Friday, July 14, 2017

SA UNANG ISANG TAON

Sa unang isang taon ni Pangulong Duterte (PDigong), nananatiling umaasa pa rin ako na mababago, malilinis, mapapatahimik at maiaangat niya ang Pilipinas.  Ipinagpapauna ko na, gusto kong sabihin na nanatiling pinagmamalasakitan at kinikilala ko pa rin si PDigong.  Ngunit maraming makukulay na pangyayari ang naganap sa unang isang taon pa lang niya sa panguluhan na masasabi kong negatibong nagpabago ng pagtingin ko sa kanyang liderato.  Ngunit maraming hindi man ako sang-ayon sa mga nangyayari ay hindi ibig sabihin nito ay tinatalikuran ko na si PDigong.  At hindi dahil hindi ko gusto ang mga iyon ay hindi ibig sabihin ay puro hindi magaganda na ang masasabi at nakikita ko sa pamunuan niya dahil hindi  ako ang tao na kapag hindi gusto ang isang bagay ay puro negatibo na ang pagtanggap ko dahil ang totoo ay binibigyan ko ng pagkakataon na makita ang mga positibo.  Suportado ko ang pagdeklara niya ng martial law sa Mindanao dahil nakikita kong mayroon nangyaring rebelyon.  Tanggap ko ang pag-lapit niya sa mga komunista sa hangaring magkaroon ng kapayapaan.  Binale-wala ko ang pag-tanggal niya sa Bise-Presidente mula sa gabinete niya upang mabawasan ang posibilidad na hadlang sa pagtratrabaho niya.  Gusto ko ang adhikain niyang masugpo ang droga at ang katangian niyang pinunong may boses na nakakaimpluwensiya sa mga tao.

Sa pangkalahatan ng isang taon ni PDigong sa pagkapangulo, suportado ko pa rin siya iyun nga lang hindi na buo (solid) dahil may mga bagay akong nakikita na hindi ko gusto.  Ayoko naman umayon ng umayon na lamang sa mga bagay na tingin kong mali at labag sa prinsipyo ko.  Tulad ng unang-una ay ang kanyang walang patumangga at malulutong na pagmumura sa harap ng telebisyon o ng maraming tao na napapakinggan ng mga bata.  Oo, nuon pa mang panahon ng kampanya ay nagmumura na siya pero nuon ay hindi pa siya tinitingala ng lahat ng Pilipino. Sa pag-upo niya bilang isang Pangulo ay may responsibilidad na siya na kailangang ipakita sa mga tao.  Bawat salita at kilos niya, maganda man o hindi maganda ay nakikita at naririnig ng mga tao.  Ang isang mali kapag nakikita ng mga bata sa isang matanda lalo pa at isang makapangyarihang tao ay nagiging tama.

Ikalawa ay ang pagsuporta ni PDigong sa patayan.  Ang pagpatay kahit kailan ay mali at ang mali ay kahit kailan hindi maitatama ng isa pang mali.  Ang paniniwala niya na patayin ang tao kapag ito ay masama at nagkasala ay hindi ko natatamaan dahil nawawala ang batas, para ano pa’t ginawa ang batas kung dadaanin sa EJK at summary execution ang hindi malutas na kaso?  Binigyan niya ng lakas at tapang ang kapulisan na pumatay na alam naman nating bago pa man siya dumating ay notoryus na sa mga katiwalian kung kaya nang ipagtanggol niya ang mga ito ay nagawa ang kanilang mga asal, kung sana’y nilinis muna niya ito bago ang kanyang todo-giyera kontra droga.  Iyung parang tama lang sa kanya ang karahasan, at imungkahi ang pumatay sa halip na pairalin ang batas, ito ang mga nagda-dagdag ng hindi ko pagkagusto sa kanyang liderato.

Ikatlo, ang pagdiin ni PDigong kay Senadora Leila Delima na sa umpisa pa lamang ng kanyang pagpasok sa Malacanan ay sinugurado na niyang makukulong ito.  Tila isang diktador at ang gusto ay masusunod ang anumang gusto, hindi ko nagustuhan ang ginawa niyang pagsasapubliko ng kanyang kagustuhang pagwasak sa isang mortal niyang kalaban at kritiko.  Bendeta, nakikita ko ito bilang isang personal na paghihiganti at hindi bilang isang pambansang kabutihan.  Nakita naman din natin kung paano trinato at winasak ang pagkatao ng kanyang inaakusahan pa lamang.  Dumating pa sa punto na lumalabas ang pagkamasoganista at pagkawalang respeto sa babae kung hindi niya rin lang kadugo.  Hindi man nya sabihin na hindi niya pakikialaman – bilang Pangulo ay mayroon na siyang impluwensiya sa mga taong siya mismo ang kumuha, na gawin ang lahat maipakita lang na kailangang ikulong ang kalaban ng Pangulo.

Ika-apat, ang pag-iwan ni PDigong sa Amerika upang kumapit sa Tsina.  Iyung kung anu-anong mga kamalian at mga hindi magandang nakaraan ng Amerika ang ibinunyag upang patunayan lang na mas dapat piliin ang Tsina.  Iyung palabasin na hindi kailangan ang Amerika dahil makakatayo ang Pilipinas sa sariling mga paa pero may mga plano na palang umutang sa Tsina nang may malaking tubo.  Na sa kabila ng ginagawang pag-angkin ng Tsina sa teritoryo ng Pilipinas, sa kabila ng hayag na mas marami ang hindi may-gusto sa Tsina, at sa kabila ng matagal ng alam ng marami ang reputasyon ng Tsina ay pinalalabas niya na sa Tsina dapat kumapit ang Pilipinas.  Na malalaman na lamang na mayroon palang personal na hinanakit sa Amerika kaya ganun na lamang ang pag-itsapwera niya dito – personal na dahilan pala sa halip na pambansang kabutihan.  Bakit kailangang gumawa ng kaaway para magkaroon ng bagong kaibigan?

Ika-lima, ang pagpapalibing kay dating Pangulong Ferdinand E. Marcos sa libingan ng mga bayani.  Higit sa dahilan niyang panahon na ng pagkakaisa at pagtuldok sa matagal ng usapin, ang pagpupumulit dito ni PDigong ay bilang pagtanaw lang ng utang ng loob sa pamilya-Marcos at bilang pagkilala niya sa idolo niyang namayapang Pangulo.  Lumalabas na isa pa rin itong pansariling kagustuhan kaysa sa pambansang kabutihan dahil lumalabas na hindi ito ang sagot sa idinahilan niyang pagkaka-isa ng mga Pilipino bagkus ay mas hinati nito magkakalabang taga-suporta.  Hindi sapat ang dahilan na kasama ito sa mga ipinangako niya nuong kampanya dahil pinagbigyan lang niya ang mga may gusto nito na di hamak na mas marami ang mga pinagsama-samang hindi siya ibinoto dahil hindi gusto ang kanyang pangako.

Ika-anim, ang pagbibigay ni PDigong ng puwesto sa gobyerno bilang pagtanaw ng utang ng loob at pasasalamat lamang sa mga taong tumulong sa kanya kahit salat sa kakayahan, karanasan, at karunungan.  Ang mga taong ito na puro pamumulitika ang ginagawa na walang ipinagkaiba sa mga nakaraang personalidad na kanilang tinutuligsa ngayon.  Paano ko masisikmurang suportahan ang mga taong tadtad ng pamomolitika at pasimuno sa pagpapakalat ng mga mali-mali at hindi beripikadong inpormasyon?  Paano ko paniniwalaan ang mga taong halatang-halata na nagpapakabait lamang sa Pangulo upang sila ay maging malakas, maimpluwensiya at sikat?  Paano ko igagalang ang mga taong nagsisiga-sigaan at umaabuso na sa kanilang mga pwesto hindi o wala pa man martial law?

At ang pang-pito.  Ang pag-ganti ni PDigong sa mga kalaban niya na taliwas sa kanyang sinabi nuong unang SONA niya na hindi siya ang tao na naghahanap ng mali ng nakaraang administrasyon, nagtuturo ng mga may kasalanan at gaganti dahil ayon sa kanya ay pag-aaksaya lang ang mga ito ng mahalang oras niya.  Ang ginagawa niyang panghihiya muna (sabay pagwasak na rin) at saka na lamang magpaliwanag at patunayan ang kanyang paratang ay labag na sa karapatang pantao.  At sa kagustuhan niyang gumanti, ginagamit niya ang droga para iugnay ito sa mga kalaban na para bang ang droga na lamang ang suliranin ng bansa at ito ang pangunahing problema.  Unang-una ay siya ang gumawa ng problema na masyado niyang ineksaherado ang problema sa droga.

Matagal pa ang tatakbuhin ng administrayon na ito at mahaba-haba pa rin ang panahon na bubunuin upang maibigay sa mga tao ang tunay na serbisyong inaasam ng taong-bayan.  May limang taon pa para bigyan ng pagkakataon na patunayan ang kagalingang pamunuan ang bayan at ipakita ang kanilang pagkamakabayan upang maibigay ang tunay na pagbabago na parehong sasang-ayon ang mga kapanalig man o hindi kapanalig.  Mula ng nagsimula, binibigyan ko ang sarili ko ng isa hanggang dalawang taon upang mawala ang aking mga agam-agam sa kakayahan ni PDigong upang pamunuan ang bansang matagal-tagal na rin naghihintay ng tunay na magpapabago sa Pilipinas.

No comments: