Saturday, July 01, 2017

ANG ATING TINGIN SA SARILI

Sa palagay ko kahit papaano ay alam ng ating sarili kung tayo ay may ginagawang mali o may nagagawang mga kasalanan.  Oo, hindi sa lahat ng pagkakataon ay maaari nating makita ang ating sarili pero may mga pagkakataon na alam natin ang ginagawa nating mali.  Ako mismo sa sarili ay naiisip ko minsan kung tama ba ang ginagawa kong pakikitungo sa aking kapwa.  May mga pagkakataon kasi na hindi ko pinagbigyan ang hinihingi ng aking kapwa kahit kaya kong ibigay dahil hindi ko lang talaga siya maramdaman bilang isang kaibigan.  Sa ganitong pagkakataon ay alam kong lumalabas ang hindi magandang ugali ko.  Gusto ko lang sabihin na may  mga oras na alam natin kung mayroon tayong ginawang hindi mabuti, mali at kasalanan sa ating kapwa.  Kaya nga minsan hindi ba’t nakakaramdam tayo ng pagsisisi o pagkakunsensiya sa bagay na ginawa natin?  Depende na lamang sa atin kung paano natin ito dinadala at pinanghahawakan at kung paano natin tingnan ang ating  sarili.  Subalit ang mas masama nito ay kung yung alam na natin na tayo ay may kasalanan at kamalian ngunit wala tayong ginagawa upang  maitama ang ating sarili.  Maaaring hindi naman kailangan balikan ang kamalian para itama ang iyong sarili lalo na kung ito ay maliit lamang ngunit ang hindi ito gawin muli sa iyong kapwa ay sapat ng pagtatama sa iyong sarili, bagay na alam nating mahirap gawin.

Sa pagmumuni natin sa ating sarili, alam natin na may mga tinutulungan tayong tao, nakikipag-kaibigan tayo sa mga kasamahan natin, ipinapakita natin ang mga magaganda nating ugali sa mata ng maraming tao at sinisikap nating maging masaya sila sa presensiya natin upang makilala nila tayo na isang mabuting-tao.  Alam natin ang mga ito at hindi natin ito kinakalimutan.  Ngunit tinatanong ba natin ang sarili kung anu-ano naman ang ating mga nagagawa at mga ginagawang mali at hindi magaganda?  Makabubuting pag-isipan din natin kung anu-ano ang ating mga kamalian at kasalanan upang patas na masurin natin an gating sarili.  Alam natin na mayroon tayong mga inargabiyado, niloko, pinintasan at ibinagsak na kapwa natin.  Maaaring nagagawa natin ito sa mga hindi mahalagang tao sa atin, sa mga may ginagawang mali sa atin, sa mga ipinapalagay nating mababa sa atin, o sa mga taong hindi lang natin talaga gusto.  Kapag mayroon tayong kilalang tao, o kapag may isang taong naungkat sa gitna ng pag-uusap, kapag ang nasabing tao ay hindi natin kapalagayan, malayo ang loob natin, o mayroon tayong hindi magandang karanasan o saloobin sa ugali, trabaho o sa nakaraan. Kung minsan pa nga, itinanong lang sa atin ang isang tao ay bukod sa direktang sagot sa tanong ay nagpapahabol pa tayo ng mga hindi magagandang bagay tunkol sa taong itinanong sa atin.  Dahil siguro hindi natin kursunada ang taong iyon, mayroong tayong kimkim na galit, o dahil hindi mabuting tao ang nasabing tao.  Alam natin na bilang isang tao ay hindi ito magandang gawain pero ginagawa pa rin natin dahil mayroon itong hatid na kakaibang saya, o isa itong katuparan para sa sarili natin.  Alam natin na may malit tayong ginagawa pero ang ikinakatwiran na lamang natin sa ating mga sarili ay nagpapahayag lamang ng saloobin.  Ganuon natin pinanghahawakan ang sitwasyon mabigyang hustisya lang ang ating sarili.

Bilang tao ay marami tayong maaaring magawang mali.  Hindi dahil ang alam natin ay masaya at masarap tayong kasama at kausap kaya ang akala natin sa sarili ay mabuti tayo, dahil ang totoo ay maaaring masayahin lamang talaga tayo at hindi mabait.  Mabuti ka man sa iyong kamag-anak at kaibigan, masaya ka man kasama at makisama ngunit mayroon ka namang ginagawang maliliit na pang-uumit, pakikiapid sa hindi mo asawa, may ginagawang pangloloko sa trabaho, kinukuha ang gusto sa hindi patas na paraan, at marami pang iba ay masasabi mo pa ba na isa kang mabuting tao?  Pagpapatunay ito na hindi lang sa panlabas dapat maging mabuti ang tao kundi mas higit sa mga hindi nakikita ng ating kapwa.  At hindi lamang sa direktang pakikisalamuha mo sa kapwa upang maging mabuti kang tao kundi sa pagtrato mo rin sa ibat-ibang bagay tulad ng usaping pulitika, paniniwala at pansariling opinyon.  Kung ang maliliit na bagay sa relasyong pakikipagkapwa-tao ay nalalaman natin, gasino pa kaya ang mga malalaking kasalanan?  Sa sinasabing hindi natin nakikita ang sarili nating kamalian, hindi maaring sabihin na wala tayong alam sa mga ginagawang mali upang hindi tayo magbago at magpakabait.  Kung tayo ay isang patas na tao, madali para sa atin na malaman kung tayo ay may ginagawang mali.  Pero ang tao bilang sibilisadong tulad natin ngayon, alam na natin ang tama at mali kaya nasa atin na lamang kung magbabago tayo o hindi.

No comments: