Monday, July 17, 2017

TRABAHO O PAHINGA

Sa edad ko ngayon ay nakakaramdam na ako ng kagustuhang magpahinga na sa pagtratrabaho at maglibang at magpakasaya na lamang mula sa pagpapakahirap sa buhay.  Hindi dahil nahihirapan o nagsasawa na ako sa pagtratrabaho kundi gusto ko ng harapin ang susunod na yugto ng buhay ko.  Gusto kong magbantay na lamang sa mga malilit na apo, magtanim ng mga halaman, puno at gulay sa bakuran, bisitahin ang mga kamag-anak at kaibigan, mamasyal sa tabi-tabi at bantayan ang itinayong tahanan.  Gusto ko ng tumigil sa pagtratrabaho at manatili na lamang sa Pilipinas NGUNIT hindi maaari.  Hindi maaari dahil hindi rin naman titigil ang pagdating ng mga pangangailangan sa buhay.  Hindi titigil ang pagngangailangan at wala akong malaking pagkukuhanan para isugarado ang mga pangangailangang ito sa buhay.  Oo, gusto kong libangin na lamang ang aking buhay pero paano ako magiging masaya kung hindi ako makapagtanim at mabantayan ang mga bata dahil kinakapos ako at kailangan ko pa ring magtrabaho?  Iyung sinasabing hindi baleng kapusin basta’t sama-sama, hindi ko ito kaya dahil aanhin ko ang magkakasama nga ngunit pare-parehong nahihirapan?  Oo, kung sarili ko ay kaya kong sumaya nang walang malaking pera ngunit hindi lamang ako mabubuhay para sa sarili ko.  Tanggapin man natin o hindi ay sa kayaman pa rin iikot at iikot ang buhay natin.

Ayaw kong magsalita ng tapos, ngunit kung ako lang ang masusunod, kung maari ay gusto ko ng tumigil sa pagtratrabaho at ayaw kong umabot sa edad na sisenta na nagtratrabaho pa dahil gusto kong magretiro nang maaga upang matagal-tagal din akong makapaglibang sa buhay.  Ngunit hindi natin hawak ang hinaharap, kung sakaling naruon na ako sa dakong iyon at kahit nahihirapan ay masaya pa naman sa pagtratrabaho dito sa ibayong-dagat, kailangan pa naman ako sa aking pinagtratrabahuhan at gusto ko pa rin ang buhay sa ibang bansa, malamang ay ipagpatuloy ko pa rin ang pananatili ko dito.  Kung ako’y sisenta na at nagtratrabaho pa, wala akong magiging pagsisi hanggat nagsasaya ako sa aking ginagawa.  Kaya hindi ko pinupuna iyung mga nagtratrabaho pa kahit nasa higit na sa taon dahil maaaring mangyari din sa kin ang ganuon.  Ganun din ang gagawin ko kung masaya ako sa ginagawa ko.  Hindi naman kasi ako nalulungkot sa kondisyon ng buhay ko at wala naman akong malaking hinaing o suliranin upang iwanan ko ang aking trabaho nang ganun na lamang.  Kaya hindi ko rin sasabihing kailangang tumigil na sa trabaho kapag nagsisenta na dahil depende ito sa sitwasyon at kung masaya ka naman sa ginagawa mo ay bakit titikisin mo ang sarili mo.

Sa ngayon, ang kalaban ko lang naman dito ay kapag dumating ang oras na magkaroon ng malawakang pag-babawas ng mga banyagang trabahador.  Iyung pauuwiin na ako dahil kailangang ibigay sa katutubo ang trabaho ko dahil sa lumalaki nilang kawalan ng trabaho para sa mga mamamayan nila.  Pero kung yung sinasabing matinding lungkot ay hindi ako kayang pasukuin nito.  At iyung sinasabing mahirap ang buhay ng Pilipino sa ibang bansa ay para sa akin ay hindi naman dahil hindi mahirap para sa akin ang nag-iisa, ang malayo sa mga mahal sa buhay, ang walang nag-aasikaso at walang matatakbuhan.  Wala sa akin ang pangungulila ng kawalan ng pamilya hindi dahil hindi ako mapagmahal sa aking pamilya kundi dahil likas na malakas ang loob ko.  Nalulungkot siyempre at naghahangad ako na magkasama-sama kami araw-araw pero iyung katotohanang maghihikahos kami kapag wala kaming pinagkukuhanang kabuhayan mula sa pagtratrabaho ko dito ay hindi ako mapapanatag at hindi ako magiging masaya.


Sa matagal na pamamalagi ko sa lugar na ito ay nasanay na ako.  Narito na ang buhay ko at masaya na ako habang nag-iisa sa ibang bansa.  Alam ko na darating ang araw na sa ayaw at sa gusto ko ay aalis ako dito pero sa ngayon ay hindi ko pa masasabing handa na sa araw na iyon.  Ganunpaman, inilalaan ko pa rin na magkaroon ako ng sapat na panahon at lakas para namnamin ko ang buhay ko sa Pilipinas upang maglagi na ng tuluyan pagdating ng aking ika-animpung taon.

No comments: