Tuesday, September 16, 2025

WAG CO-KURAP

(huwag kang kukurap, huwag kang kasabwat ng kurap)


Sa isang mahirap na bansa na tulad ng Pilipinas ay pahirapan talaga ang mamuhay kaya natutukso ang mga tao, mayaman, mahirap, may trabaho at wala, na gumawa ng mas malaki at mas mabilis na pagkakakitaan kahit sa paraang illegal. Dahil gusto ng mga tao ay mabuhay at ang mabuhay ay matira ang pinakamatibay kaya lumalaganap ang mga katiwalian at krimen.


Nuon pa ay may korapsivon na, matagal na itong nangyayari. Sa tagal nga ay tinatanggap na ito na parang nasanay ng nariyan lang na bahagi na ng buhay, sistema, at ugali. Marami ng mga anomalya ang nabulgar, pinag-usapan, hanggang makalimutan kapag mayroon na namang ibang anomalya ang mababalitaan. Walang napaparusahan kaya ang mga tao na sangkot ay nakakaalis, may nagpapatuloy ulit, may napapaganda pa ang katayuan dahil nariyan pa rin ang kapanalig na nakikinabang din sa korapsiyon. Paulit-ulit lang, magkakaiba lang ng mga tauhan at halaga kung magkano ngunit pare-pareho ang mga kuwento ng pagkamal ng limpak na salapi. Ang mga sangkot: politiko, mambabatas, ahensiya, trabahador at ordinaryong tao lahat ang pakay ay kumuha ng pera mula  sa kaban ng bayan na pang-serbisyo sana sa taumbayan. Paulit-iulit, paikot-ikot at walang katapusan, kung mayroon lang sana kinahahantungan ang mga imbestigasyon para maparusahan ang mga sangkot maging sino man sila.


Bata pa lang tayo ay naririnig na natin ang salitang korapsiyon. Ngayon, mas nagiging sistematiko, mas lumalala, mas dumadami. Matagal na ang korapsiyon, hindi lang sa flood control, TUPAD, 4Ps, ayuda, sa halalan. Hindi lang sa DPWH, sa Custom, Philippine Sports Commission, sa DepEd, sa DOH, kahit sa mga lokal na munisipyo, opisina ng baranggay at mga organisasyon ng mga maliliit at ordinaryong tao tulad ng mga TODA, homeowners at religious group. Ganito kalawak, katalamak at kalala ang korapsiyon sa Pilipinas na pinagtibay na ng panahon dahil walang napaparusahan, dahil tinatanggap na ng mga taumbayan, at dahil sa ugali ng tao na materyalismo at hindi marunong makuntento. Maraming tao ang walang kasiyahan at walang kabusugan. Hindi sa kasuwapangan dahil nakikihati siya sa kapwa niyang katulad din niya ngunit hindi lang talaga sila makuntento na kailangan pa nilang ulitin at ulitin ulit hanggang nabubuhay. Hindi totoong kapag mayaman ay hindi na magnanakaw dahil hanggang ang tao ay makamundo, sisiguraduhin niyang magpalakas upang maipaglaban niya ang kanyang kapangyarihan dahil ang materyalismo na ito ay nagiging simbolo ng magandang buhay.


Nakakalungkot dahil maingay lang tayo ngayon dahil bago ang balita pero lilipas din ito. At habang ang nakararaming taumbayan ay hinahayaan na lang dahil masaya na silang mabibiyaan kahit kaunti at sandali, maging buhay-pasko paminsan-minsan dahil sanay na sila sa hirap, dahil wala naman daw mangyayari, dahil wala naman daw silang magagawa, dahil pare-pareho lang naman ang mga iyan. Matagal ng ganito ang katwiran ng marami kaya lumala ito, kaya hindi matapos ito, at kaya iyung mga tiwali ay mas lumakas at mas kampante.  Pero hindi dapat ganito, sana huwag natin tanggapin na lang dahil kung ganito ay korap na rin tayo. Hindi dapat hayaan ang korapsiyon. Dapat sa katawagan pa lang ay pandirihan na ang korapsiyon, paka-ayawan natin ang gawaing ito, maging kahihiyan ang madawit dito, at maging sumpa ang gumagawa nito. Marami ng tao ang namatay dahil dito, ilang tao na ang hindi makapagpagamot dahil sa korap na serbisyong-medikal. Ilang tao na ang nawalan ng magandang kinabukasan dahil hindi nila natikman ang mapaglingkuran sila ng bayan. Ilang bata na ang hindi nakapag-aral dahil sa bulok na sistema ng edukasyon? Ilang tao na ang nawalan ng pag-asa dahil ang mga oportunidad ay nako-korap? Sa laki ng mga ninanakaw sa atin ay mapapaisip ka na kaya naman pala ng Pilipinas na sumabay sa makabagong teknolohiya tulad ng nasa ibang bansa kung ang mga perang nananakaw ay napupunta sa tama. Kung tutuusin ay kaya naman pala natin na gumastos din ng malaking pera para magkaroon tayo ng transportasyong pang-publiko na pang-daigdigan ang kalidad, tulay na katulad sa mauunlad na bansa, makabagong ospital sa abot-kayang gamutan, o pensiyon mula sa gobyerno pero hindi mangyari-yari ang mga ito dahil sa korapsiyon.