Thursday, July 06, 2017

PAGDATING SA PERA

Kung tutuusin, ang tao ay maaaring mabuhay nang napakatahimik, napakasimple at walang malaking kayamanang-pera.  Ang totoo ay kayang-kaya ng tao ang mabuhay nang hindi nagbibigay ng malaking pagpapahalaga sa pera kahit na nasa kasalukuyang panahon man tayo ng moderno at sibilisadong mundo.  Pero mahirap itong mangyari dahil ang mundo natin sa panahon ngayon ay pinaiikot ng pera, pero puwedeng mangyari.  Dahil ang ating mga plano, desisyon, kakayahan at kalagayan ay nakasalalay depende sa pera na mayroon tayo.  Hindi tayo makakakilos nang wala nito.  Nakakalungkot man isipin, pero ito ang katotohanang nangyayari.  Pera ang nagpapaikot ng mundo, pera ang nagbibigay sa atin ng buhay, kapangyarihan, kaligayahan at seguridad.

Mula sa maliliit at ordinaryong mga tao, ang kagustuhan mong mabigyan ng magandang buhay ang iyong mga mahal sa buhay at ang pangarap mong magkaroon ng bahay, kabuhayan at ari-arian ay mangangailangan ng malaking halaga.  Ang kasiyahan mong makapunta sa ibat-ibang lugar ay pera at pera pa rin ang magiging pangunahing kailangan.  Dahil sa pera, may kung anu-anong paraan tayong naiisip, sa malinis o marumi mang paraan.  At hanggang sa mga pinakamalalaki at makakapangyarihang tao sa ating mundo ay pera pa rin ang mahalagang bagay upang patuloy silang kilalanin at mamayagpag, mapanatili ang kanilang kapangyarihan at mapalaki pa ang kanilang kasiyahan.  At sa walang katapusang pangangailangan at kasiyahan ng mga tao, humahantong ito sa kasamaan, pagpapatunay lamang na ang pera ang siyang ugat ng mga kasamaan.

May mga kaibigan tayo na masayahin, makalinga, masarap kausap, mapagbigay ng mga payo at kung anu-anu pang kabutihang makitungo ngunit pagdating sa pera ay nagbabago na ang ugali.  Kahit na matagal na kayong magkasama ay makikilala mo na lamang siya na masusog na ultimong kaliit-liitang sentimo ay gusto niyang malaman at kailangan tama.  Mahigpit sa pera.  Oo, tama lang ito dahil ang perang pinaghirapan mo ay kailangan mong pahalagahan at hindi dapat basta na lamang balewalain.  Kaya mahalaga na malaman kung saan-saan napupunta ang pinaghirapang pera at kung sulit ba ang halaga nito sa binayaran.  Pero may mga taong makuwenta sa pera hindi dahil sa pagbibilang ng tama o hindi dahil pinaghirapan nila ang pera kaya gusto nilang malaman ang lahat-lahat kundi dahil ayaw lang nila ang malamangan sa mga bayarin, o hindi naman kaya ay sila ang makalamang sa kapwa nila.  Oo, hindi dapat magpalamang pero hindi sa puntong nawawala na ang tiwala at nang-aargabiyado ka na.  Kung ang lahat ay may kakayahan at kailangang magbayad, para maging patas sa lahat ay huwag kang manlokong kunwari’y nagbayad ka o kaya’y mas maliit sa halaga ng napagkasuduan ang binayaran mo.

May mga kabutihang taglay ang mga tao.  May kanya-kanyang mga maipagmamalaking katangian kaya nagugustuhan natin silang maging kasama o kaibigan ngunit nagkakaalaman na lang pagdating sa pera.  Sa mga usaping bayarin, para sa kanila ay walang kai-kaibigan, kama-kamag-anak o amu-amo sa trabaho kapag pera na ang pinaguusapan.  Iyung hindi ka pagbibigyan dahil sa pera – maliit man o malaki, iyung kayang isakripisyo ang magaganda mong naibibigay at nagagawa kapag hindi kayo nagkasundo sa usapin sa pera.  Samantala, mayroon naman  mga taong sa araw-araw na pamumuhay ay pera ang bukam-bibig, pera ang batayan ng pakikipagkapwa-tao at pag-ikot ng mundo sa araw-araw na buhay.  Mukhang-pera kung tawagin dahil para sa kanila ay ito ang pinakamahalaga.   Pinakitutunguhan ka ayon sa laki at liit ng iyong pera.  Tutulungan ka kung mayroong kabayaran.  Kikilos lamang kapag mayroong katumbas na halaga.


Ito na ang mundo natin ngayon, sa ayaw at sa gusto natin ay pera ang magpapaikot ng ating mundo at tayo ang makikibagay para dito.  Totoong malaki ang nagagawa ng pera sa tao, sa buhay ng tao, sa ugali ng tao dahil nagbabago ang ugali, kilos, ambisyon ng tao pagdating sa pera.  Maaaring sa ikabubuti o sa ikasasama – nasa sa atin na kung ano ang ating pipiliin.

No comments: