Wednesday, September 21, 2016

TUNGKOL SA KOMISYON NG KARAPATANG-PANTAO

Kapag ang isang matalinong tao na kilala ko ay narinig kong bumabatikos sa Komisyon ng Karapatang-Pantao (CHR) na sinasabing mas kinakampihan nito ang mga kriminal kaysa sa mga biktima, wala daw silbi at pampagulo lamang, nalulungkot ako kasi hindi ko akalain na maling-mali ang magiging pagkakaintindi nila kung ano ang kahulugan ng CHR.  Ang akala ko, dahil sila yung masasabi nating marurunong nuon sa high school, o iyung mga nagtapos ng kolehiyo o mga pumasa pa sa board exam ay mas maiintindihan nila kung ano ang CHR.  Mawalang-galang, pero parang katulad na lamang sila ng maraming may mahinang pang-unawa na nagkukumagalit, naghuhurementado at nagngangangawa na nagkalat sa social media pero wala namang saysay kung ano ang ikinagagalit nila dahil parang aso lamang sila na tumatahol sa maling puno.

Una, magsimula tayo sa tanong na “Ano ang CHR?”.  Kung nasagot nila nang tama ay ang maaaring isipin kong ibang dahilan ngkanilang malaking galit sa CHR ay maaaring mayroon lamang silang personal na galit sa CHR, may kulay politika, nakikigalit lang dahil sumusunod sa marami, o ayaw lang nilang intindihin ang CHR.  Ngunit kung talagang mali ang pagkaka-alam nila ay mababawasan nito ang paghanga ko sa kanila dahil sa tindi ng pagbatikos nila ay maling-mali naman pala sila.  Ang CHR ay ang komisyon na itinatag upang tulungang ipagtanggol ang sino mang tao na tinatanggalan ng karapatang pantao.  Maliwanag na sino mang tao na nalabag lamang ang karapatang-pantao.  Ibig sabihin, mapabiktima man o mapa-may sala ay ipagtatanggol ng CHR basta sila ay nahubaran ng karapatang pantao.  Ang ating batas na ang nag-uutos nito kaya wala ng dapat na pagdududa tungkol dito.  Ang nakakalungkot, maraming tao ang hindi alam kung anu-ano ba ang mga karapatang pantao.  Sa nangyayaring pagbatikos ng maraming tao, lumalabas na ang pagkakaalam nila sa CHR ay dapat tugisin at litisin ng komisyon ang mga gumawa ng krimen para malutas ang mga kaso.  Hindi.  Hindi ito gagawin ng CHR dahil hindi ito ang trabaho nila.  Ang gagawa nito ay ang ating kapulisan.   Lumalabas pa na ang pagkakaalam ng maraming tao ay basta’t may ginawang krimen ang isang tao ay maaari nang gawin ng sinomang tao ang gusto niyang gawin sa nakagawa ng krimen.  Muli, hindi.  Maling-mali ang paniniwalang ito dahil kapag sinaktan ng nakahuli ang isang taong gumawa ng krimen bago ito isuplong sa pulis, o kaya ay ang mismong mga pulis ang nanakit sa taong gumawa ng krimen bago ito ikulong ay nilabag na nila ang karapatang pantao ng kriminal at ito na ang pagkakataon na papasok ang CHR.  Kaya ang nagiging pagkakaintindi ng mga tao ay ipinagtatanggol o kinakampihan ng CHR ang mga kriminal pero ang totoo ay hindi talaga.  Dahil ang lulutasin lang ng CHR ay ang nakitang pananakit sa kriminal at hindi ang nangyaring krimen.

Itatanong marahil kung paano naman ang biktima.    Madalas ipagsigawan ng mga kritiko ay hindi nila naririnig na ipinagtatanggol ng CHR ang mga biktima ng pangagahasa at mga pinapatay.  May karapatang pantao din ang mga biktima pero ang lahat ay depende sa sitwasyon.  Nagkakataon na talagang sa mga pangyayaring ganito ay mas madalas na nakikita ang paglabag sa karapatang pantao sa mga suspek at criminal pero yung mga kinukupkop ng CHR na battered wife, biktima ng human trafficking, minaltrato, at iba pa ay hindi nakikita ng mga kritiko dahil iba ang sitwasyon kung paano sila natagpuan ng CHR kesa dito sa mga pumuputok  na balita.   Kung ang biktima sa kasamaang-palad ay pinatay, hindi masasabing tinananggalan o nawalan siya ng karapatang pantao dahil ang nawala sa kanya ay ang Sibil na karapatan (Civil Rights o yung karapatan niya bilang mamamamayan) – kaya hindi ito tinututukan ng CHR dahil hindi nila iyun trabaho kundi ng mga kapulisan.   Ang mga halimabawa na ang isang holdaper, nangahasa, o nagbebenta ng bawal na gamut ay nadakip ng pulis at naikulong nang walang pananakit, panghihiya at pangaabuso sa kanila ay hindi papasukin ng CHR.  Ngunit kapag ang isang holdaper, nangahasa, o magnanakaw ay nang madakip ay binugbog, ipinahiya o itinali na parang baboy / hayop bago ikulong, habang kung ang isang tao ay biktima ng pagpapahirap, panghihiya,  o panggigipit ay duon papasok ang CHR dahil ang mga ito ay ang halimbawa ng paglabag sa karapatang pantao. 

Tandaan natin na hindi lahat ng krimen ay naroon ang CHR dahil yun lamang mayroong pagmamalabis sa karapatang-pantao tulad ng pambubugbog, panghihiya, panggigipit o anu mang pagmaltrato lamang sa sinomang tao ang lulutasin ng CHR.  Kailangang panindigan, suportahan at patatagin ang pagtatanggol sa karapatang pantao dahil kung wala nito ay maabuso ang ibat-ibang makahayop na gawain.  Una, hindi maitatama ng isang mali ang isang pagkakamali.  Kung ang iisipin natin ay dapat lamang na bugbugin ang mga sala dahil masama silang tao, anu ngayon ang palagay natin sa ating sarili?   Kung ang katwiran natin lahat ay pinatay ang kaanak mo kaya pinatay mo rin siya, edi papatayin ka naman ng kamag-anak ng pinatay mo at ganun din ang gagawin ng kamag-anak mo sa kamag-anak ng pinatay mo na pumatay sa iyo.  Magiging ubusan na lang ng lahi?

Ang problema lang kasi sa maraming tao ay hindi muna nila alamin kung ano ang bagay-bagay na kanilang babatikusin bago sila magkumagalit dahil nagmumukha lamang silang malaking hangal.  At ang hirap sa maramng tao ay hindi nila maunawaan na sino mang tao na nagkasala na agad pinaparusahan ay nawawalan na ito ng kanyang karapatang-pantao at kahit kriminal man ay may karapatang pantao din.  Simpleng tanong lang – sa palagay natin kung mali ang ginagawa ng CHR ay hahayaan na lamang ba ito ng ating batas na magpatuloy?   Siguro naman ay alam na ng mga matatalinong nangagalaiti sa galit sa CHR ang sagot sa katanungang ito.

No comments: