May kaibigan o mga kaibigan tayo na dumadating sa punto na nagiging sobrang gaan ng loob natin sa kanya/kanila. Iyung dahil siya ang pinakagusto nating kaibigan ay pinapakitaan natin siya ng kalabisan kaysa sa iba. Kung ano ang makakapagpasaya sa kanya, gagawin mo kasi likas sa atin na gusto natin pasayahin ang mga tao na gusto natin. Hanggang mararamdaman mong hindi na kaibigan lang ang nararamdaman mo sa kanya, at tuluyang nahuhulog ka na pala sa kanya, kahit hindi puwede. Ganun pa man, pinapasaya mo siya, sinusunod ang mga gusto, mas inuuna mo pa nga siya kahit sa sarili mo – ginagawa mo mga ito kasi gusto mong maging magaling ka sa kanya para magustuhan ka niya, at mahalin ka kahit hindi puwede. At saka ka sasaya. Yun ang magpapasaya sa iyo. Binubuo mo muna siya, at saka ka mabubuo.
Hanggang malaman niya ang nararamdaman mo, pero hindi naging kayo ang nangyari. Hindi puwedeng maging kayo. Hindi siya para sa iyo at masakit yun. Hindi man pwedeng maging kayo pero pwede naman magkaibigan pa rin. Kaya tuloy lang at walang nagbago lalo na ikaw, naroon pa rin ang kakaibang pakikipagkaibigan mo sa kanya pero siya kaibigan lang ang turing sa iyo. Nagpatuloy ang mga araw, lumakad ang mga taon. Maraming taon na naman ang nagdaan, tuloy lang kung paano mo siya itrato simula’t simula. Hanggang sa itinagal ng panahon ay nahulog na rin ang loob niya sa iyo. Iyung dumating yung araw na may nararamdaman na rin pala siya sa iyo higit pa sa pagkakaibigan, kahit hindi puwede. Pagmamahal ba talaga? Sa mga ipinakita mong kabutihan, hindi kaya parang nagpapasalamat lang siya bilang pagtanaw lang niya ng utang ng loob, o baka naaawa lang siya sa iyo? Baka minahal ka niya dahil sabi niya ay karapat-dapat kang sumaya kaya ibinabalik niya ang kasiyahan na kailangan mo pagkatapos ng lahat ng mga ginawa mong kasiyahan sa kanya. Baka dahil kaibigan ka niya kaya gusto niya ay maging masaya ka. Ewan, natututunan nga siguro talaga ang magmahal, yun na lang ang pinanghahawakan mo. Mahal mo siya kaya nang minahal ka niya ay tinugunan mo ang kanyang nararamdaman. Kahit hindi puwede kasi may asawa na siya.
Sa mundong ginawa ninyong dalawa na kayo lang ang lihim na nagkakaunawaan, tuloy ang pagka-kaibigan at pagkaka-ibigan. Hindi na ito dahil lang sa pagsasamang karnal kundi sa malasakit ng isat-isa na gustong ibigay sa isa’t-isa. Maraming puwedeng sabihin ang iba: imoral, oportunista, pera, paglilibang – lahat ng ito, pero alam ninyo sa isat-isa na totoo ang nararamdaman ninyo. Minsan mapapatanong ka kung bakit kahit napakalinis ng iyong hangarin na magmahal ay bakit may mali sa pagmamahal. Huhusgahan kayo, lilibakin, pagdududahan, at paghihiwalayin kayo kaya mabuti pa nga na manatiling lihim. Alam mong wala kang laban. Hindi mo kayang ipilit kung ano ang normal sa mundo dahil mundo ito laban sa iyo. Minsan sa sulok ng utak mo ay nainiisip mo na siguro nga pinagbigyan ka na lang niya dahil gusto niyang magpasalamat, dahil mabuti at totoo kang kaibigan, kung kaya ibinigay niya ang makakapagpasaya sa iyo. Kung dahil duon, naramdaman mo na kaya pala niya gawin yun para sa iyo at duon pa lang ay nagpapasalamat ka na sa nangyari sa inyo. Pero siguro hindi rin dahil kapag palaging naririyan pa rin siya anomang oras, anomang pangangailangan, at anomang pangyayari ay hindi lang ito pagpapasalamat kundi malamang mayroon ng pagmamahal. Pero hindi pwede na maging kayo dahil sabihin na nating wala siyang asawa, hindi pa rin pwede maging kayo dahil pareho ng kasarian.
Alam mo na hindi ito pangmatagalan. Narito lang kayo sa lugar na malamang ay pang-hanggang dito lamang. Kapag dumating na ang araw na kailangan ninyong bumalik sa kanya-kanyang lugar at kapag haharapin na ninyo ang katotohanan, totoo man ang pagmamahalan ay duon na ito magtatapos dahil ang lahat ay hiram lamang. Ang pagmamahalan ninyo ay totoo pero mali at nasa maling pagkakataon. May pag-ibig sa isa’t-isa, nagkataon lang na pareho kayong bl. Pinagtagpo lang kayo para magkasama pero hindi magpa-kailan man. May mga tao lang talaga na kailangang dumating sa buhay natin, makikilala natin, at masasaktan tayo kung kinakailangan, para maging tayo kung ano man maging dapat tayo ngayon.
No comments:
Post a Comment