Happy to receive your comments & questions. I cannot reply to them, if you have question, please pm me at avv2009@yahoo.com
Wednesday, August 30, 2017
Monday, August 21, 2017
PATAY KANG BATA KA
May EJK talaga.
Matagal ko na itong sinasabi pero daming bumabanat sa akin at ipinagtatanggol
nila ang giyera kontra droga. Itong
nangyari sa isang binatilyo (Kian Delos Santos) ay isang patunay na mayroon
EJK, tanim-ebidensiya, pang-aabuso at kalokohan ang mga awtoridad (syempre
hindi lahat pero marami). At sasabihin
isolated case? Laging sinasabi nanlaban
– puro na lang nanlaban. Mabuti’t
nagkataon na na-CCTV ang isang ito eh paano yung ibang mga napatay na hindi
nahuli ng camera?
Ngayon, nang dumami ang nakikisimpatiya sa bata ay
pinapalabas na drug pusher at masamang bata yung pinatay para sirain ang
kredibilidad nito. Nagpapalutang ng kung
sino-sinong testigo upang sirain ang pagkatao ng bata – para bawiin ang
simpatiya ng mga tao? Nang dumami ang
nakikiramay sa bata, pinapapalabas na drama ang ginagawa ng mga taga-suporta. Drama na kung drama pero aminin mong may katotohanan
ang nangyayaring drama na ito. Kung
gamitin man ng ibang sektor ang kamatayan ng bata para maging dramatiko ang
nangyayari, problema na nila iyun pero ang mas mahalaga para sa mga taong
kumokondena ng kamalian ay kinakasihan sila ng pagkakataon.
Nagtatanong nang patuya ang mga tagasuporta ng patayan kung bakit daw itong maraming tao na nakikiramay at humihingi ng katarungan sa pagkamatay ng bata ay galit at pinagdidiskitahan ang mga pulis at ang gobyerno ngunit bakit daw hindi nagsagawa ng mga demonstrasyon nuon nang may mga pinatay at ginahasa. Para sa mga may ganitong katanungan - kinakalampag ng maraming tao ngayon ang pulisya at gobyerno kasi magkaiba ang pagpatay ng isang pulis sa isang ordinaryong tao kaysa sa mga pinapatay at ginagahasa ng mga kriminal. Unang-una, mayroon tayong korte na siyang mangangalaga upang magbigay ng hustisya para sa mga biktima at sa kanilang pamilya kaya hindi na kailangan pa para dalhin sa kalsada at hingin ang hustisya.
Pero iba na kapag ang sangkot sa pagpatay ay mga pulis, mga halal at mga taong-politiko dahil may legal at moral na pananagutan sila sa atin. Una, nanumpa sila sa kanilang tungkulin na poproteksiyonan nila tayo. Paano kung sila mismo ang nananakit sa atin? Ikalawa, sila ay lingkod-bayan na pinapasuweldo mula sa ating binabayarang buwis kaya mayroon tayong karapatan na kastiguhin sila kapag may ginagawang mali. At ikatlo, sila ang dapat tatakbuhan natin sa oras ng panganib pero paano kung unang-una ay sila mismo ang nagpahintulot, nagpatibay, humikayat at sumuporta sa patayan - saan na tayo tatakbo? Sino ang magpupulis sa pulis? Dito nagmumula ang galit at ingay ng mga tao ngayon kaya huwag silang magtanong kung bakit pinagkakaguluhan ng maraming tao ngayon ang nangyayari dahil dapat lang tayong kumilos.
May mga susulpot at susulpot pang mga testigo na magdidiin sa bata, may kung sino-sinong alyas ang lalabas na ikukuwento ang mga kasalanan ng pinatay, may ikinakalat na kwento ng isang batang babae na ginahasa nuon pero hindi pinansin ng mga tao, magpapakalat pa ng maraming kwento ang mga blog ng taga-suporta ng Patayan – ang mga ito ay para basagin ang lumalakas na ingay ng mga nagdedepensa sa pinatay na binatilyo.
Nagtatanong nang patuya ang mga tagasuporta ng patayan kung bakit daw itong maraming tao na nakikiramay at humihingi ng katarungan sa pagkamatay ng bata ay galit at pinagdidiskitahan ang mga pulis at ang gobyerno ngunit bakit daw hindi nagsagawa ng mga demonstrasyon nuon nang may mga pinatay at ginahasa. Para sa mga may ganitong katanungan - kinakalampag ng maraming tao ngayon ang pulisya at gobyerno kasi magkaiba ang pagpatay ng isang pulis sa isang ordinaryong tao kaysa sa mga pinapatay at ginagahasa ng mga kriminal. Unang-una, mayroon tayong korte na siyang mangangalaga upang magbigay ng hustisya para sa mga biktima at sa kanilang pamilya kaya hindi na kailangan pa para dalhin sa kalsada at hingin ang hustisya.
Pero iba na kapag ang sangkot sa pagpatay ay mga pulis, mga halal at mga taong-politiko dahil may legal at moral na pananagutan sila sa atin. Una, nanumpa sila sa kanilang tungkulin na poproteksiyonan nila tayo. Paano kung sila mismo ang nananakit sa atin? Ikalawa, sila ay lingkod-bayan na pinapasuweldo mula sa ating binabayarang buwis kaya mayroon tayong karapatan na kastiguhin sila kapag may ginagawang mali. At ikatlo, sila ang dapat tatakbuhan natin sa oras ng panganib pero paano kung unang-una ay sila mismo ang nagpahintulot, nagpatibay, humikayat at sumuporta sa patayan - saan na tayo tatakbo? Sino ang magpupulis sa pulis? Dito nagmumula ang galit at ingay ng mga tao ngayon kaya huwag silang magtanong kung bakit pinagkakaguluhan ng maraming tao ngayon ang nangyayari dahil dapat lang tayong kumilos.
May mga susulpot at susulpot pang mga testigo na magdidiin sa bata, may kung sino-sinong alyas ang lalabas na ikukuwento ang mga kasalanan ng pinatay, may ikinakalat na kwento ng isang batang babae na ginahasa nuon pero hindi pinansin ng mga tao, magpapakalat pa ng maraming kwento ang mga blog ng taga-suporta ng Patayan – ang mga ito ay para basagin ang lumalakas na ingay ng mga nagdedepensa sa pinatay na binatilyo.
Anong puso mayroon ang mga taong ito na parumihin ang malinis
para lang maidepensa ang kinakampihan nilang mga tao? Kasehodang nagdroga at may kasalanan yung
bata, sabihin na nating hindi ulirang bata yung napatay, sabihin na nating may
ginagawa ding masama pero hindi na ito ang punto. Ang punto ay pinatay ang bata nang hindi
naman nanlaban, ang punto ay kitang-kita naman sa CCTV kung paano inabuso’t
nilabag ng mga nasa kapangyarihan ang karapatang-pantao nung bata. Hindi na makakapagsalita ang patay kaya mas
kapanipaniwala ang CCTV kaysa sa mga susulpot na umano’y testigo na hindi na
kapani-paniwala dahil nababahiran na ng kulay ang mga nangyayari. Maaaring mapalabas na masama nga yung bata,
pero yung katotohanang nang inabuso ang kanyang karapatang pantao ay iyun ang
hinding-hindi nila mapapasinungalinan.
Nuon ko pa sinasabi na hindi ako pabor sa pagpatay sa mga
adik na nahuhuli at ang papilosopo at patuyang sagot sa akin na natatanggap ko
ay edi beybihin daw, pulbusan at dahan-dahang posasan ang mga nahuhuling drug
adik. Ang gusto ko lang ipunto, hanggang
hindi nahahatulan ng bitay (kung iyun ang umiiral na batas) ay walang karapatan
ang mga awtoridad na patayin ang suspek.
Nakakalungkot dahil parang nagiging katanggap-tanggap na
ngayon ang pagpatay. Nakakapangilabot
ang mentalidad ng mga tao dahil nagiging tama na ang pumatay. Kapag may pinatay sasabihin nila ay tama lang
yun, nasaan ang moralidad ng mga taong ito para sabihing tama ang patayan? Saang pananampalataya ang pinagkukunan ng mga
taong ito para magustuhan ang patayan? Nasaan
ang kunsensiya at moralidad ng mga ito para ayunan ang pagpatay? Anung klaseng tao ba ang mga panatiko upang
maging sakdal bulag sa pagsamba na kayang ipagpalit ang pananalig sa Diyos
kaysa sa politika?
Isang tanong na lang
bago ko tapusin ang saloobing ito.
Isang tanong na ora-mismo ay sagutin mo ng agad-agad, diretsahan, at
taos-puso. Kung sakaling mamaya ay
dumating ang katapusan ng mundo, ang paghuhukom, ang rapture na tinatawag at
haharap ka na sa Diyos at tatanungin ka at hahatulan ka – kapag tinananong ka
ng Diyos kung ikaw ba ay sumunod, naniwala, ipinangaral o binaluktot mo ang
utos Niyang huwag kang papatay, ano ang isasagot mo?
Bakit ang hindi giyerahin nang todo ay ang mga gumagawa
ng droga? Kung iisipin, kahit anong
gusto ng isang durugista na bumili ng droga pero kung wala namang mabibili ay
ano pa ang magagawa niya? Sa giyera
kontra droga ay hindi nagtatagumpay ang prinsipiyong “kung walang bumibili ng
droga ay walang gagawa ng droga” kaya ang mga pinupuntirya ng awtoridad ay ang
mga nasa ibaba. Bakit hindi gawing “kung
walang gumagawa ng droga, walang mabibiling droga”? Dahil kung walang drugs, walang magiging
adik.
Bakit ang mga bunga ng masamang puno ang
pinagdidiskitahang tigpasin? Bakit ang
mga mamimili ang pinapatay? Sa halip na
itong mga bunga, bakit hindi ang ugat ng masamang puno ang tigpasin? Kung ang mga manufacturer ang itotokhang,
kung ang ugat ng drugs industry ang siyang bubunutin ay hindi na ito mamumunga
at wala ng mga bungang titigpasin.
Kilala na daw nila ang mga nasa likod ng drugs syndicate
na ito bakit hindi nila hulihin at itong mga pobreng maliliit, mahihina at mahihirap
ang kanilang pinagdidiskitahan? May
nahuhuling mga big time pero kaduda-duda naman ang agenda nila dahil nahahaluan
ng katanungang away-politika o kumpetisyon sa negosyo ba?
Ang sabi nga ng isang kaibigan: Bunga lang ang dapat
tirahin hindi ang ugat para tuloy tuloy ang pagbunga ng mga problema at tuloy
tuloy rin ang pamamaraan ng pagtakbo ng kanilang trabaho na siyang puhunan nila
sa politika dahil dito gumaganda ang kanilang karera sa polikita na dapat samantalahin
ang pagkakataon hanggang mainit na tinatanggap.
Friday, August 18, 2017
ANG TOTOONG TAGUMPAY
Kung
ang batayan ng sinasabing tagumpay ng isang tao ay ang pagkakaroon ng asawa at
anak, nagawa ito ng marami. Ngunit kung masalimuot
ang naging buhay may-asawa o kaya’y hindi mabiyayaan ng isang anak, o naligaw
ng landas ang mga anak, o di kaya’y hindi maibigay ang pangangailangan ng mga
anak – TAGUMPAY ba ito? Kung hindi siya
nag-asawa hindi dahil bigo siya sa pag-ibig kundi mas pinili niya ang
desisisyong hindi mag-asawa, natutulungan niya ang kapamilya at masaya siya sa
nangyayari buhay niya – mas NAGTAGUMPAY siya.
Katulad din ito ng taong nakapagtapos nga ng pag-aaral, nakapagtrabaho
sa magandang kumpanya at nagkaroong ng magandang pamilya ngunit ang mabuting nakikitungo
sa kanya ay ang mga taong malapit lamang sa kanya at marami ang galit sa kanya
dahil sa uri ng kanyang pakikipag-kapwa tao, kabiguan ito sa kanyang pagiging
tao.
Aral: hindi sa pagiging may asawa o walang asawa at
karangyaan ng buhay ang tagumpay ng isang tao kundi nasa kung paano ka kabuting
makipagkapwa-tao o kung ano masasabi sa iyo ng iyong kapwa. Madali ang maging tao ngunit sadyang mahirap
ang magpakatao.
May
malaking suweldo siya at may iba pang mga pinagkakakitaan, may magandang
trabaho, nakakabili ng mga mamahalin at usong gamit at mga kasangkapan, ngunit
wala siyang maituturi na sariling ari-arian o walang ipong-pera sa halip ay may
utang pa. O kung malaki nga ang kanyang
kita ay napupunta naman ito sa kanyang dinaramdam na karamdaman – hindi siya
TAGUMPAY. Mabuti pa ang di hamak na mas
maliit ang sweldo kaysa sa kanya pero walang utang, kung mayroon man ay yung
tinatawag na “mabuting pagkakautang” tulad ng hulugang ari-arian, at maliit man
ang kanyang kita ay masuwerte siyang walang iniindang karamdaman – mas TAGUMPAY
siya. Mabuti pa ang simpleng buhay na kaydaling makamtan kaysa
sa taong walang kasiyahan sa lahat ng mga nakukuha niya dahil sa sarili niya ay
malungkot siya sa hindi makuhang kagustuhan at hindi matagpuang katahimikan ng
buhay.
Aral:
ang tagumpay ay hindi nakikita sa panlabas na kaanyuan ng isang tao, hindi ang
kung ano ang mga kaya mong makuha ngunit mayroon namang pagdurusa. Hindi pera ang sukatan ng tagumpay kundi sa
katahimikan ng isipan. Matutong magplano
ng gastusin, alamin ang wastong pag-gasta at ang limitasyon sa pag-gasta. Magkaroon ng pagpaplano at matutong gumastos
sa abot ng makakaya lamang.
Kung
nagkaroon nga siya ng katungkulan sa trabaho na may malaking kabayaran ngunit
may mga nakakagalit siyang kasamahan, ang pamumuno niya sa trabaho ay hitik sa
reklamo, hindi mapaunlad ang pinamumunuan at nahahaluan ng kaanomalyahan, ang
kanyang posisyon sa trabaho ay hindi matatawag na TAGUMPAY. Kung
sa kabila ng may malaki na siyang natatanggap na kabayaran sa trabaho ay
naghahangad pa siya ng pagkakakitaan kahit sa mali at panloloko, kung nakukuha niya
ang kanyang mga pangarap at mga plano sa buhay ngunit galing sa maruming trabaho
o sa hindi patas na paraan, hindi ito isang TAGUMPAY.
Aral:
ang totoong tagumpay ay iyung galing sa tamang paraan. Aanhin mo ang tagumpay kung ito ay hindi
tanggap at pinagdududahan ng iyong kapwa.
Ang perang nakuha sa mabilis pero maling paraan ay madali ding gastusin
at maglaho. Ang pera, kayamanan o
ari-arian na galing sa maruming paraan ay hindi nagtatagal bagkus magdudulot pa ng mga hindi magagandang kaganapan sa buhay.
Mabuti
pa ang taong simple lang ang mga pangangailangan at kasiyahan kaya nakakamit
niya ang totoong kasiyahan at kapayapaan ng isip. Kahit ang trabaho niya ay nasa pinakaibaba
ngunit naibibigay niya kung ano ang hinihingi ng kanyang trabaho na hindi
kalakihan ang suweldo, kahit wala siyang sariling pamilya ngunit natutulungan
niya ang kanyang kapwa, at kahit ordinaryong tao lamang siya ngunit wala naman
siyang nakakagalit na kapwa at walang masasabing hindi maganda ang mga nakakakilala sa kanya, ito ang
maituturing TAGUMPAY sa pagkatao, trabaho at sa buhay.
Aral:
Ang tagumpay ng isang tao ay depende kung gaano siya kasaya. Maaaring wala siyang kayamanan ngunit
napakasaya niya sa buhay dahil yung simpleng mga pangarap niya ay nakamit niya – TAGUMPAY siya. Maaring sa isang dampa siya
naninirahan ngunit masasabi niyang kuntento siya sa kanyang buhay at mayroong
siyang katahimikan ng pag-iisip dahil wala siyang kaaway, may mahuhugot sa oras
ng kanyang mga simpleng pangangailangan, at wala siyang inaaala-alang karamdaman,
ang taong ito ay TAGUMPAY.
Ang
tagumpay ng tao ay hindi nasusukat sa laki ng kayaman, dami ng karangalan, lakas
ng kapangyarihan, mga narating, at kayang bilhin kundi nakadepende ito sa tunay
na kaligayahan. Ang kaligayahan ay ang kapanatagan ng pag-iisip at ang pagiging kuntento sa buhay. Kapag nakamit mo
ang iyong pangarap, gaano man iyun kalaki o kaliit, kung masaya kang nakuntento
ay mas nagtagumpay ka dahil nakamit mo ang pangarap mo. Kung sino ang mas masaya nang naaayon sa kabutihan,
iyun ang mas tagumpay.
Friday, August 11, 2017
BALAGTASAN: NARARAPAT BA O HINDI NARARAPAT ANG BATAS MILITAR?
Para sa Buwan ng Wika
LAKANDIWA
Mga minamahal kong tagapakinig
Mula dito at saang sulok ng daigdig
Halina kayo, ating pag-isipan at suriin
Ang Batas-Militar ba’y dapat tanggapin
O ‘di na ito dapat pang bigyan-pansin
At sa ating pakikinig nang taimtim
Ang katanungan ito ay sasagutin
Sa aking kanang bahagi ay ang kapanalig
Sa batas-militar siya ay may pahiwatig
Habang sa ‘king kaliwa’y ang kabilang panig
Ang lubhang pagdisgusto ay nananaig
Kayo’y aking binabalaan, puso sa pagpintig
Mga makabagbag-damdamin inyong maririnig
Alin sa dalawa ba ang sa inyo’y kaibig-ibig
Heto na’t simulan pagtatalo nila’y busisiin
Ang tagisan ng pag-bigkas ng kanilang bibig
PANIG
Ako ay lubos na nagpapasalamat
Nang isang umaga sa aking pagmulat
Magandang araw ang siyang sumikat
Ang sagot sa mga tanong kong umuurirat
Sa aking bayan ano ba ang nararapat
Katahimikan ay makamtan nang ganap
Akong natatakot sa sagot ay nag-aapuhap
Mandi’y ang pag-asa’y tila aandap-andap
Kaya ako ay tuwang-tuwa at nagkabuhay
Sa pag-deklara ng Batas-Militar ay patunay
Dahil sa panahon ngayon ito’y nababagay
Mga abusadong taong mahilig magpasaway
Ang pagkilala sa batas sa kanila’y ipapanday
Ito ang mariing ituturo na dapat isabuhay
Hanggang makamit natin tahimik na buhay
Dahil disiplina na ang siyang mananalaytay
KONTRA
O aking katungali tila ako ay iyong sinampal
Sa papuri mo sa batas militar ako’y nagimbal
Hindi mo ba alam, ito’y magiging kakambal
Ng mga kalabisang bawal na bawal
Anong katahimikan ang tinuran mong ganap
‘Di dahil payapa sa ‘yong lugar at hinagap
Ay walang batas militar na sa iba’y nagpahirap
Dahil balita’y sinasala kaya’t wala kang nasagap
At di dahil di ka sinaktan kaya’t di ka maka-usap
Paano naman ang iba na bugbog sa pahirap
Pigilan mo ako, dahil ako ay nauumay
Mula sa walang katapusang pakikiramay
Sa mga desaparacidos na nangyaring tunay
At sa mga maraming taong nakahandusay
Dahil sa mga buhay at karapatang pinatay
Hindi pa ba tayo natuto sa ating nakaraan
Sa batas-militar nuon anu ba’ng kinahinatnan
Hindi ba’t kabi-kabila ang mga kalabisan
Mga hinubaran ng makataong karapatan
Nitong mga sundalo pati na ang kapulisan
Eh sino nga ba ang naiwan nang talunan
Hindi ba yaong mga mamamayan
PANIG
Sa iyong tinuran aking magiting na kalaban
Ang iyong kaalaman ba ay hanggang saan
Iba nuon, iba ngayon, ito’y iyong pag-isipan
Kung nuon ang batas militar ay kamalian
Ang sa pang-ngayon ay kailangang-kailangan
Kitang-kita natin na may rebelyon naman
Sa marahas na pananakop sa isang bayan
Kaya nararapat lamang na proteksiyonan
Ang higit na kapakanan ng mga taong-bayan
Puksain ang terorismo sa anu mang paraan
Dahil sa mundo natin sila ay walang puwang
Sadyang malagim ang paghasik ng kasamaan
Kaya ang kamay na bakal ay nararapat lamang
Upang ang mas masahol pa ay maagapan
KONTRA
Ang batas militar wari ko’y hindi nararapat
Dahil napakarami ng batas na totoong sapat
Ipairal lamang ang mga ito nang buong tapat
Tingnan ko lang kung hindi sumunod ang lahat
Kahit kailan ang tamang proseso ang dapat
Dahil ito ang sinasabi ng batas para sa lahat
PANIG
Ang batas militar ay nasa tumpak na paraan
Na nasulat sa Saligang Batas ang katotohanan
Ngunit tandaan, higit sa pamuksa sa kaguluhan
Batas Militar ang maghahatid ng kasaganahan
Magbalik-tanaw nga tayo sa ating nakaraan
Lundagin ang may apat na dekadang nagdaan
Di ba’t kay-ganda’t kay-linis ng ating kapaligiran
At ang pag-usbong ng yaman nitong ating bayan
Dahil sa pag-unlad ay disiplina ang kailangan
KONTRA
Hindi disiplina bagkus takot ang siyang umiiral
Sa mga mamamayang tila sunud-sunurang sakdal
Marinig pa lamang ang batas-militar ay nauutal
Sa hapdi at bagsik na hatol ng kamay na bakal
Nasaan nga ba’ng totoong kasaganaha’t yaman
Mayron man ito’y minana sa gobyernong nagdaan
Hind ba’t dekadaka sitenta nagsimula’ng kahirapan
Kawalan ng hanap-buhay kayat nangibang-bayan
Sa pagtatapos ng batas militar anong natuklasan
Hindi ba’t bangkarote ang kaban ng bayan
LAKANDIWA
Hayan mga giliw na taga-pakinig
Ating narinig ang magkabilang panig
Ating narinig ang magkabilang panig
Nabatid ang dalawang magkatungali
Ang pagtatalo nila ay huwag ng patagalin
Sa pakiwari ninyo saan ba kayo papanig
At alin nga ba ang inyong mas pipiliin
Ang may batas militar na nararapat sa atin
O ang sa kontra dito sa kanilang tingin
Ang pagpapasya sa inyo’y iiwan namin
Kaming tatlong naririto inyong nakapiling
Sa matiyagang pakikinig ninyo sa amin
Ay isang pasasalamat ang iiwan namin
Ang Balagtasan ay isang uri ng pagtatalo ng dalawang magkabilang panig ukol sa isang paksa sa pamamag-itan ng pagsasagutan. Ito ay isang panitikan kung saan ang saloobin at pangangatwiran ay bibigkasin nang patula, ipapahayag sa pamamag-itan ng mga pananalitang may tugma sa huling pantig, makabuluhan at matalinghagang salita. ang balagtasan ay binubuo ng tatong personalidad. Ang Lakandiwa (Lakambini kung babae), panig at ang kontra.
Subscribe to:
Posts (Atom)