Wednesday, August 14, 2019

PAKIRAMDAM NA TAKOT


Walang pasok nuon, isang ordinaryong tanghali lang nang bigla-bigla ay nakaramdam ka ng takot.  Alam mo naman na wala kang kinatatakutan pero bigla ay naramdaman mo iyung takot at kaba, na tila habang dinadama mo iyung takot at kaba ay lalo itong tumataas kaya mas lalo kang natatakot na baka hindi mo makayanan at bumigay ka.  Hindi ka naman nagulat, napagod, o nasasabik pero bakit takot ka ng wala ka naman dapat katakutan?  Wala ka namang dinaramdam nuong mga nakalipas na araw pero bakit biglang-bigla ay natakot ka at kinakabahan nang walang dahilan: balisa, mauupo sa kuwarto pero hindi mapalagay at sandali lang ay tatayo at lalabas ng kuwarto upang maupo sa sala pero hindi rin magtatagal ay muling tatayo at babalik sa kuwarto.  Humiga upang magpahinga ngunit ang isip ay puno ng nararamdamang takot sa kung saan ay di alam kaya bumangon na lang.  Sinubukang magbukas ng computer upang gumawa ng kung ano pero talagang hindi mapalagay sa nararamdamang takot at kaba pero talagang hindi makatutok sa ginagawa.  Ang hirap at nakakatakot, sisigaw na ba, hihingi na ba ng tulong sa mga natutulog na kasama?  Sa nalilitong isip, nakapag-isip pa na banayad na huminga ng malalim upang kahit papaano ay mabawasan ang kaba.  Nakatulong naman kahit hindi ganap na nawala kaya sa pagkakataong iyon ay isa ang naisip – magdasal: Panginoon, tulungan mo pong mawala ang nararamdaman.  Tulungan mo po at nuon ay nagkaroon ng luwag sa dinaramdam.  Medyo nabawasan pa ulit ang takot at kaba.  Salamat po Panginoon.  Nagbukas ulit ng computer upang libangin ang sarili sa panonood ng mga nakakatawa.  Sa loob ng isang oras ay nawala ang takot pero nang itigil ang panonood upang magpahinga ay paminsan-minsang bumabalik iyung takot at kaba.  Tumawag sa isang kaibigan, pwede bang magkita?  Kaya nuong hapon na iyun ay sinabi niya sa kaibigan ang nararamdaman.  Malaking kaluwagan sa dibdib ang nailabas mo ang iyong nararamdaman.  Nakauwi nang maayos pero pagdating sa bahay ay paminsan-minsan nararamdaman ulit ang takot hanggang sa matulog.

Nalungkot sa nangyaring iyon.  Tuloy sa sobrang lungkot akala’y iyun na ang dinaramdam.  Ano ang isang payo para sa isang tao na sobrang naiinip at lungkot na lungkot, ang sabi ng isang kaibigan, pagurin lang ang sarili o gumawa ng bagay na kinagigiliwan.  Libangan ang pagsusulat pero hindi magawang magsimula dahil walang maisip na isusulat.  Kailangan ng mapaglilibangan, iyung makakita ng bagay na hindi na lamang computer, kuwarto at sala kaya nakiupo sa mga nag-uusap kahit makinig lang.  Sa ganun ay nalilibang ang isip upang malimutan ang takot sa hindi malamang takot sa kung saan.  Pero ang masakit ay hindi naman sila mag-uusap ng buong maghapon kaya nang maghiwa-hiwalay na ay wala ng magagawa kundi bumalik sa sariling kuwarto.  Nagbukas ng computer at muling nilibang ang sarili sa panonood ng mga nakakatawang palabas.  Nakatulong ito, sa maghapon ay pabalik balik sa panonood hanggang mag-gabi at matulog na.  Hanggang natapos ang mahabang katapusan ng linggo na iyon, at salamat dahil kinabukasan ay mayroon ng trabaho na mapaglilibangan.  Akala ay nalulungkot o naiinip lang pero nang maisip na hindi pala dahil duon kundi yung takot nga pala ang nararamdaman.  Pero ano nga ba ang ikinakatakot, wala naman.  Takot sa sitwasyon sa trabaho – hindi naman.  Hindi naman dahil sa umaalis na mga kaibigan.  At hindi rin sa may dinaramdam na karamdaman.    Ang sabi, kapag naramdamang nariyan na naman yung takot ay huwag daw hayaan na tumuloy ito.  Mag-isip daw ng mga masasayang bagay, o tumayo at maglakadlakad para hindi siya tuluyan maramdaman.  Habang nagtratrabaho, ilang beses tumayo upang maglakad.  O kapag sumasagi na naman sa isip ang takot ay ibinabaling sa iba ang isip.  Nag-iisip ng masasayang pangyayari, mga magagandang gagawin, o di kaya’y kumakanta sa isip.  Nakakapagod man, pagkatapos ng trabaho ay lumabas at nagpaabot ng gabi sa labas ng bahay.  Habang nasa labas ay ramdam na nuon ang pagod.  Ang hirap yung pagod na ang katawan mo ay pagod pa rin ang isip mo.   Pero ano ba talaga ang dahilan ng takot?  Mabuti na lamang, nakakaramdam ng gutom at kumakain tatlong beses isang araw pero konti lang ay nabubusog na.  Buti na lang at nakakatulog pero sa pagkakahiga ay konting kibot ay pinapansin ang mga maliliit na abala tulad ng maliit na pangangati o ngalay.

Nagkaroon ng pagkakataon na maghanap sa computer kung anu nga ba ang naramdaman.  Panic Attack, Anxiety Disorder o Depression.  Sa totoo ay nakatulong ng malaki ang malaman kung ano ang nararamdaman.  Hindi naman pala nakakatakot, ang lahat ng ito ay may lunas.  May mga tao na nakakaranas ng bigla na lamang kakabahan kahit walang nangyaring nakakabahala.  Sa pagkabahala niya ay kung anu-ano na ang iniisip niya.  Mayroon namang bigla-bigla na lang at paulit-ulit na nararamdaman ang pagkabalisa.  Kumakabog at sobrang tibok ng puso, parang nabubulunan, natatakot na mawalan ng kontrol, ang iba ay nakakaranas ng pagpapawis, panginginig ng kamay o katawan o pamamanhid, nahihirapang huminga, masakit ang dibdib, nahihilo o nasusuka o nararamdaman na bigla na lang mahihimatay.  Sarili lang ang makakatulong ng malaki, paglabanan ang nararamdaman.  Sa totoo lang, ang daling sabihin pero napakahirap gawin ng taong kasalukuyang nakakaranas nito.  Napakahirap kapag sarili mo ang kalaban mo na sariling utak at damdamin mo ang nagtatalo at wala kang magawa dahil natatalo kung ano ang gusto mo.

Saturday, August 10, 2019

PASALAMATAN ANG MGA KAIBIGAN


Ang kasabihan nga, ang tao ay hindi makakapag-isa.  Kakailanga’t kakailanganin niya ang makisalamuha, makibagay at makipagkaibigan sa ibang tao.  Dahil kung sino man ang mga nasa tabi mo, mayroon kang kakailanganin sa kanila nang hindi mo magagawang mag-isa.  Bukod sa magiging katuwang sa buhay, mas mabuti na magkaroon ka ng isang totoong maaasahan, makakasama at makakapalagayang-loob habang kung saan ka man naroroon.  Dahil ang mundo natin ay pakikisama at pagbibigayan,.kailangan mo ang pakikipagkapwa-tao.  May mga kasama tayo na hindi natin matawag na matalik na kaibigan dahil may mga limitasyon pa kayo sa isat-isa. Hindi naman masasabing ordinaryong kaibigan dahil naikukuwento na ninyo sa isat-isa ang mga lihim, nakaraan at ang mga plano. Naiiba dahil masasabing malapit na kaibigan pero kailangan pang patunayan – natatanging kaibigan siguro hanggang maging siya na ang iyong pinaka-kaibigan.  Ang kaibigan ay ang iyong anghel na tagabantay.  Siya ang iyong magulang na susuhetuhin ka, kapatid na tagasumbong ng iyong mga kakokohan, at kaaway na kokontrahin ang mga pagkakamali mo pero ipagtatanggol ka.  Ano man ang inyong pagkakaibigan, tipong panganay at bunso, o iyung parang magulang ang isa, o tila mag-asawa na laging magkasama, ang pagkakaibigan ay dapat pahalagahan at alagaan upang mas lalong tumibay ang pagmamahalan.

Masarap isipin na mayroong isang tao na hindi mo kaano-ano pero naririyan na nagmamalasakit sa iyo.  Hindi mo karelasyon pero nakakasama mo lalo na sa mga panahong walang-wala ka, bagsak na bagsak, o basta’t kailangan mo lang ng makakausap o makakasama.  Sila ang kaibigan.  Maraming magdaraan ngunit mahirap matagpuan.  May agad nagkakapalagayan ng loob dahil magka-tugma ang pagkatao, mayroon ding magka-iba ngunit magkasundo.  Maaaring iba ang inyong pagkakaibigan.  Sinubok na ang kaibahan nito sa ibat-ibang pagkakataon – minsan nahihirapan kayong ipaglaban, pinagdududahan kung itutuloy pa ba o may saysay pa bang ituloy?  Pero sila rin sa isat-isa ay tanggap ang kapintasan, kamalian, kakulangan at kasalanan ng bawat-isa.  At alam nilang naging totoo, tapat at may malasakit sila kaya sino pa ang magsasama kundi sila’t-sila din.  Nahihirapan minsan pero mas gusto pa rin ang kagandahan ng pagkakaibigan, may mga problema pero ang mahalaga ay nalulusutan at nakikilala pa nila ang isat-isa.

Magkaiba kayo ng personalidad pero tanggap ninyo ang samahan ninyo na angkop sa isat-isa dahil pareho kayong maunawain at mapagbigay.  Iyung kapag tanggap ang kababawan, kamalian, kalokohan, kakulangan, bakit mo pa nga ba hahayaan mawala ang pagkakaibigan?  May mga pagtatalo, nag-aaway, nagkakasakitan ng loob dahil sa mga binibitawang salita, pero kapag humingi ng tulong, kahit galit ay walang magagawa kundi tutulong din, at pagkatapos niyon kinakalimutan ang nangyari ngunit hindi ang natutunan.  Iyung kahit may ginawang kinalokohan pero –dahil siya yung nagpaingay ng siryoso mong buhay.  Iyung may mga hinanakit ka pero nawawala kapag nasusuklian ng kabutihan.  Kung may hindi pinagkakasunduan, iwasan lang ang maungkat.  May mga bagay na gusto kang gawin pero alam mong hindi niya magugustuhan kaya hindi mo na lang ginagawa – iyun ang respeto.  Magparaya ka at ikaw ay pagbibigyan, magskripisyo at ikaw susuklian.  Kapag sinabi na pinilit ang sarili na gawin ang isang bagay para lang mapagbigyan o mapasaya ang kaibigan, isinakripisyo ang sarili para lang hindi mapahamak ang isa, hindi ba’t nakakatuwa itong malaman kung kaya nakukumbinsi mo ang sarili mong magpasalamat dahil mayroon kang isang kaibigan.

Isang pasasalamat sa mga kabutihan, sa mga araw na pinagsamahan, sa naging pagturing bilang kaibigan.  Sa loob ng matagal na panahon, naging kakampi sa problema, pamawi sa kalungkutan, pantakip sa kakulangan, at tagapagdulot ng kabutihan – salamat sa alaala.  Saan man tayo mapadpad, kailangan natin maghanap ng isang kaibigan, ngunit tanggapin natin na maaaring hindi ito pangmatagalan na anumang oras ay kailangang magkalayo.  Masakit iyung araw-araw mong nakakausap ngunit isang araw ay wala ng pagkikita at hindi na nagkakausap.  Sana sa araw na hindi na nagkikita, kapag iyung kahit matagal-tagal na’ng hindi nagkakausap o nakakasama pero malalaman mo na lamang na ipinagtatanong ka pala niya sa ibang tao.  Kinakamusta o hinahanap – hindi ba’t nakakatuwang malaman ang ganuon dahil napapatunayan mo yung pagiging totoo niyang kaibigan sa iyo, nararamdaman mong nagmamalasakit pa rin siya, hindi nakakalimot.  Salamat sa naiibang kaibigan, maaaring may hangganan ang pagsasamahan pero wala ang pagkakaibigan.