Para Sa mga Kandidato: Marami sa mga kandidato ay ginagamit na
lang ang kalagayan ng mga tao dahil alam nila na marami mga ignorante o
mangmang na botante. Pinagtutuunan nila
ng pansin ang mga gimik kung paano makukuha ang atensiyon at interest ng mga
tao kaysa sa ipakita ang kanilang mga katangian at kakayahan. Narito ang mga ugali ng mga kandidatong
manggagamit.
. Trapo. Naging
tradisyon na ng mga kandidato na kapag tatakbo sa eleksiyon ay mangangako ng
mangangako pero mapapako, o magsasalita ng mga magaganda para mambola.
Naging tradisyon na rin sa kanila ang manira ng mga kalaban at gumamit ng pera
para manalo.
. Mapolitika. Balimbing, kung
sino ang nasa kapangyarihan ay duon sila sumisiksik upang ma-secure ang
kanilang kinalalagyan. Kung kinakailangan pang mag-sipsip upang mapalakas
pa ang seguridad. Sila ang literal na mapolitika - politika na ay
pinupulitika pa.
. Walang Alam. May tatlong
grupo ang mga kandidatong gustong tumakto pero walang alam: Sikat,
Mabait, at Kaibigan. Tumatakbo sila dahil may potensiyal silang manalo
kahit walang kaalaman sa papasukin. Ang puhunan lang ay dahil sikat,
kabaitan na kilala ng mga tao, at dahil kaibigan ng kasalukuyang malakas na
politiko. Idagdag ko na rin na hindi totoong kapag mayaman ang kandidato
ay hindi na mangungurakot kapag naruon na sa posisyon dahil matindi ang tukso
kapag naka-puwesto na ang tao.
. May Kasalanan. Sila yung mga
kandidato na alam naman ng mga tao na nahatulan na ng kaso, may nakabinbing
kaso, at may nakalipas na anomalya pero ang lakas ng loob na tumakbo.
Kung ganun, paano mo masisiguradong hindi sila muling gagawa kung ang moralidad
at decency ay wala sa kanila? Kung politiko kang nahatulan, patunayan mo
ang sarili mo bilang ordinaryong mamayan, hindi sa pamamag-itan ng posisyon.
. Mangbubudol. Sila yung mga
kandidato na ang ginagawa ay pinaglalaruan nila ang kapintasan ng mga
tao. Parang ang lahat ay isang palabas lang na dahil mahilig sa tawanan
ang mga tao ay magpapatawa at sasayaw siya ng uso. Dahil mas marami ang
kulang sa aral ay sasabihan niya ito ng mga bagay na napakaganda kahit
imposible pero gugustuhin ng mga tao dahil nga napakaganda. Konektado ito
sa #1 sa punto ng pambobola.
Anumang pangako na masyadong napakaganda na para maging totoo o
imposible – scam o budol ito. Huwag magpapaloko/magpabudol at huwag
magpabiktima sa mga kandidatong nabanggit dahil dito pa lang ay masusukat mo na
ang kanilang kakayahan, katatagan at uri. Kapag nanalo ang katulad nila,
magsisimula na naman tayo sa wala/zero, panibagong anim na taon na naman ng
kapalpakan, at uulit lang tayo sa mga dati na nating reklamo.
Sa madaling salita, kapag ang kandidato ay hindi
nagpapakita ng siryosong pagtrato sa kanyang kandidatura, hindi mo siya maasahang
sisiryosohin ang posisyong ibinigay mo sa kanya. Kapag sa simula pa lang
ay hitik na siya ng dungis, kalat at kasinungalinan, anong malinis na
pamamalakad ang aasahan mo? Magiging epektibo ang eleksiyon kung ang
mahahalal ay tapat. Hindi man sila santo at hindi natin sila
nasusubaybayan ng 24-oras, pero kung may nakikita naman tayo na walang
korapsiyon, walang kinasangkutang kaso, at may lehitimong may mga nagawa,
malamang sa malamang ay sa kanya natin ibigay ang ating boto.