Ang katayuang sibil ko ay isa sa mga pinaka-ayaw kong
pag-uusapan. Hindi dahil may kimkim akong galit, ang totoo nito ay
talagang wala naman, kundi ayaw ko lang pag-usapan dahil una hindi ako
interesado, pangalawa ay hindi ako komportable at pangatlo ay hindi na
kailangan. Para sa sarili ko, hindi naman ito malaking isyu sa akin,
hindi ko ito ikinahihiya at masaya ako sa buhay ko. Pero kapag yung nasa
labas na ako ng aking mundo na ang pamantayan ng sukatan at simbolo ng tagumpay
at halaga ng tao ay ang pagiging kasal – nasasaktan ako lalo kapag iyung tila iniuupo
ako sa isang nag-iinit na silya o inilalagay ako sa gitna na tinatanglawan ng
lente. Ito ang pangunahing dahilan kaya
ayaw kong magpunta sa mga muling pagsasama-sama, pagtitipon at pagkikita ng mga
magkakamag-anak, magkakaibigan, dating magkakaiskwela at mga magkakatrabaho
dahil panigurado na matatanong ako tungkol dito at ang kasunod niyon ay tatanungin
ka pa kung bakit. Kaya nakaka-ilang
magpunta sa mga pagtitipon na ganuon dahil sa mga mapanakit na tanong tungkol
sa katayuang-sibil.
Upang magsalita para duon sa mga nakaka-ugnay at nakakadama sa mga
taong may katulad na kalagayan. Ang lahat ng nangyayari ay may dahilan at
ayon sa plano. Hindi lahat ng tao ay makakapag-asawa at walang masama
kung hindi ka nag-asawa. Isipin nyo na lang na hindi lahat ng tao ay
matibay para suungin mag-isa ang buhay. Hindi lahat ay matapang na kayang
harapin ang mga hamon sa buhay nang nag-isa at walang katuwang. Hindi
lahat ng tao ay biniyayaan ng Diyos ng kakayahang maging matatag at mabuhay
nang mag-isa. Marami diyan ang malayo lamang sandali sa kanilang kabiyak
ay hindi makaya ang hindi maghanap ng makakasama. Marami din ang mga
taong nagpakasal lamang para masabing nagawa ang silbi sa buhay na
makapag-asawa, at marami din sa kanila ang may miserableng buhay-may-asawa.
Kaya ikatuwa mo kung ikaw ang tao na mayroong katangiang matatag, matibay ang
loob at may talinong mabuhay nang nag-iisa.
Para sa mga tao sa
paligid-ligid. Maaaring sa inyo ang katuparan ng lahat, ang kahulugan ng
lahat-lahat at ang pinakamahalaga sa buong planetang ito ay ang pag-iisang
dibdib, alalahanin ninyong ito ay para sa inyong palagay lamang. May mga
tao pa rin sa ibat-ibang bahagi ng mundong ito ang ayaw magpakasal, hindi
naniniwala sa kasal at hindi makasal-kasal. Nasa sa tao din kasi kung
saan masaya, gaano makuntento, at paano tingnan ang buhay. Sana lang ay
maging sensitibo kayo na ang taong tumanda nang nag-iisa ay napapahiya kapag
tinatanong kung bakit nag-iisa. Sana ay sa sarili pa lang ninyo ay kayo
na ang umunawa sa mararamdaman ng kapwa ninyo, at kayo na ang kusang umiwas na
masaktan ninyo sila. Sana lang ay ikonsidera ninyo na ang mga bagay
sa pagiging soltero at soltera ay isang pribadong bagay na hindi basta-basta
inuungkat sa isang tao, maliban na lamang kung totoong napakalapit ninyo sa
isa’t-isa.
Aminin natin, kahit anung paliwanag ng isang taong hindi nag-asawa,
lahat kayo ay ipipilit pa rin na dapat ay mag asawa ang isang tao para magkaroon
ng anak, ng pamilya, kasama sa pagtanda at mag-aalaga. Alam na ng mga taong ito kung ano ang
magiging buhay nila kapag matanda na sila nang nag-iisa kaya pinaghahandaan
nila ito. Ang pag-iisa ay nasa
pagtanggap. Hindi ito aksidente na hindi maiiwasan na wala kang
magagawa. Pinili ko ito. Kung para masabing kasal lang ay magagawa
ko ito pero alam ko sa sarili ko kung ano ang tama at kung ano dapat. Ang
pagpapakasal ay hindi para lamang masunod mo ang sinasabi nilang ang tao ay
ginawa upang magparami gaya nga ng luma, madalas at gasgas na dahilan ng mga
taong nakapag-asawa. Ang buhay ay hindi lamang tungkol sa
pagpaparami. Tao ka at hindi hayop Ang buhay mo ay hindi
masusukat ang tagumpay, katuparan, silbi at kahalagahan nito sa dami ng naging
anak kundi kung paano mo tuturuan ang iyong kapwa, anak mo man o hindi, ng
pagmamahal sa sangkatauhan, sa mundo at sa Diyos.