Friday, June 29, 2018

PAGGISING SA KATOTOHANAN

Naupo sa panguluhan si Pang. Rodrigo R. Duterte nuong Hulyo 1, 2016.  Isa ako sa labing-anim na milyong bumoto sa kanya para manalo sa eleksiyon.  Totoo sa sinabi niya sa kanyang kampanya kaya natuwa ako sa inilatag niyang giyera kontra droga dahil sa wakas ay malilinis na ang talamak na salot sa lipunan dahil tototohanin ng Pangulo ang paglilinis sa droga.  Naging madugo man ang pakikipaglaban sa droga, hindi man ako sang-ayon sa pagpatay sa mga nahuhuling sugapa sa bawal na gamut ay pinilit kong intindihin ang pamamaraan ng Pangulo alang-alang sa pangkalahatang kaayusan at katahimikan.  Maraming mura ang inabot ng mga tumutuligsa sa pamamaraan – ang Simabahang-Katolika, Komisyon ng Karapang-Pantao, at ang ibang bansa tulad ng US, taga-Europa at ang mismong UN dahil sa madugong pamamaraan ng paglilinis sa droga.  Kasabay nito, ipinakita ni Pang. Duterte ang kanyang tapang nang magpakawala siya ng mga maaanghang na salita laban sa kumokontra sa kanyang laban sa droga kasama na ang Amerika at iba pang malalakas na bansa.  Humanga ako sa paninindigan niyang kaya ng Pilipinas ang hindi humingi ng tulong sa mga ito dahil maaaring ito na ang simula na makakayang tumayo na ng Pilipinas sa kanyang sarili.

Hindi ako sang-ayon sa mga pagmumura ni Pang. Duterte at ang mga matatalim na salita niya laban sa mga tumutuligsa sa kanya ngunit hinayaan ko lang siya dahil ang iniisip ko ay panandalian lamang ang mga ito habang maiinit ang kasalukuyang isyu.  Subalit sa araw-araw na nangyayari ay bumubungad sa akin ang ibang-Duterte na nagustuhan ko kaya ko ibinoto.  Nang aminin niyang hindi pala niya nakuwenta nang tama na kaya niyang linisin ang bansa sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan sa halip ay humingi ng anim na taon, ako bilang unang-unang gustong mawala na ang kaguluhan ay sobrang nadismaya.  Naging kabi-kabila din ang mga kontrobersiyal niyang mga pahayag upang banatan ang mga tumutuligsa at kalaban niya sa politika, paghikayat niya sa patayan, kabi-kabilang pagmumura sa harap ng telebisyon at ang pagpapahayag niya sa presensiya ng Diyos. Nag-isip ako, parang tinatabangan na ako sa Pangulo.  Tama pa ba ang mga ito?  Ito ba ang gusto ko?  May magandang nagawa ang Pangulo pero marami ang hindi ko nagugustuhan at nadagdagan pa ang mga polisiya niya ang lihis na sa prinsipiyo ko tulad ng paglilibing kay F. MArcos sa LNMB, pag-utang sa Tsina sa napakalaking patubo, pambabastos sa mga kababaihan, atbp.  Kaya nuong huling kwarter ng taong 2016 ay gumawa ako ng salita na bibigyan ko si Pang. Duterte ng isa hanggang dalawang taon sa Malacanan para makapagdesisyon ako kung maka-Duterte pa rin ba ako.

Nagkatotoo ang mga salita kong ito dahil sinagot ako ng Diyos.  Sa tamang oras, pagkakataon at paraan ay ipinakita sa akin ng Diyos ang pinakatamang dahilan upang mabuo ko ang aking pagpapasya.  Tamang-tama lang na bago magdalawang taon, nang tawagin ni Duterte ang Diyos na “istupido”, “torpe” at may pagmumura pa niyang sinabi ay agad na akong nagpasya na tuluyan ko ng isinuko ang paghanga, pagsunod at pagkilala ko kay Duterte.  Iyung sandaling ininsulto niya ang Diyos na kinikilala ko, sinabi ko ng tama na at kalabisan na ito.  Binabawi ko na ang aking natitirang pagkilala sa kanya.  Nuon ay ang Santo Papa, Simbahang Katolika at mga kaparian, ngayon ay ang Diyos na.  Nakakalungkot at nakakatakot ang nangyayari dahil pagkatapos nito ay anu pa ba ang kayang gawin ni Duterte?  Kung kaya niyang gawin iyon sa Diyos, gasino pa kaya at ano pa kaya ang kaya niyang gawin sa bansa, sa mga Filipino, at sa akin?  Nalungkot at nagalit ako dahil iyung kinikilala, iginagalang at dinadasalan kong Diyos ay binastos, tinuya at ininsulto at may kahalong mura pa nga.  Sa halip na maliwanagan ay nagalit pa ako nang kinabukasan ay ipinapaliwanag niya ang kanyang dahilan at pinaninindigang walang mali sa kanyang sinabi.  Maliwanag na ang ininsulto niya ay ang Diyos at hindi ang mga kasulatan at mga gawain ng Katolisismo.  May mali sa ginawa niya, kung mayroon man siyang kinikalang ibang Diyos ay kahit anu pang idahilan niya ay mali ang insultuhin ang Diyos ng iba.  Kung patuloy ko siyang susuportahan, anong mukha ang ihaharap ko sa Diyos kapag nagdarasal ako kung iyung tao na bumabastos sa kanya ay kinukunsinte, sinusuportahan at pinapalakas ko sa kanyang ginagawa?  At kung hahayaan ko lang at hindi ako papalag ay lumalabas na kasabwat ako sa pambabastos sa Diyos.

Kung dahil marami siyang nakikitang kapintasan sa ibang relihiyon, igalang naman niya ang paniniwala ng ibang tao.  Huwag niyang bastusin ang aking DIYOS.  Hindi ako isang matuwid na tao para magsalita ng pagtuligsa sa ginawa ni Pang. Duterte.   May mga kasalanan ako, baka nga yung mismong pagkatao ko ay ang aking kasalanan pero kaya kong talikuran ang sinomang mambabastos sa Diyos maging siya man ay malapit sa buhay ko o kahit isa pa siyang Pangulo.  Hindi ako relihiyoso pero napakalaki ng takot at pag-galang ko sa Diyos. Hindi ko makakaya ang mamolitika, manglamang, magmura, magdasal ng kapamahakan ng kapwa, sulsulan ang paglaganap ng patayan at kunsintihin ang pambabalahura sa Diyos. Duon man lang ay makabawi sana ako sa aking kasalanan.  Hindi ko sinasabing walang bahid ng pagkakamali ang mga kaparian dahil alam naman natin na sa hanay nila ay may mga kontrebersiya sa katuruan at gawain nila.  Ganun din naman sa iba pang sekta ng relihiyon at sa lahat ng sangay ng lipunan tulad ng politika, palakasan, sining atbp.  Ang sa akin lang, mayroon mang mga kamalian ang ilang personalidad sa aking kinaaanibang relihiyon pero mas marami pa rin sa kanila ang nasa tuwid na landas kumpara sa mga politiko.  Maunawain ako at bukas ang aking kaisipan bilang isang Kristiyano.  Bagamat lumaki ako sa isang lugar na malakas ang impluwensiya ng katolisismo at kristiyanismo ay may mga bagay na hindi ko sinusunod tulad ng pagdarasal sa mga santo at imahen, pagbigkas ng mga orasyon at litanya. Nagsisimba ako at nakikipag-diwang ako ng Mahal na Araw, Pasko, atbp. bilang pagkilala ko sa mga kabanalang ginawa ng mga Santo at Santa pero hindi ako nagdarasal sa kanila, hindi ako humahalik, pumapasan at nag-aalay. Oo bukas ang aking isip pero hindi sa punto at sa antas na kapag binastos ang Diyos ko ay hindi man lang ako papalag.

Napakalaki ng pagsisisi ko.   Ang gusto ko lang naman nung panahon na nagdesisyon ako sa pagpili ng iboboto ay ang katahimikan ng bansa kaya nasilaw ako sa pangako niyang tatlo hanggang anim na buwan niyang lilinisin ang kaguluhan.  Kasi yun ang gustong-gusto ko ng makamtan ng bayan pero maling-mali ako. Hindi na nga napatahimik ang bansa, marami pa ring droga at krimen, napapasok at nasasakop pa tayo ng Tsina, nababalahura pa ang constitution, bumabagsak pa ang ekonomiya, nauso ang huwad na balita at propaganda, at nagbago pa ang kultura sa pagtingin ng mga tao sa kagandahang-asal.  Oo, maaaring hindi makakaya sa loob ng anim na taon ang mapaganda ang bansa pero wala pa siyang dalawang taon ay pumangit pang lalo ang kalagayan ng bansa.  Magkaiba man tayo ng pananampalataya pero naruon dapat yung respeto sa opinyon ng ibang tao dahil pagkatapos ng lahat ng ito ay iisa lang naman ang Diyos natin. Nagkaiba-iba lang tayo ng paraan ng pagpapahayag ng ating paniniwala.  Kung magkaiba na tayo ng pananaw pagdating kay Pang. Duterte, paumanhin sa aking mga kapamilya, kamag-anak, kaibigan, kasamahan na kukuwestiyon sa akin tungkol dito, awayin o husgahan na ako pero hindi kami magkakasundo pagdating sa bagay na ito.  Hindi ako magpapakapanatiko kay Pang. Duterte at dahil sa ginawa niya ay hindi ako magmumura para lang ipagtanggol siya.  Mayroon mang kuwestyonable sa ilan pero sa pangkalahatan ay napakabanal kung susundin lang ang maging isang mabuting Kristiyano.  Pagtulong, paggalang, pagpapatawad at pagmamahal – ito ang Kristiyanismo na napakaganda hindi ba?  

No comments: