Sunday, October 18, 2015

KABILUGAN NG BUWAN

Sa tuwing sasapit ang dilim ay palagi akong dumudungaw mula sa bintana, nakatingala sa langit upang tingnan ang inaabangan kong kabilugan ng buwan.  Kung may dalawampu at walong araw din ang aking paghihintay para mabuo ang napakaganda, napakaliwanag at napakahiwang kabilugan ng buwan.  Sa napakalawak na madilim na kalangitan, namimilog ang aking mga mata sa labis na katuwaan na tinititigan ang tumitingkad niyang kaliwanagan habang papalalim nang papalalim ang gabi.  May hatid na hiwaga ang napakalawak nakalangitan at kapaligiran sa tuwing bilog ang buwan.  Katulad din ng mga kababalaghang nakakatakot pag-usapan tuwing ganitong panahon.  Bakit ba sa tuwing bilog ang buwan ay saka pa napag-uusapan ang mga kakaibang nilalang na hindi natin nakikita na nananahan sa kagubatan at karagatan.   Hindi man nakikita ngunit nararamdaman.  Katulad ko rin, may hatid na misteryo ang bumabalot sa aking katauhan tuwing sasapit ang kabilugan ng buwan.  Parang kakaibang katauhan na nananahan sa aking katawan.

Tuwing araw na ganito, may hatid na misteryo sa akin ang kapaligiran para sa mga nagmamahalan.  Ang panahon ng pagmamahalan at paglalambingan, panahon ng magkasama na naglalakad sa ilalim ng liwanag ng sikat ng buwan.  Gusto ko lamang ang mamasyal at maglakad nang maglakad kasama ang aking pinakamamahal.  Mauupo sa damuhan at sabay na titingnan ang napakagandang buwan, tatanglawan nito ang dalawang nagmamahalan.  Sa liwanag ng bilog na buwan ay nasisinagan nito ang kaibig-ibig na mukha, mga mata at labing mapangusap.  Tila sa tulong ng sinag ng buwan, pakiramdam ko’y napakalakas ko.  Matipuno ang aking bisig, siksik at namimilog ang mga kalamnan, tila nababanat na parang sa isang gerero na nasa digmaan tagapagligtas sa buong mundo.  Isang ganap na mabikas, makisig na mandirigmang namumukadkad ang panghalina dahil  sa kanyang bangis at tapang.

Mataas ang tubig sa dagat, salamin ng bilog na buwan, nagniningning ang buong sinag nito sa karagatang mistulang sinaniban ng langit, ang kapaligiran ay isang buong kulay itim, walang naghahati sa pag-itan ng langit at dagat.  At sa baybayin ay maingay ang maliliit na alon na humahampas sa dalampasigan dahil sa malakas na hangin.  Ganito ang karagatan, habang ako ay nasa kapatagan, tinatanaw ang aninag ng liwanag ng buwan sa mga dahon ng puno ng niyog at saging, sa pagwasiwas ng hangin ay tila mga tala na kumikislap sa kalangitan.  Sa gabing ito, pakiramdam ko ay ako ang pinakamasaya at pinakamapalad na lalaki sa buong mundo.  Bakit hindi ay napakaperpekto ko sa panahong kasama ko ang aking mahal ay wala ng hihigit pa sa aking kaligayahan.  Iyung yakap kosiya saaking mga bisig at ipaghehele hangang sa makatulog sa gitna ng sikat ng buwan.Sa gabing iyon ay tila ako ang buwan na nakatingin lamang sa kanya at tinatanglawan, ako ang kanyang tala na nagbabantay sa kanyang pagtulog at ang dilim ng gabi na kukumutan siya.

Ayaw ko sanang matatapos ang magdamag, kung magliwanag man ay naghihintay pa rin ako kinabukasan kahit na sa ikatlong kinabukasan dahil may mga nalalabi pang hiwaga ang buwan sa akin.  Hanggang muli akong maghihintaytuwing sasapit ang dilim napalagi akong dumudungaw mula sa bintana, nakatingala sa langit upang tingnan ang inaabangan kong kabilugan ng buwan.  Maaaring wala na sa dalawampu at walong araw, kung maaari nga lang ay wala na’ng pagbibilang hanggang sa masilayan ko ang kanyang pangiti sa kalangitan.  Hindi ko man maunawaan ang nangyayari ay masaya na ako dahil sa ganitong panahon ay nararamdaman kong ako ang pinakamahalaga, pinakamakapangyarihan at pinakamapalad na lalaki.  Ito ang hiwaga ng bilog na buwan na aking laging inaabangan at pinananabikan.

Ni Alex V. Villamayor
October 18, 2015

No comments: