Sunday, February 25, 2018

HUWAG AKO

Huwag puro teleserye at pelikula ang pinapanood
Tumutok ka rin sa balita sa bayan mong nalulunod.
Tumanda ka nang puro sarili di ka pa ba napapagod
Siguro’y oras naman na para sa bayan ang itaguyod

Huwag ikatwiran na wala na namang mangyayari
At pare-pareho lang iyang mga naghaharing-uri
Kung sa kalsada ay ipahayag ang opinyon ng sarili
Ang mahalaga’t maganda’y nagkaroon ka ng silbi.

Huwag magbintang na sumasalungat lang palagi
Sa mga isyu sa lipunan ay mayroong masasabi
Hindi ba pwede na ang mga ito’y isang panunuri
O marahil ang totoo’y sa mga nakikita’y may mali.

Huwag ang mga huwad na balita ang tangkilikin
Dahil hinahamak nito ang iyong talinong angkin
Kahit kailan nama’y masama ang pagsisinungalin
Kung sa pamamayagpag nito ay may sala ka rin.

Huwag pagdiskitahan ang kasaysayan ay baguhin
Sa dikta ng propaganda ang mga tama’y mamaliin
At ang nakaraan ng kamay na bakal ay purihin
Sa isip ng mahihina’t salat sa aral ito’y ipapakain.

Sadya nga bang totoo itong aking napapansin
Pananampalataya ng panatiko’y mahina man din
Kaya kahit Simbaha'y kayang-kayang kutyain
Maghunos-dili ka, ang Diyos ay huwag hamakin

Huwag kang magmura sa mga nalulong sa droga
Nais na ngang magbago wagas pa rin kung isumpa
Pagkamukat-mukat ikaw din pala’y dating sugapa
Huwag humusga kung may uling ka rin sa mukha.

Kahit kilalang magagaling sa baryo at sa paaralan
Nang naging panatiko ay lumabas ang kababawan
Sa mga nangyayari'y may isang aral ang natutunan
'Wag maging panatiko, nakakawala ng katinuan.

Huwag kang magmataas, at huwag maghari-harian
Ang lahat ng mga bagay ay mayroon ding katapusan
Kung ngayon maaaring suwerte mo ay kinakasihan
Pero bukas-makalawa pagbagsak mo’y katutuwaan

At sa lahat ng mga ito, sino ba ang iyong niloloko
Kunwari ay ganito, iyun naman pala'y hindi totoo
Huwag ka ngang mangdamay ng iba pang mga tao
Kung ang gusto mo'y mamgbola, aba'y huwag ako.


Saturday, February 24, 2018

ANG ALAM KO SA EDSA-1

Naniniwala ako sa ipinaglaban ng 1986 EDSA People’s Power Revolution, ang tapusin ang pagmamalabis ng administrasyong Marcos at ng mga kaibigan nito.  Naniniwala ako na ang dahilan ng EDSA-1 ay upang ibalik ang kalayaan at demokrasya – ito ang pinakatampok, pinakakahulugan, at pinakatagumpay ng EDSA-1.  Kaya galit ang marami-raming tao sa EDSA-1 ay dahil wala naman daw nagbago dahil marami pa rin ang korapsiyon at mahirap pa rin ang Pinas.  Pero alalahanin nila na hindi iyun ang dahilan kung bakit nag-EDSA.  Nang nanawagan na mag-EDSA ang mga tao ay hindi naman sila hinikayat para yumaman ang Pilipinas kundi para lumaya ang bayan sa diktadura.  Kaya nag-EDSA-1 ay para paalisin si Marcos at para ibalik ang demokrasya.  Nasa mga tao na kung bakit hindi nawala ang korapsiyon at hindi yumaman ang Pilipinas pero hindi yun ang dahilan para baguhin ang mga nakasulat sa kasaysayan.  Huwag sanang kalimutan na ang EDSA -1 ay nangyari dahil sawang-sawa, hirap na hirap at gustong-gusto na ng mga tao ng pagbabago sa sistema na gobyerno.  Huwag ding kalimutan na ito ay kusang-loob na buong-tapang na nilahukan ng milyong-milyong tao sa panahong napakamapanganib, nakakatakot na sitwasyon ng politika at walang social media.  Tinangka ko nuon na sumama sa EDSA-1, gustong-gusto kong makiisa pero hindi ko nagawa dahil sa pag-aaral.  Bilang isang mahirap na estudiyante, naaawa ako sa mga magulang ko na naghihirap sa pagpapaaral sa akin kaya hindi ako maka-alis ng eskwela at bahay.  Kaya sa radyo na lang ako nakakapakinig hanggang ibinalita na umalis na ang mga Marcos sa Malacanan papunta sa Hawaii.

Nuong 1986, bagamat hindi pa ako nakikibahagi sa mga usaping politika ay alam ko na nag-alsa ang mga tao dahil sa kalabisan ng administrasyon ni Marcos.  Ang alam ko, kontrolado niya ang buong Pilipinas na kada eleksyon ay sigurado ang panalo ng KBL.  Naaala-ala ko pa na naririnig ko ang mga matatanda nuon na sinasabing “siguradong Marcos pa rin yan” o “nag-eleksiyon pa ganun din naman” kada may eleksiyon.  Naaalaala ko pa nga na paano kaya nagkakaroon ng napakaimposibleng zero vote sa kalaban ni Marcos sa eleksiyon.  Natatandaan ko rin na marami at madalas na rin ang welga ng mga manggagawa at estudiyante.  Hindi na rin bago sa akin ang salitang terorista nuong panahon na yun dahil naririnig kong nangyayari na rin ito.  Alam ko rin na matagal na ang mga Marcos sa posisyon pero hindi naiaangat ang antas ng buhay ng mga tao.  Ang natatandaan ko ay nababalitaan ko na umutang na naman daw ang Pilipinas sa World Bank o IMF.  Kung nuon pa man ay may biru-biruan ng “bayang inutang hindi mabayad-bayaran”, ibig sabihin ay talagang lubog na sa utang ang Pilipinas.  Na napatunayan dahil nang napatalsik ang mga Marcos nuong 1986 ay hindi ba’t nalaman ng mga tao na wala na ngang pondo ang kaban ng bayan at ang iniwang utang ng Pilipinas ay babayaran ng hanggang kaapo-apuhan natin?  Huwag itong ika-ila ng mga taong nasa hustong gulang ng mga panahon na iyon dahil nabalitaan natin ito.  Natatandaan ko rin na nuong mga panahon na yon ay dumadaing ang mga magulang ko pati na rin ang mga ibang magulang na kilala ko sa mahal ng pagpapaaral at ng mga bilihin.  Naririnig ko rin ang sabi nila ay mas mabuti pang mag-Saudi na lang para umasenso.  Maaaring hindi mo ramdam ito dahil anak ka ng nakakaluwag-luwag sa buhay dahil ang mga magulang mo ay isang inhinyero, guro, sundalo, duktor o anu pang natapos sa pag-aaral.  O maaaring wala ka lang pakialam sa paligid.  Hindi na bago sa akin ang iskwater nuon dahil alam kong meron ng iskwater nuon pa kaya paano sasabihin ng mga magkakamping panatiko sa administrasyon ni Duterte ngayon at loyalista ng mga Marcos na mas maganda ang buhay nuong panahon ni Marcos samantalang naramdaman ko at kitang-kita ko nga na mahirap.  Mas lalo na siguro yung mga dumanas ng pang-aabuso sa kapulisan sa panahon ng Martial law?  Maaaring sa lugar mo ay walang nangyayaring patayan pero hindi ibig sabihin nuon ay sa ibang bahagi ng bansa ay payapa dahil hindi mo lang nababalitan dahil kontrolado ang mga pahayagan at radyo at telebisyon.  Narinig ko rin nuon nang dumating ang panganay na anak ni Marcos sa bayan namin upang magtalumpati sa isang graduation ceremony ay todo-ingat ang mga tao – parang nakakatakot, iyun ang naiisip ko nuon, dahil naririnig ko na rin ang kasabihang “bawat magustuhan ng mga Marcos ay nakukuha o nasusunod”, patotoo sa sinasabing makapangyarihan at labis na mapaghari-harian ang administrasyong Marcos.


Walang niloko o politikahan sa nangyaring EDSA-1 dahil iisa ang dahilan ng mga nag-alsa na walang iba kundi sabihin sa gobyerno na ayaw na ng mga tao sa kasalukuyang pamumuno ng mga Marcos.  Ito ay pag-aalsa ng mga tao.  Ito ang lakas ng mga tao.  Malinaw na ang taong-bayan ay kusang-loob na nagpunta sa kalye dahil sinong politiko ang magbabayad sa milyon-milyong tao na nagpunta sa EDSA?   Taong-bayan ang gumawa nito, taong-bayan ang may gusto nito at taong-bayan ang nagsulat ng kasaysayan.  Kung mayroon mang mga politiko ang may itinatagong motibong politikal, para sa taong-bayan ay hindi ito ang dahilan ng pagpunta sa EDSA at ipagsigawan ang pagbaba ni Marcos kundi ang pagbabago ng pamahalaan, pagbabago ng pagpapalakad at pagbabago ng kapalaran.  Na ang lahat ng ito ay napagtagumpayang nagawa nuong 1986 sa EDSA-1, saktong-saktong pagbabago at ang pinakainaasam na pagbabago nuong mga panahon na iyon.  Kaya hindi tamang ikumpara ngayon ang pagbabago nuong 1986 dahil nasa ibang panahon tayo ngayon, ibang mga karakter at ibang sitwasyon.   Ang alam ko, nuong 1986 ay nakontrol ang presyo ng mga pangunahing bilihin sa kabila ng bangkaroteng kaban ng bayan.  Ang alam ko nuong 1986 ay tumaas ang tingin ng ibang bansa sa Pilipinas at naging inspirasyon man din para sa kanilang bansa.  Ang nabalitaan ko ay marami ang bumalik ang tiwala sa Pilipinas na mamuhunan.  Pero hindi nga lang nasustinahan ito dahil sa mga nangyaring politikahan pagkatapos ng EDSA-1 katulad ng mga coup d’etat, mga loyalista na ayaw maki-isa at mga hindi karapat-dapat na mga opisyal.  Ganun pa man, napakalaki ng dapat ipagpasalamat ng mga tao ngayon sa EDSA-1 dahil sa tinatamasa at pinakikinabangan nilang kalayaan ngayon na hinding-hindi nagawa ng mga magulang natin nuong panahon ng diktadurya.

Tuesday, February 20, 2018

ISANG PAGMAMAHAL



Para sa aking isang minahal, gusto ko siyang bigyang-halaga ngayon araw na ito para sa kanyang kaarawan.  Isa sa bumuo sa aking buhay ay ang isang babae na minahal ko ng totoo at labis ngunit hindi nagkaroon ng katuparan na maging kami.  Siya ang nagbigay-kulay at saya ng aking kabataan at buhay-pag-ibig.  Nasa unang yugto ako nuon ng aking edad sa 20’s nang maramdaman ko ang kakaibang pagtingin ko sa kanya.  Walang duda na maganda siya, iyun naman ang unang kumukuha ng aking pansin sa isang babae.  Pero hindi lang siya maganda kundi napakaganda niya.  Maputi, maganda ang kutis, matangkad, balingkinitan ang pangangatawan at gustong gusto ko ang kanyang napakagandang ilong.  Nangingiti nga ako dahil kung ang pagbabasehan ay ang ating panglabas na anyo ay hinding-hindi kami nababagay.  At isa ito sa naging insecurities kahinaan ko na nagpapahina ng tiwala ko sa aking sarili.

Masasabi kong huwaran siya bilang isang hinahanap sa isang makakasama dahil bukod sa kanyang kagandahan ay matalino siya, tahimik, pino kung kumilos, hindi ginagabi sa lansangan, parating nasa bahay at nagsisimba linggo-linggo.  Natatandaan ko, nasa high school ako nuon ay nagagandahan na ako sa kanya na nasa elementarya pa lamang.  Hindi ko lang siya napag-uukulan ng pansin dahil alam ko nuong mga panahon na iyon ay hulog na hulog naman ang aking puso at isip sa isang babaeng halos kaedaran ko na naging inspirasyon ko sa matagal ding panahon.  Natuon na lang ulit ang pagtingin ko sa kanya nang may lalim na nang ikinasal na ang babaeng gustong-gusto ko nuon.  Nagtratrabaho na ako sa aking unang kumpanya nung mga araw na iyon nang makita ko siya ay lalo akong humanga sa kanyang kagandahan.  Sa halos araw-araw ay nakikita ko siya na may pagkakataon pa na nakakasabay ko siya tricycle papasok sa trabaho – at minsan pa nga’y nakakatabi ko siya.  Nakakasabay ko rin siya sa pagsisimba.  Iyun ang mga panahon na napapatunayan ko iyung sinasabi nila na kapag nagmamahal ka ay parang kulay rosas ang paligid mo, yung parang sumasayaw ang puso mo tuwing makikita mo siya.  Hindi ko malilimutan ang naramdaman kong saya nang hindi sinasadyang magdanti ang aming mga kamay – para akong nasa langit – ganun kung paano ilalarawan ang naramdaman ko.

Sa kabila ng mga magagandang nangyaring ito na naibibigay niya sa akin ay naranasan ko rin ang sobrang sakit.  Alam kong ramdam niya ang nararamdaman ko sa kanya pero hanggang duon lang iyon at hindi kami nagkaroon ng pagkakataon na magkasabihan ng nararamdaman dahil mayroon na siyang ibang minamahal.  Napakasakit pala talaga na nakikita mo ang iyong pinakamamahal na tao kasama ang kanyang minamahal.  Alam ko na naman iyun bago pa ang pangyayaring iyon pero kapag iyung nakita mismo ng iyong mga mata ay masakit pala.  Iyun yung ang pakiramdam na gusto kong tumigil ang mundo sa pag-ikot, iyung tumigil ang lahat sa pag-galaw upang malapitan ko siya at sabihin sa kanya ang sakit na nararamdaman ko.  Maluha-luha ako nuon habang tinitingnan sila, parang sa pelikula na itinatago o pinipigil ang pag-iyak habang papalayo na naglalakad.  At ibinuhos ang lahat nang map[agisa na sa sariling kuwarto.  Wala akong laban sa kanyang minamahal.  Pakiramdam ko ay talo ako dahil bukod sa may magandang hitsura ay naroon ang kabuuan ng kanyang loob.  Sinusumbatan ko ang sarili ko sa pagiging duwag.  Napakaduwag ko na hindi ko ipinaglaban ang totoong ako at ang nararamdaman ko.

Walang may kasalanan at wala akong ibang sinisi kundi ang sarili ko.  Pero nasasaktan ako dahil alam ko na mas higit akong nagmamahal kaysa sa minamahal niya.  Huli na nang iparating ko ang aking nararamdaman at ipaalam iyun sa kanya pero alam ko na wala iyong kapupuntahan.  Totoo iyung kasabihan na kapag nagmahal ka ng totoo ay handa kang maging hangal.  Iyung sa kabila ng lahat ay mahal mo pa rin siya, kahit hindi ka pinapansin o kahit hindi siya magiging sa iyo ay tuloy ka pa rin sa pagmamahal sa kanya.  Na kahit hindi ka niya mamahalin ay ayaw mo pa rin na ipagkait niya na mahalin mo pa rin siya, na kahit minamahal mo siya ay hindi ka naghihintay ng sagot, na kung sakali man na siya ay iwanan siya ng taong minamahal niya ngayon ay wala siyang dapat ipag-alala dahil mayroong nariyan lang na naghihintay at nagmamahal pa rin sa kanya na maaaring lapitan o siyang mahalin naman – naruon lang ako.  Iyung kahit ganuon ang nangyari ay siya pa rin ang isinisigaw ng damdamin.  Pampalubag loob ko na lamang ay naniniwala akong mas higit akong mapag-mahal o kaya ay dahil mayroon siyang ibang minamahal kung kaya hindi ako napapansin.  Masarap ang magmahal.  Mabigo man tayo ay hindi pa rin tayo dapat sumuko dahil masarap ang magmahal at mahalin.

Para sa aking isang minahal, maligayang kaarawan.

Wednesday, February 14, 2018

ARAW NG MGA PUSO PARA SA NANAY

Sa maraming taon na mga nagdaan
ay paulit-ulit ko lang nakakalitgtaan
ang aking Nanay, di ko nasasabihan
sa araw na ganitong pinaghahandaan
ng Happy Valentine’s Day man lang

Nuon kasi ay hindi ko nararamdaman
O ni hindi ko nga talaga namamalayan
Mayroon na pala akong pagkukulang
Sa nanay iparamdam ang kasiyahan
Tuloy ako ay nagsisisi nang lubusan

Mula sa mga kasamahan at kaibigan
Mga oras at pagod ay pinaglaanan
Sa Araw ng Mga Puso’y inalalahanan
Ginupit na pulang puso ay binigyan
O mga salitang pagbati ay binitawan

Ngunit nalimutan ko na ng tuluyan
Si Nanay ay kahit bulungan man lang
Ngayong naka-handa na siya’y sabihan
Paano maririnig nang ubod-kasiyahan
Kung ang pandinig wari’y nauubusan

Alam kong sa bawat oras na nagdadaan
Dating lakas ay unti-unting nababawasan
Ngunit hinding-hindi ang pakiramdam
Ng isang ina sa simulat-simula pa lamang
Sa kanyang mga anak magpakaylanman

Para kay Nanay sana iyong mapakinggan
Itong Araw ng mga Puso ang panambitan
Ng iyong mga anak sana ay pagdamutan
Kung hindi man lang nasabi nuon pa man
Ngayo’y sana’y iyong lubos-maramdaman

Saturday, February 10, 2018

MAPAGDIKIT SA KILALANG TAO

Marahil dahil ang tao ay likas na makamundo kung kaya ang mga materyal na bagay ang nagbibigay sa kanila ng sukatan ng tagumpay, importansiya at panggaganyak upang mabuhay.  May likas na pangarap ang maraming tao na gustong maging malakas, makapangyarihan, nakaangat at nangunguna upang maging kilalang tao.  Dahil ang kilalang tao, alam naman natin na iba ang ating pagtingin at pagtrato sa kanila.  Iyung anumang bagay ay ginagandahan natin para sa mga taong ito.  Pero maaaring ang pangarap na ito ay hindi mangyari sa lahat ng mga ordinaryong tao.  Kaya kung sila ay naging kaibigan o kasamahan o nakapag-asawa ng isang kilalang nasa magandang kalagayan sa buhay ay nagiging ang tingin, palagay at pakiramdan nila sa sarili ay mas nakahihigit na sila kaysa sa karamihan o mga kasama.

Ang taong walang kakayahan, kapag siya ay nadikit na sa mga kilalang tao ay nagiging karangalan ito sa kanya dahil nagbibigay ito sa kanya ng karagdagang kompiyansa na siya rin ay kilala.  Kung ang oportunista ay taong nanggagamit ng pagkakataon sa sino mang tao at anumang bagay, ang taong mapagdikit sa kilalang tao ay nanggagamit upang siya ay maging kilala.  Kung siya ay naging malapit sa mga kilalang malalaki, makakapangyarihan, mayayaman at malalakas na tao, ang palagay niya sa sarili ay ganuon din siya dahil sabihin lang niya ang kanyang kaugnayan sa taong ito ay bibigyan na rin siya ng kakaibang trato na parang sa mga kilalang tao.  Mag-iiba ang pagtingin sa kanya ng mga pangkaraniwang tao sa paligid niya, dahil siya ay kaibigan ng isang kilalang tao ay malakas at makapangyarihang tao na siya na maaaring pagbigyan kapag mayroon siyang sinabi, dahil laging ang kasunod niyon ay kasama siya ng taong kilala.

Dahil sa ugnayan niya sa mga taong ito, ang kilos niya ay astang kompiyansa mapa-trabaho, komunidad at sa pansarilig buhay man.  Inaasahan niyang ang ibang tao ay hahanga, magpupugay at mangingimi sa kanya.   Kung halimbawa sa trabaho ay ang ikinikilos niya ay susundin siya ng mga kasamahan dahil siya ay malapit sa Punong-Namamalakad.  Kung paano maging istrikto, metikuloso at mapag-mando ang Namamahala ay ganuon din siya.  Maaring ito ang dapat dahil ito ang trabaho nila o ganito ang kailangang pamamaraan niya sa pagtratrabaho pero tingnan natin ang hangganan.  Kung kahit hanggang sa mga materyal na bagay ay ang gusto niya ay hindi pangkaraniwan tulad ng kanyang punong-namamalakad, ito na ang hangganan ng palatandaan na ang taong ito ay nanaghili sa kapangyarihan.

Kaya naman sa ipinapakita niya, mayroon din mga tao na dahil hindi kaya ang lumapit sa punong-namamalakad ay sa taong dikit sa punong-namamalakad na lang sila dumidikit naman.  Ang pakiramdam nila ay magaling na sila, nakalalamang at inilalagay nila ang sarili na mas mataas kaysa sa mga karamahan nila dahil kaibign nila ang malapit sa punong-namamalakad.  Kaya ang mga kilos nila ay mapag-astang nakakaangat na rin kaysa sa karamihan nilang kasamahan, mapag-gamit ng mga gamit na may kaugnayan sa kilalang tao at kampante sa buhay dahil inaasahan nilang anuman ang maging aberya nila sa trabaho ay kompiyansiya sila na iimpluwensiyahan ng taong malapit sa punong-namamalakad upang maayos ang aberya o pangangailangan nila.  At ipinakikita nila ito sa mga tao upang ipakitang iba sila, nakakaangat sila, at respetuhin sila.


Maging sa komunidad at pansariling buhay ay malakas ang ugali ng tao na mapaggamit sa kanyang pagkakadikit sa taong kilala upang maging makapangyarihan at mapasailalim niya ang ibang mga tao tulad ng nangyayari sa gobyerno.   Mga taong malalapit sa makakapangyarihang tao na nagkakaroon ng lugar upang pamunuan ang ahensiya at magkaroon ng mga nasasakupang tauhan.  Upang magkaroon ng mga pribiliheyo sa mga pinupuntahan upang itrato sila nang hindi basta-basta, bigyan ng pugay, pakitaan ng mga makakapagpasaya sa kanila at sundin ang kanilang ipag-uutos.  Dahil ang mga tao ay likas na gustong pagharian ang mundo.  Ang lahat ay gustong magkaroon ng kapangyarihan, maging nagunguna, kilalanin at maangkin ang tuktok ng tagumpay. 

Friday, February 02, 2018

BALITANG PEKE-2 (Ang Paki Ko sa Pekeng Balita)

Ako, bilang isang nagsusulat ay galit sa mga gumagawa ng mga huwad na balita, nagbibigay ng mga mali-maling inpormasyon at naninnira ng reputasyon gamit ang media.  Galit ako sa mga bayarang manunulat dahil kakambal nito ang sinungalinkasunod na ang pagsusulat ng mali.  Mas gusto ko pa na ipinaglalaban ng isang tao ang nalalaman niya kahit mali pala siya kaysa sa maging propagandista na nagsusulat ng mga papuri sa isang tao at kasiraan sa ibang tao dahil binabayaran siyang isulat ang ganon.  Kahit sabihin pang trabaho niya ang ganun kaya niya ginagawa, sa huli ay may pananagutan pa rin siya dahil nanloloko siya ng mga tao.  Masahol pa sa pagtataksil sa bayan ang pagpapakalat ng pekeng balita dahil hindi lang ang sarili kundi hinahawahan din niya ang ibang mga tao.  Sila ang nagpapagulo at naghahati-hati sa pagkakaisa ng mga tao sa pamamag-itan ng pagtatanim ng galit sa puso at pagsira sa kaalaman ng mga tao, pagbabago ng nakasulat sa kasaysayan, pagpapaganda sa pangit, itinatama ang mali at sinisira ang katotohanan.

Galit ako sa mga pekeng balita kasi bilang isang manunulat o sabihin na lang may pagmamahal sa pagsusulat ay ayokong masalaula ang sining ng pagsusulat.  Maaaring hindi ako maintidihan ng hindi marunong magsulat ng peryodismoo, maaaring sa maraming tao ay bale-wala ito kasi hindi sila manunulat kaya hindi nila nararamdaman ang nararamaman ko pero kung ikaw ay may pagpapahalaga sa pagsusulat ay mararamdaman mo talaga ang galit kapag binababoy, binabalahura, sinisira at iniiba ang antas ng sining ng pagsusulat.  Maling-mali ang pag-iimbento ng mga balita at impormasyon.  Ang pagmamali ng mga pinaniniwalaan at kinikilalang tama ay pagsisinungalin na kapatid ng pagnanakaw dahil kinukuha mo ang katinuan ng iyong kapwa.  Sa pagsusulat, anumang bukas sa publiko ito man ay balita, malikhaing pagsusulat, o kahit pa ang talaarawan mong isinasapubliko, kailangang maging tapat ka dahil may mga tao ng makakaalam ng iyong isinulat.  At sa ganitong pagkakataon ay kailangan pairalin ang etiketa at ang mga alituntunin ng tamang pag-uugali dahil anuman ang gawin mong mali sa publiko ay may pananagutan ka sa batas.

Sa pagpapatuloy ng isinagagawang pagdinig ng pekeng balita sa senado, napakasarap pakinggan ang mga binibitawang salita ng namumuno sa pagdinig dahil ang mga ginagawa, kamalian at negatibong epekto ng pekeng balita ay punto por punto na nailahad nang tama.  Ang katotohanan nito at walang halong pagkiling ito, karamihan naman talaga sa mga artikulo, posts at bidyo sa blog, facebook at statements ng mga tanyag na tagasuporta ng pamahalaang Duterte ay talaga namang mga propaganda na madalas ay hindi kumpirmado, gawa-gawa at hindi etikal.  Sa mga termonolohiya pa lang na ginagamit nila ay bagsak na agad sa pamantayang moral ng pamamahayag.  Sabihin na nating hindi sila kamo mamamahayag at personal na blog ang kanilang ginagawa, pero ganun pa rin na ang baba pa rin ng kalidad ng pagsusulat nila na namumutiktik sa paggamit ng mga malulupit at brutal na salita.  Kung wala ka mang pananagutan sa pamantayan ng etika ng isang manunulat, may pananagutan ka naman sa batas bilang isang mamamayan.  Maging totoo tayo sa sarili natin at aminin natin sa sarili natin na propagandista na ang mga taong ito.  Propaganda ang mga post nila sa totoo lang. Aminin natin sa kalooban natin, hindi lang simpleng opinyon at obserbasyon ang mga isinusulat nila kundi propaganda para makasira sa kalaban at makatulong para sa kanila.



Oo ang labanan ngayon ay sa cyberspace na dahil dumating na tayo sa mundo ng mabilis at makabagong teklonohiya.  Ngunit huwag naman nating hayaang lamunin na tayo ng sistema na ang pagkatao natin ay masira at sumama.  Huwag magpatangay ng damdamin dahil ka-Duterte sila kaya bawat sinabi at opinyon nila ay tanggap at paniwala ka kaagad kundi maging resposable, makatotohanan, patas at makatarungan.  Ito ang mga dahilan kung kaya ang karamihan sa mga ibinabalita sa social media na pinapatakbo ng mga indibiduwal ay hindi ipinapakita sa mga lehitimo at pangunahing balita sa telebisyon.  Bilang manunulat mapa-pampubliko, pribado at personal man, magkaroon ka ng responsibilidad sa bawat inilalahad mo at magkaroon ka ng pananagutan sa mga ipinapahayag mo sa iyong kapwa.