Sa pagbisita ko sa dakong timog sa isang probinsiya na napakalayo, habang lulan ng bus na pampubliko sa biyaheng higit siyam na oras na itinakbo, sa isip ay nagkaroon ako ng mga kwento, kuro-kuro, at mga pagkatuto. Ang daan na binabaybay ay parang telon sa pinilakang-tabing na nakikita ko ang iba-t-ibang tagpo sa lugar na tinatakbo. Maliwanag ang ala-una sa tirik na sikat ng araw ng alas-dos ng hapon, para akong inihehele sa mahabang daan na di matapos-tapos subalit hindi ako makatulog dahil sa pangangalay sa pagkaka-upo. Malawak ang luntiang palayan, minsan ay maalon na pampang, malawak na ilog sa ilalim ng mataas na tulay, makapal na puno sa paanan ng bundok, kumpol ng mga bahay sa tabi ng kalsada malawak na bakanteng lupa ang susunod na kumpol ng mga bahay, at mga palay na nakabilad sa kalsada – ito ang mga tagpo sa dinadaaanan ng bus. Ang taon ngayon ay dalawang libo at dalawampu’t tatlo, ngunit bumabalik sa aking alaaala ang mga tagpo nang ako ay bata pa nuong dekada-sitenta dahil nahahawig ang mga tanawing ito sa aking kinagisnang kapaligiran, na ngayon ay naglaho na dahil sa urbanisasyon tulad ng kabiserang Maynila. Ang nakakantok na kulay ng tanghali kapag kaming mga bata ay pinapatulog, mga kawayan o halamang-bakod at nasa tatlong talampakang simento kung nakakaangat sa buhay, bakurang may tanim ng San Francisco o Santan at mga halamang nakatanim sa lata, puno ng kaimito: ganito ang mga nakikita ko nang ako ay bata pa.
Mula pagbabalik-tanaw nuon balik sa ngayon, naturingan akong nasa sarili kong bayan ngunit pakiramdam ko ay estranghero dahil hindi ko maintindihan sa kanilang dayalekto ang mga tao sa loob ng bus, sa bawat estasyon na pinagbababaan at pinag-aakyatan ng mga pasahero, at sa mga naglalakad sa bangketa. Sa aking mga nakikita, sila ay mga manggagawa, may ilang mga nakasuot ng panglabas ng bahay na bumibiyahi sa karatig-baryo, at ang ilan ay lumuluwas sa susunod na bayan ngunit hindi ko maintindihan ang usapan nila kaya hindi ko alam kung ano ang mga ginagawa nila ng araw na iyon. Bawat istasyon ay may kuwento. Mga manggagawa na umuwi upang mananghalian, bumibisita sa kamag-anak, taga-suri ng tiket ng bus bawat pagka-ilang metro, mga batang hindi pa nag-aaral na naglalaro sa tapat ng kanilang bahay. Alas tres ng hapon ay medyo kumakapal na ang mga tao. Nadagdag ang mga mag-aaral. Habang tumatakbo ang bus na aking sinasakyan ay nabuo sa aking isipan na ang mga tao dito ay may sariling buhay na ginagawa. Mayrooon silang sariling kwento dito na isinusulat. Habang sa Maynila na aking nasusubaybayan ay may buhay na nagaganap, dito sa probinsiya ay binubuo nila ang kanilang sariling buhay. Alas-sais ng hapon ay madalang na ang mga naglalakad. Madalang na rin ang mga nakakasalubong kong bus dahil sa mga oras na ito ang direksiyon ng transportrasyon ay pabalik na sa pinanggalingan ng mas nakararaming pasahero. Sa ilang sentro ng bayan ay may mga ilaw pa ang mga naglalakihang pamilihan na dinadagsa ng mga tao upang mamili o magliwaliw lamang. Bakit ang pakiramdam ko ay iba ang kulay ng dapit-hapon sa lugar na ito? Hanggang inabot na ako ng dilim ng ika-pito ng gabi. Natatanaw ko ang malamlam na ilaw sa mga tahanan, sa pagtakbo ng bus ay alam kong ang mga tao sa kani-kanilang bahay ay nanonood ng telebisyon, may nakita akong kumakain, at mga naghuhuntahan. Sa kabilang panig ay madilim dahil paanan na iyon ng bundok na walang namamahay.
Ang aking realisasyon sa mahabang biyahe na ito ay; napakaraming nangyayari sa ating lahat nang sabay-sabay, at mas marami ang hindi natin nakikita. Libo-libong kilometro mula sa atin ay may mga buhay sa dako duon ang kasalukuyang umiiral, may mga pangyayaring nagaganap, at may kanya-kanyang sariling kuwento na maririnig. Hindi natin maaaring bale-walain ang nangyayari saan mang napakalayong lupalop o ang nasa kabilang panig ng mundo dahil hindi natin nakikita. Gulatin man tayo ng isang pambirihang balita ay nangyayari talaga hindi man natin nakita. Pilit mong isinasalba ang inyong relasyon, dinidibdib mo ang pagkatalo sa negosyo, at nagbabata ka sa trabaho (o pag-aaral) ngunit may mga tao rin sa malayong lugar ang kasalukuyang nahihirapan sa mga pinagdaraanang pagsubok sa buhay. Ito ang ilan lang sa napakaraming problema na nagpapahirap sa mga tao, tunay na napakahirap lutasin ang mga hinaing at disgusto sa ating mundo.
No comments:
Post a Comment