-tagumpay
pakiusap na kuwarentenas sa pamamahay
Dadami’t dadami pa’ng mga mamamatay.
Hahaba lang ng hahaba ang paghihintay,
pagtitiis, paghihirap at pati pagkalumbay.

Kung tatagal pa ito’t hindi maghumpay,
saan na patutungo ang ating buhay?
Paano kung mangyari wala ng maibigay
ang mga taong nakaluluwag sa buhay
pati iyung lingkod-bayan ay sumabay?
Magsisisi ka ba’t ika’y naging pasaway?
Damay-damay na nang walang karamay.

Kung wala ng maani dahil walang nagsasaka
walang mga de-lata dahil walang gumagawa
mga trabahante sa trabaho’y di makapunta.
sa kagagawan mong matigas ang mukha
pagtambay sa kalye’y magagawa mo pa ba?

Kung ang mga ito ay magpapatuloy pa
at kung talagang walang-wala na,
sa isang iglap, mundo nati’y nagbago na;
Mga pinaghirapan napunta lang sa wala.
Hanggang ang tag-gutom naramdaman na
at hindi malayong magkaroon ng giyera
upang malampasan lang itong epidemya.
Lahat ng pinaghirapan mula sa simula,
ang buhay natin ay magtatapos sa wala.

At saka ka magsisisi kung kailan huli na.
Salama’t ngunit mga luha mo’y aanhin pa?

Monday, April 27, 2020

TUBIG-DAGAT


Simula pa nuong unang panahon
nariyan ka, sa akin ay nagkanlong.
Ang ‘yong tinig, himig sa’king pandinig.
Kaaya-aya ka sa aking paningin.
Parang langit, lupa, tubig at bituin,
masasabi kong ikaw at ako ay iisa rin.

Isang tubig sa ating pagka-Pilipino
na dumadaloy sa ating mga pulo.
Bumibigkis ng parang sangdugo.
Aalagaan ka sa isip at sa puso.
Mamahalin ka nang buong-buo.
Tubig ng isang lahi ng tulad ko.

Yamang-dagat biyayang dulot mo,
iingatan kang huwag maglaho.
Mula sa langit, sa ilalim ay mga pulo,
dalisay na hanging masasamyo.
Ikaw ay para sa mga Pilipino.
Kasarinlang ipaglalaban ko.

Sa kanluran ay may paraiso.
Mga isla, sana’y huwag maglaho.
Ang  Pag-asa, Likas sa ating Pilipino.
Bantay sa Parola, Panata mo.
Lawak ng Patag na Kota, atin ito.
Mahalin mo’t huwag ipagkanulo.

Saturday, April 25, 2020

ANO AMBAG MO

Iyung manggaling mula sa Pangulo na sabihing "Ikaw ano ambag mo?" ay parang kawalan ng kakayahan, desperado at walang pag-asa.  Kung ngayon pa lang na tila hindi pa tayo umaabot sa tuktok ng epidemya ay ganyan na ang ipinakita niya, gaano pa kaya kung sumapit na tayo duon sa pinaka-tugatog ng krisis?

Para isumbat ito, ibig sabihin ay hindi niya talaga kaya ang trabaho.  Maaga pa lang ay sinabihan na siya ng mga tao kung ano ang dapat gawin pero matigas ang ulo, mapagmataas at nanaig pa rin ang katapatan at simpatiya sa Tsina.  Nasa kanya na ang napakalaking pera, kapangyarihan, mayorya ng gabinete at binigay na sa kanya ang karagdagang kapangyarihang pang-emergency na hinihiling niya upang magampanan daw ang pagtugon sa krisis, at biglang-bigla - ikaw ano ambag mo?  Parang nabaligtad at ngayon, ang mga tao na ang may kasalanan.  Pero may dalawang perpektong sagot ang mga tao sa tanong ng Pangulo – iyung buwis na kinaltas sa kanila ang kanilang ambag na ipinamahagi sa bahay-bahay sa halagang lima hanggang walong libong piso.  Ikalawa, ano ang ginawa mo, G. Pangulo sa mga ambag namin?

Hayaan muna natin ang Pangulo, dumako tayo sa ordinaryong mamamayang-Filipino.  Para sa mga mamamayang Pilipino, anu nga ba ang ambag mo sa nangyayaring krisis?
·  Frontliner ka ba?  Kung oo, maraming salamat sa iyo dahil may ambag ka!
·  Kung hindi, bukod sa dasal, nagbigay ka ba ng relief goods, o PPE o alcohol? Kung oo, maraming salamat sa iyo, may ambag ka!
·  Kung hindi, nag-organize ka ba ng fund drive para sa feeding program, o sa pangangailangan ng mga frontliners at mga tao? Kung oo, maraming salamat sa iyo, may ambag ka!
·  Kung hindi, nagdonate ka ba sa mga donation funds? Kung oo, maraming salamat sa iyo, may ambag ka!
·  Kung hindi, sumunod ka ba na mag-stay at home na lumalabas lang kapag kailangang-kailangan lang talaga? Kung oo, maraming salamat sa iyo, may ambag ka!
·  Kung hindi, ipinapaalaman mo ba kapag may nakita kang mali sa mga nangyayari para umayos ang paglaban natin sa COVID-19?  Kung oo, maraming salamat sa iyo, may ambag ka!
·  Kung hindi, nagbigay ka ba ng inspirasyon sa kapwa mo tulad ng paglikha ng awit, tula, kwento at pagguhit upang palakasin ang kanilang moral? Kung oo, maraming salamat sa iyo, may ambag ka!
·  Kung hindi pa rin, ipagdasal mo na lang na magtagumpay sila.  Maraming salamat sa iyo.  May ambag ka na. 

Ang bawat Pilipino, direkta o hindi tuwiran, ay mayroong ambag sa kaban ng ating bayan.  Sa bawat pagkain, bagay, at serbisyo ay mayroong nakapataw na buwis na binabayaran ng lahat.  Dahil walang makakaligtas sa buwis kaya lahat tayo ay mayroong ambag.

Friday, April 03, 2020

PATAAS NG PATAAS


Hindi nakapagtataka na pataas pa ng pataas ang kaso ng COVID at magpapatuloy pa ito hanggang hindi tumitigil ang mga tao sa kakalabas ng bahay kasi maraming pwedeng makahawa o mahawa.  Simula pa lang, mas gusto ko na ang mag-total travel ban sa mga nanggaling ng China dahil mas mabuti na ang umiwas kaysa mag-gamutan.  Ngayon, mas gusto ko na ang mag-total lockdown para wala ng lalabas ng bahay na puwedeng mahawa o maka-hawa.  Napakahalaga ng pumirme tayo sa loob ng bahay kasi:
1.  Kapag ang isang tao ay nahawahaan ng virus, isa hanggang tatlong araw pa niya mararamdaman ang mga sintomas.
2.  Habang hindi pa niya nararamdaman ang mga sintomas, lumalabas pa siya ng bahay at nakikisalamuha sa ibat-ibang tao kaya sa unang araw pa lang niya ay nakakahawa na siya.
3.  After three days na naramdaman na niya ang mga sintomas, saka pa lang siya magpapatingin sa doctor at duon pa lang siya iku-quarantine.
4.  Sa loob ng isa hanggang tatlong araw na lumalabas pa siya ng bahay ay napakarami na niyang nahawahan bago pa man siya i-quarantine.
5.  Kung ang bawat isa sa nahawahan niya ay katulad din niya na lumalabas ng bahay, ibig sabihin marami na rin silang nahawahan bago sila magquarantine.  At yung mga nahawahan nila ay lumalabas din na bahay, talagang papataas ng papataas talaga ang kaso ng COVID.
6.  Kaya napakahalaga kung mamalagi muna ang mga tao habang may enhanced quarantine kasi kung sumunod lang ang mga tao na “mamalagi muna pansamantala”, hindi siya makakapanghawa ng maraming tao at madaling mag-trace ng kanyang mga nakasalamuha para isailalim agad sa PUI at PUM.
7.  Namamatay ang virus na nasa pinto ng mall, hawakan sa tindahan, sa upuan sa jeep, atbp, sa loob ng ilang oras lang.  Kung walang tao sa mga kalsada, sa mga pampublikong sasakyan at mga pamilihan, walang kakapitan ang virus hanggang mamatay ito.  Sana ay maunawaan ito ng mga tao.  Ganito kasimple kapag sumunod ang mga tao na mamalagi muna sa kani-kanilang mga bahay.

Ang mga ito ay iyung para sa usaping “stay home” pa lamang.  May iba pang mga dahilan kaya pataas ng pataas pa ang bilang ng COVID cases.
8.  Marami ang hindi nate-test dahil sa limitadong testing kit natin.  Kaya marami ang mga hindi narereport na kaso ng COVID.  Kung kakaunti ang nate-test, kakaunti din ang mga taong sumasailalim sa imbestiga at monitoring, at yung maraming hindi nate-test, magpapatuloy silang makahawa.
9.  Walang pera ang DOH.  Kung hindi sana kinaltasan ang budget nito, umpisa pa lamang ay nakagawa na sana ito ng mga testing kit at naihanda ang mga pasilidad.  Enero pa lang ay putok na ang outbreak na ito pero hindi pa rin nakapaghanda nang mabuti ang gobyerno.
10. Patuloy pa rin ang pagdating ng mga tao mula sa mismong bansa na pinagmulan ng virus.  Nang nagkaroon ng unang kaso sa bansa ay malambot ang paninindigan ng bansa sa pagpapasok sa kanila, hanggang ngayon ay malambot pa rin ang bansa.
11. Mahina ang diskarte ng gobyerno.  Kitang-kita ito sa mga desisyon nila at mabagal na pagkilos tulad ng hindi agad pag-travel ban sa China, magulong direksiyon tungkol sa quarantine protocol, at mabagal na pagtugon sa tao.
12. Kaysa atupagin ang pangangailangan ng mga frontliners at mga pasyente ay mas pinagtuunan nila ng pansin ang pakikipaglaban sa mga kritiko nila.  Puro lang sila banat sa mga oposiyon at puro lang sila papogi, paprescon, at papress release kaya pataas ng pataas ang kaso ng COVID-19.

Para mapigilan ang pagdami ng COVID-19, dapat magtulungan ang Gobyerno at mga mamamayan.  Gawin sana ng mga tao ang parte nila at gawin din ng pamahalaan ang responsibilidad niya.  Makiisa sa home quarantine para matapos na ito dahil kung hindi ay panibagong pagpapalawig pa ang kakailanganin.  Pinigilan ng gobyerno ang mga tao na maghanap ng pera na pambili ng pagkain nila, kaya kailangan bigyan ito ng gobyerno ng pagkain.  Ginagampanan ng mga duktor, nurse, sundalo, pulis at ng mga katuwang nila ang kani-kanilang trabaho, sana ay tulungan sila ng gobyerno na suportahan sila upang lumakas pang lalo ang kanilang kompiyansa at kalusugan.

PAGKABALISA SA ISIP DAHIL SA COVID-19


Sa isang banda, bukod duon sa mga taong kailangang lumabas ng bahay upang humanap ng pagkakitaan, ramdam ko ang ilang tao na hindi mapigilang lumabas ng bahay kahit kailangang pumirme sa loob ng kanilang pamamahay.  Ramdam ko ang pinagdadaanan nilang mga takot at sobrang lungkot na tumatakbo sa kanilang isip.  May epekto ang home quarantine – ito ay ang pagkabagot at sobrang lungkot sa isip.  Kung sa maghapon ay wala kang nakikita kundi ang apat na sulok ng iyong bahay, dadalawin at dalawin ka talaga ng pagkainip.  Iyung kapag nasa bahay ka at walang ibang pumapasok sa iyong isip kundi iyung mga  malulungkot at nakakatakot na nangyayari sa paligid, aatakihin ka talaga ng pagkabalisa ng kaisipan.  Sa usaping medesina at pangkalusugan, nakakaranas ang ilang tao ng pagkabalisa sa kaisipan (mental distress) na nagpapalala sa kanila kapag nasa loob ng bahay.

Kung ako na isang likas na nasa bahay lang ay nakaranas ng pagkabagot sa bahay, iyun pa kayang mga taong sanay o likas ang personalidad na laging nasa labas ng bahay?  Napakahirap kapag dinalaw ka ng pagkabagot at pagkabalisa ng isip.  Alam na alam ko ito dahil may personal na karanasan ako sa ganito at sasabihin ko, para kang mawawala sa katinuan.  Pero para sa ating kaligtasan ay kailangang lumagi tayo sa loob ng ating bahay.  Para sa ikatatapos ng pandemniya na ito ay kailangan natin itong gawin.  Hindi ordinaryo at malaiit na bagay ang kinahaharap natin ngayon.  Kung mahirap para sa iyo ang magkulong sa loob ng pamamahay, kailangang magtiis ka.  Kailangang paglabanan mo ito.  Isipin mo na lang na pagkatapos ng lahat ng ito, muli mong mararanasan ang makita ang mundo at malanghap ang sariwang hangin.  Tandaan mo na lang na hindi naman ito permanente. 

Para sa akin, ang bahay ang pinakamaganda, pinakaligtas at pinakakomportableneg lugar kaya walang problema sa akin ang mamalagi nang maghapon at magdamag sa loob ng bahay kahit ilang araw pa man yan.  Kaya kong palipasin ang bawat araw nang napakabilis.  Ngunit para sa mga taong nakakaranas ng mental distress, kailangan ninyong hanapan ng pagkakalibangan ang inyong pag-iisip.  Kailangan ninyong tingnan ang mabuting maidudulot ng nasa loob ng bahay, at isipin ninyo na sa bawat hindi magandang nangyayari ay may kabutihan pa rin itong naibibigay sa atin.  Kung nababagot ka, kailangang hanapan mo ng lunas ang pagkainip sa loob ng bahay.  Bakit hindi mo ito gawing pagkakataon na magkausap-usap ang buong pamilya?  Makipaglaro ka o turuan sila sa pakikipaglaban sa buhay o sa paaralan.  Gawin mo itong pagkakataon na ikuwento mo sa iyong mga anak kung ano ang iyong buhay nuong ikaw ay katulad pa lang nila na bata pa.  Gawin mo itong pagkakataon upang makipagkwentuhan ka sa iyong mga magulang at kapatid.  Kausapin mo ang mga kasama mo sa bahay, magtanong ka sa kanila kung ano ang kanilang mga karanasan sa eskwelahan, kapit-bahay, mga kaibigan at sa trabaho.  O baka ito na ang pagkakataon na kausapin mo ang kasama mo sa bahay tungkol sa dinadala mong suliranin kung meron man.

Habang nasa gitna ng krisis na dulot ng COVID-19, marami pang maaaring gawin upang labanan ang lungkot.  Maaari mo ring gawin itong pagkakataon na hanapin ang iba mo pang kayang gawin.  Baka kaya mong magsulat ng mga kwento, tula, at kanta.  O baka kaya mo ring magpinta. O sa makabagong panahon ngayon, baka marunong ka palang mag-vlog, bakit hindi mo subukang gawin?  O maaari din namang  may iba ka pa palang talento.  Mapalad tayo at nabubuhay tayo sa panahon ngayong napakarami ng pagpipiliang mapaglilibangan sa internet at social media.  Maraming mga nakakatuwang palabas ang maaari mong panoorin upang mawala ang mga bumabagabag sa isip mo dahil sa COVID-19.  Isa ito sa nakatulong upang mapaglabanan ko nuon ang takot at lungkot, maaaring makatulong din sa iyo.

Totoong nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa.  Sa kabila ng mga pagsisikap mong hanapin ang makakapagpatahimik sa iyong isip, isa sa napakalaking magagawa upang labanan ang dinaranas na lungkot ay ang lumapit ka sa Diyos o magbalik-loob sa Diyos.  Sa bawat dinaranas nating kabiguan, kalungkutan at kahirapan, hindi ba’t malaking kaluwagan sa dibdib kapag ikaw ay nagdasal?  Ibigay mo sa Kanya ang iyong buhay at mararamdaman mo ang kapanatagan ng isip at dibdib.  Siya ang mamamahala at maniniwala ka na ang lahat ng ito ay matatapos din.