Monday, December 29, 2025

TAHANAN

Nung araw na sa Pilipinas pa ako nagtratrabaho, ayokong lumayo o umalis sa sinilangan kong bayan kasi gusto ko ang lugar namin, gusto ko ang mga tradisyon ng aming bayan, narito ang mga kinasanayan ko, at narito ang mga tao na kaibigan, kababata, nakasabayan, nakilala at nakasama ko. At isa pa, bahagi na rin ng pagiging makabayan ba.


Kaya nung mga unang taon na ako ay nagtratrabaho na sa ibang bansa ay plinano ko na kung magkakaroon ako ng sarili kong bahay sa loob din ng aming bayan ang gusto ko. Ngunit sa paglipas ng mga taon, nalilibang ako sa kinaroroonan ko, nagugustuhan ko ang aking lugar, at nararamdaman ko na nasasanay na akong malayo sa aming bayan. Tuwing bakasyon ko kada taon, sa paulit-ulit kong pag-uwi at pag-alis, tumatagal ay nararamdaman ko ng nagbabago na ang lugar at mga tao sa amin. Marami na akong hindi kakilala at hindi rin ako kilala, marami na akong mga hinahanap na hindi ko na makita. Bagamat naroon pa rin ang aming lumang bahay ay nagbago naman ang mga kapit-bahay at kapaligiran na nakikita ko. Ang mga tao ay nagdadatingan at umaalis lang kaya parang nawawala na yung mga gusto ko at hindi ko na rin hinahanap iyung mga dati kong kinasasabikan. Kaya naging maluwag na sa loob ko na manirahan na kahit sa ibang bayan kasi hindi na rin naman iyun ang dating lugar na naruruon ang mga hinahanap ko. Parang wala na ako gustong babalikan na kinasasabikan ko dati dahil nag-iba na: ang aking interes, ang aking plano, ang lahat. NAGBAGO na, at nagbago na rin ako.


Ngayon ay binubuo ko ang aking magiging bagong mundo. Hindi sa bayan na aking kinalakihan na minahal ko ng sobra at totoo. Kahit hindi man ito sa aming bayan na lugar ng mga kamag-anak ko ay wala na akong nararamdamang bigat ng loob sa paglayo ko. Ngayon ay nasimulan na itong maitayo, pinipilit kong matapos sa darating na taon, at sa susunod na taon ay mapunan na ng mga gamit. Gusto kong magkaroon dito ng mga bagay na aking kinalakihan. Ang katahimikan, ang pagiging mapag-isa, ang maaliwalas na kapaligiran, ang interes ko sa mga halaman, at ang mga kulay na nagsasabi ng aking ugali at pagkatao. At ng sa ganun na paraan man lang ay mabalikan at makasama ko ulit iyung mga nawala sa akin habang ako ay nawala sa aming bahay.


Ang buhay ay walang kasiguraduhan. Hindi permente ang mundo, marami ang nagbabago. Nagbabago ang ating ugali, mga prinsipiyo, at ang mga plano natin. Hindi dahil mali ang mga dati mong paniniwala kundi dahil iyun ang mga kailangan mo dati at nakatulong ang mga iyon upang magbago ang kaisipan mo ngayon. Kung kailangan ng pagbabago, tanggapin at yakapin ito. Hindi masama ang pagbabago kung hindi naman ito nakakasira. Hindi masama ang umalis, hindi masama ang lumayo. Hindi kataksilan ang mang-iwan, hindi karamutan ang mag-isa. Kailangan lang tanggapin na kapag wala na ang kasiyahan sa puso mo ay maaari ka ng magsimula muli ng panibagong yugto ng iyong buhay.

No comments: