Monday, December 05, 2022

ANG PAGDATING NG EDAD

Sa pagsapit ng edad 50 at nararamdaman mong tumanda ka na nang hindi mo pa nakukuha ang pangarap mo at ang mga inaasahan mo ay hindi nangyayari, dito ka makararamdam ng sobrang kalungkutan, kapaguran, kawalan ng gana, pagbaba ng moral at kung minsan ay pag-iwas sa mga tao.  Lalo na kung ikaw ay walang kakayahan makamit ang pangarap o katiting pa lang ang nararating.  Krisis sa kalagitnaan ng buhay.


Kapag ikaw ay nag-edad 50 at ikaw ay isang ama o ina na nagpapakahirap pa rin para sa pamilya, pinag-iisipan mo na kung makakaya mo pa ba?  Buong buhay mo ay nagsisikap ka pa rin pero sapat ba ang nakukuha mo para sa iyong pamilya?  Maaaring pinanghihinaan ka ngayon dahil sa kabila ng hindi mo na iniintindi ang sarili mo kundi silang mga anak o asawa mo na lamang ay heto ka pa rin na nagpapakahirap sa pagtataguyod ng pamilya.  Bakit nagsisikap ka na ay wala pa rin, bakit kulang pa rin?  Ito ang taon na ang pakiramdam mo ay tumanda ka na naman nang hindi ka pa nakukuntento sa buhay mo, lalo na kung ang buhay-may asawa mo at sariling buhay ay walang-wala.


Kung ikaw edad 50 at isang hiwalay sa asawa, ang pagiging 50 ay ang simula ng nakakaramdam ka na ng pagkaawa sa iyong sarili.  Habang ang iba ay may katuwang sa hirap ng buhay, sa pagiipon ng pera, at pag-gapang sa pagpapalaki ng mga anak ay mag-isa mo itong ginagawa lahat.  Lalo kung ikaw iyung babae na isinakripisyo mo ang karera mo alang-alang sa buhay may-asawa, itinuon ang buhay sa pag-aalaga ng mga anak, at hindi na inintindi ang sarili, pagsapit mo ng 50 ay mararamdaman mong wala ka palang sariling tagumpay na mapanghahawakan mo.  Habang ang iba ay nakakapundar ng mga ari-arian o malaking pera na naipon, bigong-bigo ka dito dahil hindi mo ito pinursige nuong araw na marami ka pang pagkakataon.


Sa mga lalaki at babae na walang asawa, ang pagtungtong ng edad-50 ay hudyat ng pag-iisa sa buhay.  Lahat ng pangarap at pangangailangan mo ay mag-isa mong pagsusumikapan.  Problema, kalungkutan at paghihirap mo, haharapin mo itong lahat  nang mag-isa.  Kabiguan mo, mag-isa mong dadalhin.  Sabihin man na mayroon kang kapamilya at kaibigan, ang katotohanang nag-iisa ka pa rin sa pakikipaglaban mo sa buhay ay ang nakalulungkot.  Lalo na kung ikaw ay bigo sa pangarap, kapos sa pera, at may karamdaman, ang mga ito ay mag-isa mong iiyakan.


Sa mga hindi naging tagumpay sa pag-aasawa, pananalapi, at karera, napakalaking kalungkutan ang pagsapit ng edad-50 dahil ang mga ito ang sukatan natin ng tagumpay.  Sa lahat ng ito, ay sinisisi mo ang sarili.  Hinuhusgahan ang sarili mo na isa kang talunan.  Na sumasagi sa isip mong kahit may mga anak ka, may kapamilya at kaibigan ka ay ikaw pa rin mag-isa ang nakararamdam ng pagiging nag-iisa.  Ito ang taon na dumadating na iyung takot.  Lalo kung hindi ka naman nakapaghanda para sa sarili mo, kung hindi mo inintindi ang sarili mo, at kung wala kang kakayahang ipaglaban ang sarili mo.


Sa mga taong nakapaligid, sana ay maintindihan natin ang pinagdadaanan ng mga kakilala natin na tumutuntong ng edad 50 na nagkakaroon ng kalungkutan sa nangyayari sa kanila.  Malaking kaluwagan na sa kanila ang maramdaman nila na dinaramayan natin sila sa mga pagkakataon na ganito.  Isipin natin kung ano ang bahagi natin sa sinapit nila at tingnan natin kung ano ang ating magagawa sa dinaramdam nila na may kinalalaman tayo.


May mga pinapangarap pa tayo pero kulang na sa oras, mapagkukuhanan, at kakayahan.  May mga inaasahan tayo pero hindi nangyayari.  May mga tao tayong hinihintay pero hindi natin sila maasahan.  Kaya tinatanong natin ang sarili kung makukuha pa ba natin ang mga iyon?  Bigo ba tayo?  Sa ganitong pagkakataon, isipin natin na ang buhay natin ay magkakaiba.  Maaaring ang tingin natin sa iba ay napakatagumpay kumpara sa atin.  Pero isipin natin na maaaring kailangan nilang maging ganuon dahil mas malaki at mas marami silang responsibilidad.  Isipin din natin na hindi maliit ang ating narating lalo kung pinagpaguran natin ito.  Isipin natin na para sa kanila ay hindi nila ito makakaya kaya sa atin ibinigay ng Diyos.  Sadya lamang na magkakaiba talaga ang buhay ng mga tao, nasa sa atin na lang kung paano natin ito tatratuhin.  Hanapin natin kung saan ba tayo magiging masaya, hanapin natin kung ano ang layunin natin sa buhay, at tanggapin natin at tiyak na malalampasan natin ang kalungkutan ng nasa kalagitnaan na ng buhay. 

No comments: