Saturday, December 06, 2025

DIWA NG NOCHE BUENA

Ang isang ahensiya ng gobyerno ng Pilipinas ay nagpahayag na ang 500 piso ay magkakasya sa noche buena.

Sa tanong na kung kaya ba ang 500 pesos na pang-noche buena, ang sagot ay hindi applicable sa oo o hindi. 

Hindi ito para sa lahat kasi depende kung ano ang gusto mo at kung sino ang mga magnonoche-buena.

Kung magarbo ka sa paghahanda kahit na tatlo lang kayo na kakain ay hindi ito kakasya.

Kung kahit simpleng pancit at pandesal lang pero walo naman ang miyembro ng pamilya, siguradong hindi kakasya.

Kung ang isang tao ay nagbabayad ng 150 piso sa sikat na fastfood chain sa simpleng ispageti na may kasamang pinritong manok at malamig na inumin, bakit hindi ito magkakasya sa isang pamilya na may tatay, nanay, at isang anak na tig-150 piso bawat isa?

Kaya ang tanong ay ano ba ang gusto mo? Yung sobra-sobra ba para may makakain pa rin kinabukasan? Iyung parang magmumukbang ba? Iyung pangmayamang menu ba? Natural hindi kasya ang 500 piso.

Yung sakto na may makakain lang na salo-salo ang lahat sa hating-gabi? Malamang magkasya dahil hindi ka naman maghahanda ng higit pa sa ispageti at tinapay o pritong manok kaya.

Higit sa kung magkakasya ba ang 500 piso na noche buena, siguro paminsan-minsan, halimbawa ngayong taon lang, ay subukan natin maging simple para maiwasan natin ang maging materyalismo. Kailangan ba talaga na umaapaw ang hapag kainan ninyo sa dami ng putahe tulad ng morcon, kare-kare, pancit, mga loaf bread, ibat-ibang prutas, may mga inumin, at may pa-lechon pa. Hindi na magkasya ang mga pagkain sa lamesa para sa pamilya ng may tatlong anak habang nasa ibang bansa ang nanay o tatay. Sa dami nito ay may mga natitira, natatapon, nasisira. At sa kagustuhan maubos ay pinipilit makain kahit nakakarami na ng mga mga mamantika at matatamis.

Natural ang ikakatwiran ng iba ay minsan lang naman daw ito sa isang taon pero sigurado hindi isang beses lang sa isang taon na ikaw ay nagpapakabusog sa pagkain. 

Ang daming hindi nakakakain pero ikaw isang gabi lang piyestang-piyesta sa kusina ninyo. Oo hindi mo kasalan kung ikaw ay may pambili at ang iba ay walang pang-handa pero ang punto dito ay ang pagiging makamundo at materyalismo ng tao na bakit nagiging paligsahan, padamahihan, at sukatan ng estado sa buhay ang nakahain sa lamesa tuwing noche buena?

Sa hindi kariwasaang pamilya na may tatay, nanay, kuya, at ate na maliliit pa, ang 500 piso para makapagluto ng ispageti at bumili ng tinapay para lang may makain na mapagsasalu-saluhan sa noche buena ay maaaring makaraos ng pang-noche buena. Sa mga pamilya na walang-wala, ang 500 piso na sa araw-araw ay pahirapan makuha, ito ay malaking bagay.

Tandaan: ang diwa ng noche buena ay salusalu sa pagkain at hindi magpakapiyesta sa pagkain at magpalungo sa inumin.